Nakapaglunsad ng mga simpleng aktibidad at pagtitipon ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa iba’t ibang larangan gerilya sa bansa sa okasyon ng ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26, 2025. Sa kabila ng mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na lalong pinababagsik tuwing anibersaryo, nakapagtanghal ng armas ang mga Pulang mandirigma para pagpugayan ang Partido.
Sa nagdaang mga araw, iniulat ng BHB ang mga pagdiriwang ng mga yunit nito sa Cagayan Valley, Southern Tagalog, Eastern Visayas, at North Central Mindanao. Nag-ulat rin ang ilang mga yunit na sa susunod na mga araw pa nila isasagawa ang kani-kanilang aktibidad.
Sa Southern Tagalog, nailunsad ng BHB sa mga larangang gerilya sa Batangas, Quezon at Isla ng Mindoro ang mga serye ng pagtitipon. Pinangunahan ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng BHB-Southern Tagalog (Melitor Glor Command), ang isa sa mga pagdiriwang. “Napakainam ng sitwasyon para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan,” pahayag niya.
Sa isla ng Mindoro, sinabi ng tagapagsalita ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) na si Ka Madaay Gasic na nananatiling matatag ang hukbong bayan dahil sa pamumuno ng Partido. Aniya, kabaligtaran ng layunin ng rehimeng Marcos at kanyang AFP na pinsalain at durugin ang hukbong bayan ay nasasalag at aktibong nilalabanan ng mga yunit ng BHB-Mindoro ang mga atake ng militar, paramilat at pulis. Gumagamit ang rehimen ng higit na superyor na armas pandigma laban sa BHB kabilang ang mga helikopter, drone, rocket, kanyon at iba pa.
Sa harap ng mga ito, nanawagan si Ka Madaay sa mga Pulang kumander at mandirigma na humugot ng inspirasyon sa isa’t isa sa pagharap ng mas malaking responsibilidad ngayong 2026. “Itanghal natin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang tanglaw na teorya at ang matibay na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa buong rebolusyong Pilipino at sa sambayanan,” aniya.
Sa Eastern Visayas, nakapaglunsad ng pagdiriwang ang BHB-Leyte Island (Mt. Amandewin Command). “Eksakto sa araw ng anibersaryo, matagumpay na naisagawa ng yunit ang kanilang aktibidad sa isang sikretong lokasyon nang lingid sa kaalaman ng mga armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos,” ayon kay Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng yunit.
Sa North Central Mindanao, ipinagdiwang ng isang yunit ng BHB ang anibersaryo. Ginamit ng pamunuan ng yunit ng BHB ang pagkakataon para konsolidahin ang mg Pulang mandirigma at makapaglunsad ng kultural na programa. Maghahatinggabi na nang matapos ang aktibidad ng yunit.
Ayon sa yunit, kitang-kita sa mga Pulang mandirigma ang naging positibong epekto ng aktibidad at pag-aaral sa pahayag ng Komite Sentral para sa anibersaryo. Nakatulong umano ito sa kanila para iwaksi ang mga bagahe na nagpapabigat at nagpapabagal sa makabuluhang pag-usad ng mga gawain sa yunit.
Sa mga pagtitipong ito ng mga yunit ng BHB, binigyang pugay ang mga nabuwal na mga lider at kadre ng Partido sa kani-kanilang saklaw na erya at sa pambansang antas. Pinarangalan rin nila ang mga Pulang mandirigma at kumander na nagbuwis ng buhay sa nagdaang taon.
Bilang pakikiisa sa anibersaryo, naglabas rin ng pahayag ang iba pang mga kumand ng BHB para pagpugayan ang Partido. Ayon kay ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command), nang dahil sa pamumuno Partido ay umabot na sa mahigit apat na dekada ang ating pagsusulong ng armadong paglaban sa Masbate.
“Sa pamumuno ng ating Partido, ang BHB ang mahigpit na kakampi ng mamamayan at inaaasahan upang maigawad ang tunay na katarungan at hustisya sa lahat ng biktima ng karahasan at pamamaslang ng estado. Mabawi ang dapat ay sa kanila at matamasa ito nang may kalayaan at makatarungan,” aniya.
Ipinahayag naman ng BHB-South Central Negros (Romeo Nanta Command) na dodoblehin nito ang mga pagsisikap sa paglulunsad ng masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya sa pamumuno ng Partido. Anang yunit, magpupunyagi ito sa paglulunsd ng mga taktikal na opensiba laban sa armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos.
Ang BHB ay nasa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido sa pamamagitan ng Komisyong Militar nito sa ilalim ng Komite Sentral at sa pamamagitan ng mga kadre nito sa bawat antas. Ginagabayan ng Partido ang hukbong bayan sa pag-aaral at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at pinauunlad ang pinakasulong na mga mandirigma nito upang maging kasapi ng Partido. Ang BHB ang nagsisilbing pangunahing sandata ng Partido sa pag-agaw at pagkonsolida sa kapangyarihang pampulitika.
The post Mga yunit ng BHB sa buong bansa, itinanghal ang armas para sa ika-57 anibersaryo ng PKP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

