Matapos ang pagtitipon ng mga miyembro ng National Democratic Front (NDF)-Rizal noong Disyembre 30, 2025 para sa pagdiriwang ng ika-57 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nagkasa sila ng pagsasabit ng dalawang higanteng balatengga noong hatinggabi ng Enero 2, 2026 sa syudad ng Antipolo, katuwang ang KM Balangay Jordan Mopon.

Sa pagsapit ng bagong taon ay masinsin na pinlano ng mga miyembro ang operasyon, kasabay ang paninigurado sa seguridad at kaayusan ng pagsabit.

Nakasulat sa balatengga ang mga parangal para sa Partido Komunista ng Pilipinas, sa rebolusyon, at ang panawagan para ibagsak ang rehimeng US-Marcos.

Binigyan din ng pagpupugay sina Jose Maria Sison, ang pangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, sina Wilma at Benito Tiamzon, ang mga huwarang kadre ng rebolusyong Pilipino, at si Josephine “Ka Sandy” Mendoza, para sa kanyang papel sa pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan.

Sa isa pang balatengga ay pinarangalan si Jordan “Ka Sy” Mopon, isang Rizaleño at matikas na kumander-rebolusyonaryo sa kabundukan ng Sierra Madre. Nakalagay sa balatengga na ito ang panawagan na nagpapakita ng suporta sa pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan: “Kabataang Rizaleño, sundan ang yapak ni Jordan “Ka Sy” Mopon! Sumapi sa NPA!”.

Binigyang pugay din ang pagkamartir ni Jerlyn Rose Daydora, isang kabataang nag-alay ng kanyang buhay habang walang patumanggang binobomba ng 203rd Infantry Brigade ang pamayanan ng mga katutubong Mangyan sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro nitong Enero 1.

Tangan ng mahigpit ang panawagang ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, buo ang diwa ng rebolusyonaryong mamamayan ng Rizal na kamtin ang malalaking tagumbay ng mamamayan laban sa pasista at mandarambong na rehimeng US-Marcos.

The post NDF-Rizal, matagumpay na nagsabit ng mga balatengga, alay sa mga martir ng rebolusyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.