Mariing kinukundena ng NDFP-ST ang malawakang pambobomba at istraping ng 203rd IBde mula sa himpapawid sa kabundukan ng Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1 bandang 9:30 ng umaga hanggang 12:30 ng tanghali. Walang kunsiderasyon sa pagdiriwang ng mga sibilyan sa bagong taon, isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng 76th IBPA, 1st IBPA, 59th IBPA at 5th SRB ang walang pakundangang pagpapasabog at pamamaril matapos ang pag-atake sa isang yunit ng Lucio de Guzmand Command (LdGC)-NPA Mindoro bandang alas-6:30 ng umaga sa lugar.

Apat na Blackhawk helicopter at Md520 ang ginamit ng 203rd IBde na naghasik ng ligalig sa komunidad ng mga katutubong Mangyan Iraya at magsasaka sa Abra de Ilog sa loob ng tatlong oras. Malinaw na walang galang ito sa inaasahang mapayapang selebrasyon ng Bagong Taon ng masang Pilipino sa lugar.

Tusong inatake ng berdugong AFP ang naturang yunit ng NPA Mindoro sa gitna ng ipinatutupad ng huli na unilateral ceasefire na iniatas ng Partido sa buong bansa. Ang panahon ng tigil putukan ay ginamit ng naturang yunit ng LdGC upang abutin at makipagkonsultahan sa mga aping mamamayang inabandona ng estado lalo ang mga katutubong Mangyan Iraya sa lugar, at sa iba pang pwersa at grupo ng sibilyang mamamayan na sumusuporta sa laban ng mamamayang Mindoreño. Sa pakikipagkoordina sa NDFP Mindoro, inilugar ang imbestigasyon at pakikipag-integra ng mga kabataan sa mga katutubong Mangyan at magsasakang lokal ng Abra de Ilog. Sa kasamaang palad, ang sana’y mapayapang pakikipag-panayam sa NPA at mga katutubong Mangyan ay naging malagim na karanasan matapos nadamay sa ginawang pataksil na pag-atake ng berdugong militar. Iniresulta nito ang pagkamatay ni Jerlyn Rose Doydora dahil sa atake ng kanyang sakit sa proseso ng mahirap na pag-atras sa gitna ng pambobomba ng AFP. Nawawala pa rin ang isang kabataang hindi nakasama sa pag-atras.

Iniulat ng NDF-Mindoro na sinagpang ng mga kabataang tulad ni Jerlyn ang ipinatupad na unilateral ceasefire ng CPP-NPA para makipag-aralan sa mga magsasaka, katutubo at yunit ng NPA sa lugar upang higit na maunawaan ang dahilan ng kanilang pag-aarmas at kung bakit ito ang nakita nilang solusyon sa dinaranas na walang-kaparis na kahirapan. Dapat na maunawaan na ang pagtungo ng mga kabataang tulad ni Jerlyn upang makipamuhay sa kanayunan ay itinulak ng kanyang pagmamahal sa bayan at diwang mapagkawanggawa. Naghahangad sila ng tunay na pagbabago mula sa laganap na kabulukan ng gubyerno.

Dapat bigyang puwang ang isang humanitarian mission upang makuha ng mga kaanak ni Jerlyn ang kanyang labi at mahanap ang isa pang kabataang nawala sa proseso ng labanan. Hindi ito dapat atakehin ng berdugong AFP-PNP bilang pagrespeto sa namatay at sa pamilya ni Jerlyn.

Dapat ding singilin ang 203rd Bde ng Philippine Army sa walang-pakundangang paglalantad ng mga ID at larawan na nakuha nila sa labanan nang walang pagsasaalang-alang sa pribasiya ng mga kabataan.

Dahil bigong kamtin ang target na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa pagtatapos ng 2025, desperadong gumamit ng overkill na armas pandigma ang 203rd Bde sa NPA Mindoro. Walang pagsasaalang-alang kung may madadamay mang sibilyan sa kanilang pakana at ni walang paggalang sa batayang karapatan ng sibilyan at kahit ng katunggaling pwersang lehitimong nakikidigma sa kanya.

Tinamaan ng mga pasabog ang mga pananim na perwisyo sa kabuhayan ng masang magsasaka. Matinding trauma ang dulot nito sa mga residente at karatig-baryo. Ang mga ito ay malinaw na paglabag sa internasyunal na makataong batas at tuntunin sa digma. Tiyak na gagawing batayan ito ng mga berdugong yunit ng militar sa isla para paigtingin ang isinasagawa nilang focused and sustained military operations sa lugar na walang ibang hatid kundi perwisyo sa mamamayan.

Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng mga makabayang pwersa at mapagmahal sa kapayapaan na tulungan ang kapwa Pilipino sa Mindoro laban sa pandarahas ng AFP-PNP. Nangangailangan ang mga residente ng serbisyong medikal, psycho-social at tulong ligal laban sa pasismo ng 203rd Brigade. Kasabay nito, dapat ipatigil ang matinding militarisasyon sa kanayunan at ang overkill na tipo ng pag-atake ng AFP sa mga yunit ng NPA na labag sa mga pandaigdigang panuntunan at batas sa digma.

The post Walang pakundangang pambobomba at istraping ng 203rd Infantry Brigade, labag sa IHL at tuntunin sa digma appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.