Nagtipon ang mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Quezon (Apolonio Mendoza Command) at mga rebolusyunaryong pwersa mula sa lokalidad at kalunsuran para sama-samang ipagdiwang ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Ligtas na nakapasok ang mga bisita at naidaos ang pagtitipon sa kasagsagan ng walang awat na operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines sa prubinsya.

Sinalubong ng matunog na palakpakan ang martsa ng BHB bago umawit ng Internasyunal at simulan ang programa. Matapos nito, nag-alay ng pinakamataas na pagpupugay ang hukbo at mga bisita kina Kasamang Jose Maria Sison, Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon, Luis Jalandoni, Maria Malaya, mga martir ng BHB-Quezon, at sa lahat ng nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa paglaya ng sambayanang api.

Sa temang “Ibayong Papag-alabin ang Mithiin ng Mamamayan sa Lalawigan na Wakasan ang Bulok na Sistema!” naging tampok sa programa ang mensahe ng pakikiisa at kultural na pagtatanghal ng mga kinatawan ng iba’t ibang rebolusyonaryong organisasyon. Kabilang dito ang inihanda ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, Liga ng Agham para sa Bayan, Artista at Manunulat ng Sambayanan, Kabataang Makabayan at Friends of the Filipino People in Struggle.

Ikinalugod ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Quezon ang mensaheng iniwan ng mga myembro ng KM. Anila, magiging kaabang-abang ang gagawing pagtugon ng KM sa dumadagundong na panawagan para sa maramihang pasampa ng mga kabataan sa BHB para magsilbi sa digmang bayan sa kanayunan ng bansa.

Ayon sa padalang mensahe ng FFPS mula sa North America, ang masa ay sabik na sa pagbabago, dinggin natin ang kanilang panawagan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, pagsisiyasat at pagsusuri sa kalagayan ng masa hanggang sa magkaroon tayo ng mahigpit na pagsapol, at walang kapaguran para anihin ang kanilang tiwala at suporta. “Kapag tinugunan natin ang kahingian nila, ang ating pagsisikap ay tiyak na magbubunga!” anito.

Sa huling bahagi ng programa, tinalakay ang pahayag ng Komite Sentral na pinamagatang “Napakainam ng sitwasyon para ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.” Binasa rin sa programa ang pahayag ang Komiteng Rehiyon ng Partido sa Southern Tagalog na “Pamunuan ang daluyong ng kilusang masa tungo sa pagpapabagsak sa rehimeng US-Marcos! Palakasin ang Partido at malalim na umugat sa masa!”

Bago umuwi ang mga dumalo, nagsalu-salo ang lahat sa inihandang ispageti, tinapay at apritadang manok. Masaya at puno ng optimismo ang bawat isa sa pagharap sa susunod na taon, lalo na ang mga Pulang mandirigma ng BHB-Quezon na bukod sa nakatanggap ng regalong bagong uniporme ay nakatanaw sa pangako ng mga bumisitang babalik sila sa sonang gerilya.

The post Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, ipinagdiwang ng BHB-Quezon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.