Nagpaabot ng pagbati ang mga partido at organisasyon ng ibang bansa sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa okasyon ng ika-57 taong anibersaryo nito noong Disyembre 26, 2025. Nagpahayag ang mga ito ng pagkilala sa halos anim na dekadang pamumuno ng Partido sa pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino.

Kabilang sa mga nagpadala ng mensahe ang Communist Party of Canada (Marxist-Leninist), Communist Party of Australia (Marxist-Leninist), Anti-Imperialist Action (AIA) Ireland, at Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS).

“Binabati namin kayo sa isa na namang taon ng matatag na paninindigan, pakikibaka, at matatapang na pagkilos upang itaguyod ang layunin ng sambayanang Pilipino sa loob at maging labas ng bansa,” pahayag ni Anna Di Carlo, pambansang lider ng CPC (ML). Kinilala niya ang pagsisikap ng PKP sa kabila ng napakahihirap na kondisyon upang magkamit ng mga tagumpay hanggang sa ganap na paglaya ng bayang Pilipinas.

Ayon sa AIA Ireland, maituturing ngayon ang pakikibakang pinamumunuan ng PKP bilang isa sa mga pinaka-abanteng rebolusyonaryong kilusan sa mundo. “Ang mga kadre ng PKP at ang kanilang mga kasama ay nanatiling hindi nagagapi sa harap ng matinding kampanya ng pagkubkob at panunupil ng kumprador na rehimeng US-Marcos, at matinding dayuhang interbensyon ng imperyalistang mga tropa,” anang grupo.

Pinansin naman ng CPA (ML) ang pagdaluyong ng mga protesta sa Pilipinas sa nagdaang mga buwan. Ayon sa partido, bahagi ng daluyong na ito ang mga pagsisikap ng PKP para pamunuan ang panawagan ng masang Pilipino sa pananagutan at hustisya sa malawakang korapsyon ng rehimeng US-Marcos.

“Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, nararanasan ng sambayanang Pilipino ang lumalalang kalagayan na walang ibang paraan para wakasan kundi ang pagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya at ipagtagumpay ang pambansa at panlipunang paglaya,” ayon sa CPA (ML).

Para sa FFPS, kapugay-pugay ang pagpupunyagi ng PKP laluna sa harap ng matinding mga gera ng panunupil ng magkakasunod na papet ng US na mga rehimen ng Pilipinas. “Sa harap ng mga sitwasyong ito, namukod-tangi ang PKP sa kritikal-sa-sariling pagsusuri sa sitwasyon, pag-angkop sa panunupil, at pagtutuwid ng mga pagkakamali,” ayon kay Robert Reid, tagapangulo ng FFPS.

Kinilala rin ng mga ito ang tungkuling ginagampanan ngayon ng PKP sa paglaban sa imperyalismong US, laluna sa inuupatan nitong gera sa rehiyong Asia-Pacific. Ang Pilipinas at ang papet na rehimeng Marcos ay ginagamit ngayon ng imperyalismong US at ang rehimeng Trump para pasiklabin ang isang gera laban sa katunggaling imperyalistang China. Nagbubuhos ang US ng bilyun-bilyong dolyar para sa ayudang militar sa Pilipinas at naglulunsad ng malawakan at madadalas na mga war games.

Laman din ng mga mensahe ng mga partido at organisasyong ito ang pagpaparangal sa mga kadre at lider ng Partido na namartir sa nagdaang mga taon. Anila, ang mga martir ng rebolusyong Pilipino ay dapat alalahanin at nararapat na ipagdiwang ang kanilang mga pamana.

Ayon sa FFPS, ang rebolusyon sa Pilipinas ay hindi lamang mahalaga sa mga mamamayan ng Pilipinas kundi maging sa inaaping mamamayan mula sa lahat ng bansa. “Bilang mga tagasuporta ng rebolusyong Pilipino, kami sa FFPS ay magpapatuloy sa aming mga pagsisikap na ilantad sa buong mundo ang pasistang panunupil ng gubyerno ng Pilipinas, magkampanya laban sa dayuhang interbensyon sa Pilipinas, at magbigay ng direktang suporta,” ayon kay Reid ng FFPS.

Isinaad pa ng grupo na tutumbasan nito ang determinasyon at palalakasin ang apoy ng pagkakaisa sa buong mundo habang muling pinapalakas ng sambayanang Pilipino at ng kanilang rebolusyonaryong kilusan ang kanilang mga sarili.

Ang pagpapaunlad ng relasyon ng PKP sa mga kapatid na proletaryong partido at mga mapagkaibigang partido sa ibang mga bayan ay bahagi ng programa sa larangan ng relasyong panlabas na nakasaad sa Programa para sa Pambansa Demokratikong Rebolusyon (PPDR).

The post Mga partido at grupo ng ibang bansa, bumati sa PKP sa ika-57 anibersaryo nito appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.