Nagpahayag ng taos pusong pakikiramay ang National Democratic Front (NDF)-Mindoro sa pamilya, kaibigan at mga mahal sa buhay ni Jerlyn Rose Doydora matapos siyang masawi sa sakit dulot ng walang habas na pambobomba ng 203rd Infantry Brigade sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra De Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1.

Si Daydoro ay isa sa mga kabataan na nagpaabot ng hangarin na makapanayam ang mga katutubo at magsasaka sa Mindoro at ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nais nilang alamin ang kongkretong kalagayan ng mga masa, ang dahilan ng armadong sigalot at ang tunay na solusyon para makamit ang kapayabaan. Pinangasiwaa ng NDF-Mindoro ang pagtanggap sa mga bisita sa Abra de Ilog bago ang bagong taon. Inilalayan sila ng mga katutubo at magsasaka sa lugar, at tinanggap ng yunit ng BHB.

Ayon kay Ka Ma. Patricia Andal, tagapagsalita ng NDF-Mindoro, nadamay ang mga kabataan sa pataksil na pag-aatake ng AFP-PNP sa panahon na naka-ceasefire ang BHB. Nakapagdepensa ang yunit at ligtas silang nakaatras sa kabila ng walang habas na pambobomba at istraping ng hindi bababa sa apat na attack helicopter ng AFP. Isang kabataan ang napahiwalay sa proseso ng atrasan at kasalukuyang hinahanap ng mga residente sa lugar. Sa gitna ng pambobomba at istraping, inatake si Jerlyn ng kanyang sakit na tuluyan niyang ikinamatay.

Para matiyak na makukuha ng pamilya ni Jerlyn ang kanyang mga labi, nagpasya ang yunit ng BHB na ihimlay ang kanyan katawan sa lugar kung saan siya pumanaw.

“Si Jerlyn ay martir ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataang naghahanap ng tunay na pagbabago sa bulok at korap na sistema. Dapat taas-kamao tayong magbigay pugay sa kanyang kapangahasan at katapangan na makipamuhay sa mga masa at kanilang Pulang hukbo…lubusan niyang inialay ang kanyang buhay para sa sambayanan, at sa kanilang mithiing lumaya mula sa kahirapan,” pahayag ni Ka Patricia.

Nagpahayag din ng pagkundena ang NDF-Southern Tagalog sa paghahasik ng terorismo ng 203rd IBde sa mga komunidad ng Abra de Ilog. Gayundin, ang walang pakundangang paglalantad ng mga ID at larawan na nakuha nila sa labanan nang walang pagsasaalang-alang sa pribasiya ng mga kabataan.

Nananawagan ang NDF-Mindoro sa mga nagtataguyod ng karapatang-tao at grupong sibiko para alalayan ang pamilya ni Jerlyn at itulak ang pagbubukas ng isang humanitarian corridor para makuha ang kanyang mga labi. Kasabay nito, mabigyan daan din ang pagligtas sa isa pang kabataan na hindi nakasama sa pag-atras.

The post Kabataang estudyante, nasawi dulot ng walang habas na pambobomba ng AFP sa Occidental Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.