Nagpugay ang National Democratic Front (NDF), mga panrehiyon at pamprubinsyang balangay at mga alyadong organisasyon nito, sa ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26, 2025. Naglunsad ng kanya-kanyang pagtitipon at aktibidad ang mga balangay at alyado ng NDF sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang NDF ang pinakakonsolidadong lihim na organisasyong nagkakaisang prente ng mga saligang rebolusyonaryong pwersa, na hayag na nakapailalim sa pamumuno ng uring manggagawa at para sa armadong pakikibaka batay sa pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Mayroon itong 18 alyadong organisasyon na kumakatawan sa mga manggagawa at mala-manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, taong-simbahan, guro, manggagawang pangkalusugan, agham at teknolohiya, abugado, artista at manunulat, kawani ng gubyerno, migranteng Pilipino, at minoryang mamamayan.

Sa pahayag ni Ka Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDF, pinagpugayan niya ang halos anim na dekadang pamumuno ng Partido sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at pakikibaka ng masang Pilipino laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. “Ang pagpupunyagi at dedikasyon nito na gampanan ang makasaysayang tungkulin sa pagsusulong ng adhikain ng bayan ay nagbigay inspirasyon at patuloy na nakapagbibigay inspirasyon sa masa na magbangon,” aniya.

Dagdag niya, napalalakas pang lalo ng Partido ang pamumuno nito sa masang Pilipino sa pagpupunyagi nito sa kasalukuyang kilusang pagwawasato sa pamamagitan ng mga kampanya sa edukasyon. Inilunsad ng pamunuan ng Partido ang isang kilusang pagwawasto simula noong Disyembre 2023.

“Sa ilalim ng pamumuno ng PKP, ang mga alyadong rebolusyonaryong organisasyong masa ng NDF sa urban at rural ay patuloy na nakapagpapalawak ng gawain sa propaganda at pag-oorganisa,” pahayag ni Ka Elias. Iniulat rin ng pangkalahatang kalihim na alinsunod sa 12-puntong programa ng NDF ay patuloy ang kanilang panawagan sa mga kabataan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) o maglingkod sa rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa kanayunan.

Martsa, pagtitipon at OP-OD para sa anibersaryo

Naglunsad ng mga martsa, lihim na pagtitipon, operasyon pinta at operasyon dikit (OP-OD), at iba pang aktibidad ang mga balangay at alyado ng NDF para ipagdiwang ang anibersaryo ng Partido. Mapangahas nila itong isinagawa sa mga sentrong urban at sa kanayunan sa harap ng pinatinding pagbabantay ng rehimeng US-Marcos para pigilan ang mga pagdiriwang.

Sa Metro Manila, magkasunod na martsa ang inilunsad sa Maynila at Pasay City noong Disyembre 21 at 22, 2025. Kabilang sa mga grupong lumahok sa protesta ang Kabataang Makabayan, Artista at Manunulat ng Sambayanan, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, Revolutionary Council of Trade Unions, Makabayang Kawaning Pilipino at Compatriots.

Sa Central Luzon, naisagawa ang isang pagtitipon noong Disyembre 26, 2025 sa isang hindi tinukoy na lokasyon. Naging makasaysayan ang pagtitipon ng mga grupo at masang anakpawis na nagpahayag ng matibay na paninindigan na ipagpatuloy at isulong ang digmang bayan sa gitna ng tumitinding pasismo at pang-aapi.

Sa Rizal, inilunsad ng pamprubinsyang balangay ng NDF ang isang pagtitipon noong Disyembre 30, 2025. Sinundan nila ito ng pagsasabit ng dalawang higanteng balatengga noong hatinggabi ng Enero 2 sa Antipolo City. Nakasulat sa balatengga ang mga parangal para sa PKP, sa rebolusyon, at ang panawagan para ibagsak ang rehimeng US-Marcos.

Sa pangunguna ng Compatriots Philippines, mahigit 100 katao ang dumalo sa pagdiriwang at kultural na gabi na inilunsad para sa anibersaryo ng Partido sa isang lokasyon sa Southern Tagalog noong Disyembre 26, 2025. Dumalo sa pagtitipon ang mga kasapi nito mula sa Rizal, Bulacan, at Metro Manila. Kasama rin sa aktibidad ang ilang mga kasapi ng KM, Makibaka, Kasama, at mga kapamilya ng mga martir ng sambayanan.

Ilang araw bago nito, nagsabit ng mga balatengga ang Compatriots Philippines sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City. Laman ng balatengga ang panawagan sa mga migranteng manggagawa at mga pamilya nito na lumahok sa digmang bayan upang wakasan ang kahirapan at korapsyon sa bansa.

Sa Australia, naglunsad ng pagtitipon ang Compatriots-NDFP-Australia kasama ang Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) at mga kapatid na partido. Naglunsad rin ng operasyon dikit ang mga myembro ng Compatriots-Kabataang Makabayan Narrm sa Melbourne bilang pagpupugay sa anibersaryo ng PKP. Isinagawa ang mga ito noong huling linggo ng Disyembre 2025.

Halos 300 katao ang natipon ng NDFP International Office sa inilunsad nitong online broadcast ng pagbabasa sa pahayag ng Komite Sentral ng PKP noong Disyembre 26, 2025. Ang aktibidad ay dumaloy sa Zoom at Discord, at ipinaskil sa Youtube ang presentasyon ng Pilipino at English na bersyon ng binasang pahayag pagkatapos. Dahil sa mapanupil na sensura, agad na binura ng Youtube ang ipinaskil na bidyo.

Samantala, naglunsad ng OP-OD ang iba’t ibang mga organisasyon ng NDF sa Baguio City, Laguna, Metro Manila, at Cebu City.

Naglabas ng kanya-kanyang pahayag ng pagpupugay sa Partido ang iba’t ibang mga balangay at alyado ng NDF. Kabilang dito ang mga balangay ng NDF sa Cavite, Laguna, Eastern Visayas, at Metro Manila; KM mula sa Southern Tagalog, Quezon, Cavite, Laguna at Metro Manila; Armas-Metro Manila, pambansang upisina ng RCTU at panrehiyong balangay nito sa Southern Tagalog; Kaguma-Jessica Sales Chapter mula sa Southern Tagalog; mga pambansang upisina ng Pambansang Samahan ng Makabayang Tsuper (PSMT), Kasama at PKM.

The post Mga balangay at alyadong organisasyon ng NDF, nagpugay sa PKP sa ika-57 anibersaryo nito appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.