Nakiisa ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Pasay sa mga manininda at trabahador ng Wowee Market sa Taft Avenue, Barangay 97, Pasay City laban sa pagpapasara dito ng lokal na gubyerno. Ayon sa grupo, sa pagpasok ng bagong taon ay pangamba at kawalan ng kabuhayan kaagad ang sumalubong sa mga manininda at trabahador sa pagpapasara sa palengke.

Noong Disyembre 19, ipinag-utos ng Pasay City Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang pagpapasara sa Wowee Market dahil sa sinasabing mga paglabag at kakulangan ng mga permit. Ang palengke ay pag-aari ni Yok Tin Tan So.

Anang upisina, paulit-ulit nang pinaabutan ang may-ari ng palengke para isumite ang mga kinakailangang permit ngunit wala siyang naging tugon. Maaari lamang mabuksang muli ang palengke kung maisusumite ang permit ng pamunuan ng palengke.

Ayon sa Bayan-Pasay, bagama’t batid nitong kinakailangang sundin ang mga regulasyon ay hindi dapat ito maging dahilan para pagkaitan ng kabuhayan at lalong ilibing sa hirap ang mga Pasayeñong naghihikahos na. “Bukod sa mga manininda at trabahador, malaki ang magiging epekto ng pagkandado sa Wowee Market sa mga komunidad na umaasa rito bilang isa sa mga murang pamilihan sa lunsod,” anito.

Nagbabala rin ang lokal na gubyerno sa mga manininda at trabahador. Anito, seryoso ang lokal na gubyerno at ipatutupad nito ang desisyon na pigilan ang anumang operasyon sa palengke.

Dismayado ang Bayan-Pasay na mas pinili ni Pasay City Mayor Emi Calixto na tanggalan ng pagkakakitaan at murang pamilihan ang libu-libong Pasayeño sa gitna ng lumalalang krisis sa ekonomiya at kawalan ng serbisyo. Nanawagan ang grupo na dapat bigyan ng pagkakataon ang mga manininda ng Wowee Market na ipaglaban ang kanilang karapatan sa tiyak na kabuhayan.

Dagdag nito, hindi dapat maipit ang mga maralita, manininda, at mamimili sa burukrasya at pasikot-sikot ng lokal na pulitika sa syudad. Sa harap ng palengke, nagpaskil ng mga panawagan ang mga manininda at trabahado na protektahan at muling buksan ang Wowee Market.

The post Pagpapasara sa isang palengke sa Pasay City, tinutulan ng lokal na grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.