Dalawang higanteng balatengga ang isinabit ng National Democratic Front (NDF)-Rizal at Kabataang Makabayan (KM)-Balangay Jordan Mopon sa Antipolo City noong hatinggabi ng Enero 2. Nakasulat sa balatengga ang mga parangal para sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), mga martir ng rebolusyon, at ang panawagan para ibagsak ang rehimeng US-Marcos.

Pinagpugayan sa isang balatengga sina Kasamang Jose Maria Sison, ang tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng Partido, Kasamang Wilma at Benito Tiamzon, ang mga huwarang kadre ng rebolusyong Pilipino, at Josephine “Ka Sandy” Mendoza, para sa kanyang papel sa pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog.

Sa isa pang balatengga ay pinarangalan si Jordan “Ka Sy” Mopon, isang Rizaleño at matikas na kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kumilos sa kabundukan ng Sierra Madre. Nakalagay sa balatengga na ito ang panawagang sumuporta at sumapi sa BHB. “Kabataang Rizaleño, sundan ang yapak ni Jordan “Ka Sy” Mopon! Sumapi sa NPA!” saad dito.

Binigyang pugay din nila ang pagkamartir ni Jerlyn Rose Daydora, isang kabataang nag-alay ng kanyang buhay habang walang patumanggang binobomba ng 203rd Infantry Brigade ang pamayanan ng mga katutubong Mangyan sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1.

Ayon sa grupo, sa pagsapit ng bagong taon ay masinsin na pinlano ng mga miyembro nito ang pagsasabit ng balatengga kasabay ang pagtitiyak sa seguridad at kaayusan ng aktibidad. Kinailangan ang mahigpit na pagpapatupad sa mga hakbanging panseguridad laluna sa pinatinding pagmamanman at panunupil ng rehimeng US-Marcos laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Ang aktibidad ay kasunod ng pagtitipon ng mga myembro ng NDF-Rizal noong Disyembre 30, 2025 para sa pagdiriwang ng ika-57 na anibersaryo ng PKP. Ang mga balatenggang ikinabit ay ginamit rin sa mismong pagtitipon ng NDF-Rizal.

“Tangan nang mahigpit ang panawagang ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, buo ang diwa ng rebolusyonaryong mamamayan ng Rizal na kamtin ang malalaking tagumbay ng mamamayan laban sa pasista at mandarambong na rehimeng US-Marcos,” ayon sa NDF-Rizal.

The post Mga balatengga para sa mga martir ng rebolusyon, isinabit ng NDF-Rizal sa Antipolo City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.