Pinarangalan ng Izz al-Din al-Qassam Brigades si Abu Obeida, 40, yumao nitong tagapagsalita, kasama ng apat pang kumander na namartir noong 2025.
Sa isang pahayag na inilabas sa Telegram noong Disyembre 29, 2025, kinumpirma ng al-Qassam na namatay si Abu Obeida noon pang Agosto 30, 2025 sa isang air strike ng Zionistang Israel sa Rimal, Gaza City. Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakilala siya sa tunay niyang pangalang Hudhaifa Samir Abdullah al-Kahlout. Nagsilbi siyang tagapagsalita ng al-Qassam sa nakaraang halos dalawang dekada.
Binasa ang parangal ng bagong tagapagsalita ng al-Qassam, na nagmana sa pangalang Abu Obeida.
Ipinagluluksa natin ang dakilang kumander at martir, ang tagapagsalita ng mga Brigada ng al-Qassam, si Abu Obeida—ang malakas na tinig ng bansa, ang taong tapat sa salita at paninindigan, ang tibok ng puso ng Palestine, ng kanyang Jerusalem, ng kanyang mamamayan, at ng kanyang paglaban, at ang pinuno ng ahensyang pangmidya ng Qassam,” pahayag ng bagong tagapagsalita.
“Siya (al-Kalhlout) ang nakamaskarang pigura na minamahal ng milyun-milyon, na kinasabikang makita at pinagkunan ng inspirasyon… simbolo ang kanyang pulang keffiyeh para sa mga malayang mamamayan sa buong mundo.”
Ipinanganak si Al-Kahlout sa Jaballa refugee camp noong 1985. Lumahok siya sa Ikalawang Intifada sa edad 15, kung saan ginamit niyang kunya (pangalan sa pakikibaka) ang pangalang Abu Obeida. Pinaniniwalaang galing ito sa pangalang Abu Ubayda ibn al-Jarrah, isa sa mga kasama ng propetang si Mohammad at isa ring bantog na kumander militar.
Pormal na lumitaw si Abu Obeida bilang tagapagsalita noong 2004-2005 at tuluy-tuloy niyang ginampanan ang tungkulin bilang “boses ng mamamayan.” Naging tagapaghatid siya ng balita ng mga labanan, tagasagot sa mga paratang ng Zionistang Israel at tagapagbigay tapang sa mga Palestinong lumalaban. Sa kanyang mga pahayag, palagian nakabalot ng pulang keffiyeh ang kanyang mukha.
Liban kay Al-Kahlout, pinarangalan din ng bagong tagapagsalita ang iba pang namartir na kumander ng Al Qassam na sina Mohammad Sinwar (Abu Ibrahim), Mohammad Shabanah (Abu Anas), Hakam Al-Issa (Abu Omar) at Raed Saad (Abu Mouath).
“Ang dugo ng ating mamamayan, ng ating mga mandirigma at ating mga lider na dumanak sa lupa ng Gaza…ay panawagan para sa bayan na lumaban, itakwil ang pagkakampante at kumilos bilang suporta sa Palestine at Al Aqsa,” ayon sa bagong Abu Obeida.
The post Tagapagsalita, iba pang martir ng paglabang Palestino, pinarangalan ng al-Qassam appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

