Taliwas sa giit ng 203rd Brigade na isinagawa nila ang pambombomba at strafing sa Barangay Cabacao, Abra De Ilog, Occidental Mindoro upang protektahan umano ang mga mamamayang Mindoreño, katakot-takot na kahirapan at pagdurusa ang naranasan ng mga katutubo at magsasaka sa nasabing lugar.

Sa pinakahuling ulat, 3 batang Mangyan Iraya ang napatay sa pambobomba ng 203rd IBPA noong January 1, samantalang sugatan ang ina ng mga nasawing bata. Napinsala rin ang mga kabuhayan ng mga katutubo at magsasaka sa lugar. Natamaan ng bomba ang ‘di bababa sa 2 baka at 3 baboy. Batay mismo sa tala ng Provincial Social Welfare Office ng Mindoro, nasa 188 pamilya na kinabibilangan ng 769 na katao ang napilitang lumikas dahil sa walang habas na pambobomba ng AFP. Kasalukuyang nasa Cabacao High School nananatili ang mga apektadong pamilya. Liban dito, may 15 pamilya o 59 na katao naman ang lumikas at pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kalapit na kamag-anak.

Samantala, ang isa pang kabataang mananaliksik mula sa Maynila na napahiwalay noong nagkalabanan ay naiulat na nasawi dahil tinamaan ng mga bombang pinakawalan sa ere ng mga pasistang sundalo. Sa mahigpit na koordinasyon sa NDF Mindoro, ang mga kabataang ito ay nagpaabot ng mahigpit na kahilingang makipanayam at makadaupang palad ang hanay ng mga magsasaka, katutubo, at ng Bagong Hukbong Bayan upang alamin ang kanilang kalagayan at bakit tinatahak ng mga ito ang armadong paglaban. Nauna ng naiulat ang pagkasawi ng isa pang kabataang mananaliksik na si Jerlyn Rose Doydora nang atakehin ng kanyang sakit dulot ng labis na hirap ng maniobra noong sila’y binobomba ng mga pasista. Sa kasalukuyan ay hawak ng mga pwersa ng AFP ang bangkay ni Doydora upang mailayo sa imbistigasyon.

Samantala, dobleng panggigipit at panghaharas ang dinadanas ng mga manggagawa sa karapatang-tao sa layuning magsiyasat sa tunay na pangyayari at magbigay ng tulong sa nga biktima ng pambobomba at paglabag sa karapatang pantao. Pinagbawalan ng mga tropa ng 203rd Brigade ang anumang simbahan sa Mindoro na tanggapin ang humanitarian team. Dagdag pa nito, sadyang inihihiwalay rin ng AFP ang mga mamamayan sa evacuation center dahil pinagbabawalan ang humanitarian team na makalapit dito.

Muling nananawagan ang NDF Mindoro sa lahat ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao at mga grupong sibiko na tulungan ang pamilya ni Jerlyn at ng isa pang kabataan na makuha ang kanilang bangkay upang mabigyan ng disenteng burol at libing. Gayundin, mabigyang hustisya ang pagkamatay ng tatlong batang Mangyan-Iraya at pagkasugat ng kanilang ina. Nararapat na tulungan ang pamilya’t komunidad ng mamamayang ng Abra De Ilog na naging biktima ng pambobomba ng 203rd Brigade at 2nd IDPA hanggang mabigyang hustisya ang kaawa awang sinapit nila.

Dapat ilantad at kundenahin ang walang humpay na paglabag ng AFP-PNP-CAFGU sa karapatang pantao ng mamamayan ng isla kung saan panibagong kaso at pinakauna ngayong taon ang pambobomba sa Cabacao na bumiktima sa daan-daang mamamayan ng Abra de Ilog. Itulak ang pagbubukas ng humanitarian corridor upang matulungan ang mga biktima ng walang habas na pambobomba ng 203rd Brigade. Matindi ang epekto sa kabuhayan at sa sikolohiya ng mamamayang naapektuhan ng pambobomba. Dahil sa trauma o labis na takot, marami ang hindi makapaghanap buhay. Sadyang hinihigpitan ng mga pasistang tropa ng 203rd Brigade ang kilos ng mga Mindoreño sa lugar na pinaglabanan at hinulugan ng bomba dahil gusto nilang pagtakpan ang totoong pangyayari at makatakas mula sa pananagutan. Dapat na wakasan ang umiiral na de facto Martial Law sa Mindoro at hayaang ang sibilyang awtoridad at kapangyarihan ng mamamayan ang maghari sa isla.

Kundenahin ang pambobomba ng teroristang 203rd Brigade sa mamamayan ng Abra de Ilog!

Bigyang hustisya ang mga namatay na bata at kabataan!

Biguin ang di deklaradong batas militar at terorismo ng estado sa isla ng Mindoro!

Isulong ang digmang bayan para sa tunay na kapayapaan, katarungan at pagbabago!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan upang ibagsak ang Rehimeng US Marcos Jr. at Duterte!

The post Bigyan-daan ang humanitarian corridor para sa mga biktima ng pambobomba at paglabag sa karapatang pantao ng 203rd Brigade sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.