Bumaha ng korapsyon kaya baha ng protesta ang naging tugon ng mamamayan. Walang patlang ang mga pagkilos buong taon mula Kamaynilaan hanggang sa Visayas at Mindanao. Kinalampag ang mga kontraktor pati mga korap sa Kongreso kaya ang praning na pangulo ay binarikadahan ang Mendiola at paligid ng Malakanyang. Dumagundong ang panawagan para sa pananagutan at umabot ito hanggang sa The Hague.
Nagbardagulan ang mga kampo ni Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte kahit sila mismo ang kumakatawan sa salot na nagpapahirap sa bayan. Ang guhitan ng linya kung sino ang tama at mali ay hindi kung kaninong paksyon tayo papanig, kundi sa pagsandig sa pwersa ng masa na tumitindig para sa tunay na pagbabago. Tapos na ang taong 2025 subalit hindi pa ang laban para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya.
Marami tayong nakamit na tagumpay, habang kinikilala na mayroong tayong mga dapat pangibabawan upang magtamo pa nang mas marami pang tagumpay sa hinaharap. Pinakatampok na pagsulong ay ang ating sama-samang pagkilos na ating nagawa sa kabila ng mga balakid at pananabotahe ng mga nakaupo sa kapangyarihan.
Binandila ang panawagang ‘Marcos Singilin, Duterte Panagutin, Sarah Litisin” sa malawakang pagkilos noong Enero 31. Sa tulak ng taumbayan, nagtagumpay ang impeachment laban kay Duterte sa House of Representatives. Kaya ang anibersaryo ng 1986 People Power ay naging espasyo ng nagkakaisang tinig upang papanagutin si Duterte habang sinisingil si Marcos.
Noong Marso 28 ay inaresto si Rodrigo Duterte at dinala sa kustodiya ng International Criminal Court. Naging posible ito dahil tuloy-tuloy na kinampanya ng mga kaanak ng biktima ng Tokhang at pinanatiling buhay ang isyu at presyur sa pamahalaan ni Marcos.
Sinalamin ng resulta ng halalan ang matinding krisis sa politika kaya ang binidang landslide na panalo ay hindi nagawa ng mga burges na partido. Hudyat ito ng pagtakwil ng tao sa palpak na pamumuno ni Marcos. Pinakita rin nito ang limitasyon ng impluwensiya ng mga Duterte. Samantala, tagumpay ang ilang “independent” na kandidato at may bitbit na repormistang adyenda sa Kongreso. Naipanalo naman ng Makabayan ang tatlong kinatawan sa kabila ng atake at pandaraya ng pasistang estado.
Noong Hulyo ay binasura ng Korte Suprema ang impeachment ni Duterte na lalong nagpaalab ng galit ng tao laban sa bulok na hustisya sa bansa. Mas malaking kaso ng korapsyon ang sumabog pagkatapos mabunyag ang pambubudol ng mga opisyal sa mga proyektong may kinalaman sa flood control. Tinangkang ilihis ni Marcos ang usapin at ibaling sa iba ang sisi subalit bigo siya na hindi matukoy ang kanyang kriminal na pananagutan.
Bago ang makasaysayang protestang bayan noong Setyembre 21 ay kinasa ang mga serye ng pagkilos na naging siklab ng paglaban sa buong bansa. Nariyan ang paglusob sa bahay ng mga Discaya, ang pagsugod sa opisina ng DPWH, at protesta sa harap ng Batasan. Sinundan ito ng walkout sa mga pamantasan at protesta kahit sa mga laro ng UAAP. Nagmarka rin ang mga martsa sa mga komunidad, lalo na sa mga binahang bayan at nilahukan pa ng mga opisyal ng LGU. Iba’t ibang porma ng protesta ang inorganisa mula pagtakbo, pagpadyak, Zumba, at kalampagan sa mga barangay.
Ramdam sa mga protesta ang galit ng sambayanan kaya nalikha ang momentum para sa dambuhalang pagkilos noong Setyembre 21. Ang huling malaking pagtitipon kontra korapsiyon ay naganap noong 2013 Million People March sa Luneta. Binasag at pinasubalian ng protesta ang pinakalat na naratibo na walang saysay ang mga kolektibong aksyon at pagod na ang tao sa mga ganitong tipo ng pakikisangkot sa politika. Kahit si Marcos mismo ay nagsabi na pabor siya sa protesta na indikasyon ng malawak na galit ng mamamayan, at paghahabol ng Palasyo na huwag maging inutil (lame duck) ang pangulo.
Binigyang hugis ng galit na ito ang salpukan ng mga kabataan sa mga pasistang pwersa ng estado sa Mendiola. Nalantad ang pulisiyang maximum tolerance bilang hungkag dahil dahas ang tugon ng pulis at burukrasya sa mamamayang naghahanap ng kasagutan, katotohanan, at pananagutan. Kinutya ang mga kabataang militanteng nakipagtagisan sa pulis kahit ang huli ang may dalang armas, tear gas, batuta at ginamit ang mga ito hindi lang sa mga pinaghihinalaan nilang kasama sa rali, kundi pati sa mga bystander at mga residente sa paligid ng Mendiola. Sa kabila ng pagbabaluktot ng mga nanakit, namaril, at nais ipagtanggol ang mga berdugo, nasaksihan ang poot ng maralita at mga kabataang lumaki sa mga komunidad na tinokhang at binababaran ng mga pasista.
Giniit ng tao na hindi pwedeng mga trapo at political dynasties ang magtakda kung paano gagawin at tatapusin ang kampanya laban sa korapsiyon. Nagmaniobra si Marcos na ipihit ito sa mga palihim na imbestigasyon, negosasyon, at kompromiso kaya mahalaga na tuminding ang mamamayan laban dito.
Pinatunayan na ang mabisang sandata pa rin ng taumbayan ay ang lakas ng sama-samang pagkilos. Kaya nagpatuloy ang mga protesta pagkatapos ng Setyembre 21. Bumalik sa Mendiola ang mga kabataan noong Oktubre 17; ang mga pesante ay naglakbayan, nagkampuhan, at nagmartsa noong Oktubre 21; kinasa ang mga Black Friday Protest sa mga pagawaan at komunidad. Ang lansangan, at hindi ang executive session ng mga burukata kapitalista, ang naging plataporma ng karaniwang tao upang ilatag at igiit ang panawagan para sa pananagutan. Kaya kahit ang mga konserbatibong institusyon at mga pwersang nakinabang sa pandarambong noon ay ipokritong umastang galit din sa korapsyon.
Sumulong ang mga protesta kahit nagkutsabahan ang administrayon ni Marcos at mga oportunistang pwersa, at aktibong nagtangka ang mga kampon ni Duterte na makabalik sa pwesto. Naghasik ng takot, disimpormasyon, at intriga upang madiskaril ang protestang bayan noong Nobyembre 30. Sa kabila nito, dumagsa pa rin ang tao sa kalye sa Luneta at iba’t ibang sentrong lungsod ng bansa. Nagmartsa pa rin mula Luneta hanggang Mendiola kahit tinangkang pigilan ng pulis na matuloy ang rali sa Maynila.
Hanggang sa huling araw ng taon ang tao ay nasa kalye, tinatakwil ang badyet na tila naging halimaw na Hydra dahil sa iba’t ibang mukha ng pork barrel na pinasok dito ng mga mambabatas at ng Palasyo. Natapos ang 2025 na walang mataas na halal na opisyal ang kinulong. Walang pag-usisang naganap tungkol sa delivery ng mga nakaw na pera na nilagay sa maleta.
Kaya kung ang 2025 ay taon ng protesta, ang 2026 ay tiyak hahantong bilang panahon ng pagtutuos. Nananatili ang matinding pagkamuhi sa mga korap at dinagdagan ito ng pagkadismaya sa bulok na sistemang kumakanlong sa mga nag-abuso sa kanilang kapangyrarihan.
Bitbit natin ang mga aral at tagumpay ng nagdaang taon na magsisilbing gabay sa ating pagkilos sa bagong taon. Subok ang ating hanay sa maraming labang kinasa mula sa paghamon sa imperyalistang agresyon hanggang sa pagpapaigting ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Pinakamahalagang kaisahan ang panawagang patalsikin sa pwesto si Marcos, Duterte, at mga tiwaling opisyal, at kasunod nito ay isang transisyon bago ang pagpapatawag ng halalan. Nagbigay ito ng mabilis na sagot kung ano ang papalit kay Marcos at Duterte, subalit batid din nating nag-iwan din ito ng mas maraming tanong at spekulasyon.
Tanging sa paglahok natin sa laban para sa makabuluhang pagbabago matatakda ang hinaharap ng kilusang pinanday natin sa nakalipas na taon. Gagawin lahat ng mga reaksyonaryo upang hindi mabuwag ang kaayusang pabor sa kanilang interes, subalit ang tao ay nag-aasam at handang kumilos para sa pagbubuo ng bagong bukas. Maraming tinawid ang 2025, patuloy tayong gumawa ng kasaysayan sa 2026.
The post Taon ng Baha, Panahon ng Protesta appeared first on Bulatlat.
From Bulatlat via This RSS Feed.


