Sukdulang terorismo ang walang habas na pambobombang isinagawa ng 203rd Infantry Brigade sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro mula alas-9:30 ng umaga hanggang alas-12:30 ng tanghali kahapon (Enero 1). Kasunod ito ng bigong pataksil na pag-atake sa bagong taon na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng 1st at 76th Infantry Battalion (IB) at 5th Scout Ranger Battalion ng 203rd Brigade, 2nd IDPA laban sa yunit ng NPA sa bandang alas-6:30 kaninang umaga sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra De Ilog. Ang teroristang atakeng ito ay pagbaling muli ng militar ng kanilang galit sa sibilyang populasyon ng Abra de Ilog matapos na makaranas ng pinsala ang kanilang pwersa at sa kanilang desperasyon matapos na mabigong pinsalain ang yunit ng BHB. Muling pagpapakita ito ng kawalan ng kahit anong malasakit ng militar para sa mga Mindoreño na dapat sana’y mapayapa at ligtas na nagdiriwang ng bagong taon.

Isa sa biktima ng pang-aatake at pambobomba ng 203rd Brigade at 2nd IDPA, inatake ng kanyang sakit na kanyang ikinasawi ang kabataan mula Maynila na si Jerlyn Rose Doydora. Si Jerlyn ay kabilang sa isang grupo ng mga kabataang tumungo sa Mindoro para magsaliksik, mag-interbyu at makipamuhay sa mga katutubo at magsasaka at sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa panahon ng bagong taon.

Prinoseso ng NDF-Mindoro ang pagtanggap sa kanila matapos nilang ipaabot ang hangarin na makapanayam ang mga katutubo at magsasaka sa Mindoro, at ang mga Pulang mandirigma ng BHB sa layuning alamin ang kongkretong kalagayan ng masa, ang mga dahilan ng armadong sigalot at ang tunay na solusyon para makamit ang kapayapaan. Dumating sila sa Abra De Ilog bago ang bagong taon, inalalayan ng mga katutubo at magsasaka sa lugar, at tinanggap ng yunit ng BHB.

Nadamay sila sa pataksil na pag-atakeng ginawa ng AFP-PNP kahapon ng alas-6:30 ng umaga, panahon na naka-“ceasefire” ang BHB. Nakapagdepensa ang yunit ng BHB na sinaniban nila Jerlyn. Ligtas silang nakaatras para lumayo sa gitna ng walang habas na pambobomba at istraping ng hindi bababa sa apat na attack helicopter ng AFP. Isang kabataan na napahiwalay sa proseso ng atrasan at ngayon ay hinahanap pa. Sa gitna ng pambobomba at istraping, inatake si Jerlyn na tuluyang niyang ikinamatay.

Nais naming ipaabot ang aming taos pusong pakikiramay sa pamilya, mga kasama, kaibigan at iba pang naiwang mahal sa buhay ni Jerlyn. Kasama ninyo kami sa inyong pagluluksa. Para matiyak na makukuha ng pamilya ni Jerlyn ang kanyang mga labi, nagpasya ang yunit ng BHB na ihimlay ang kanyang katawan sa lugar kung saan siya pumanaw.

Nananawagan ang NDF Mindoro sa lahat ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao at mga grupong sibiko na kumilos at magtulungan para alalayan ang pamilya ni Jerlyn at itulak ang pagbubukas ng isang humanitarian corridor para makuha ang kanyang mga labi. Kasabay nito, mabigyang daan din ang paghahanap upang mailigtas ang isa pang kabataang hindi nakasama sa pag-atras.

Nananawagan din kami sa lahat ng nagmamahal sa karapatang pantao na magsagawa ng pagkilos upang tulungan ang mga mamamayan ng Abra De Ilog, laluna ang mga katutubo at magsasaka na biktima ng walang habas na pambobomba at pamamaril ng mga pasistang pwersa ng AFP-PNP. Hamon namin na maisagawa ang masinsing imbistigasyon sa mga apektadong komunidad resulta ng tatlong oras na pambobomba at ilang oras na walang habas na pamamaril at makagawa ng kongkretong mga aksyon laban sa mga pasistang kriminal at upang protektahan ang mga biktima’t sibilyan.

SA GITNA NG MATINDING KRISIS SA LIPUNAN at malawakang disgusto sa korapsyon at pang-aapi sa masa, sadyang maraming mga kabataan katulad ni Jerlyn ang nag-aaral at nagsasaliksik at naghahanap ng tunay na solusyon sa mga suliranin ng sambayanang Pilipino. Pagkat sadyang binibigo ng naghaharing sistema ang mga kabataan, marami sa kanila tulad ni Jerlyn ang namumulat at pinag-aaralan ang iba’t ibang solusyon, kabilang ang rebolusyonaryong solusyon.

Lagpas sa pinag-aaralan, marami sa kanila ang nagpapasyang tuwirang lumahok sa pagbabago. Ito ang kasaysayan ng mga kabataan sa bansa at sa buong mundo. Hindi dapat pagtakhan, ikagulat o ikabahala ang paglahok ng mga kabataan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka laluna ngayong lantad na lantad ang kabulukan ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos at lalong lumilinaw sa bawat araw na lumilipas kung paano di matatagpuan sa mga anti-mamamayang batas at proseso ng bulok na gubyerno ang tunay at makatarungang pagbabagong hinahangad ng mga kabataan at iba pang masang api.

Ninais ni Jerlyn at ng iba pang kabataan na makita ang tunay na kalagayan ng bansa at Mindoro. Kapuri-puri ang kanyang hangarin na pumasok sa larangang gerilya upang pag-aralan ang matinding pagsasamantala at pang-aapi sa mga magsasaka’t katutubo at ang nagpapatuloy na rebolusyonaryong paglaban ng mga mamamayan ng isla sa kabila ng pananalasa ng di deklaradong batas militar dito.

Si Jerlyn Rose Doydora ay martir ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataang naghahanap ng tunay na pagbabago sa bulok at korap na sistema. Dapat taas-kamao tayong magbigay pugay sa kanyang kapangahasan at katapangan na makipamuhay sa mga masa at kanilang Pulang hukbo. Pagpugayan natin ang naging buhay at pakikibaka ni Jerlyn na lubusan niyang inialay sa sambayanan, at sa kanilang mithiing lumaya mula sa kahirapan. Dapat dakilain ng mga kabataan si Jerlyn at hamunin ang kanilang mga sarili na sundan ang kanyang mga yapak tungo sa kanayunan kung nasaan ang armadong rebolusyong para sa pagbabagong sinusulong ng masang api at hinahangad ng mga kabataan.

HUDYAT ANG NAGANAP NA labanan at binunsod nitong militarisasyon ng mas malupit na kontra-rebolusyonaryong digma ngayong taon sa Mindoro na nananatiling pokus ng gerang panunupil sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Sa katunayan nito lang Disyembre 31, naiulat ang paglipat ng 74th IB sa isla ng Mindoro mula sa Samar. Mababakas sa hakbanging ito ng AFP ang desperasyong tupdin ang hibang na pangarap ng rehimeng US-Marcos II na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla matapos ang paulit-ulit na pagmamayabang na maisasakatuparan na ito bago matapos ang 2025.

Sa kabila ng tumitinding kontra-rebolusyonaryong digma sa Mindoro, sa kabiguan pa rin mauuwi ang rehimeng US-Marcos II at mga teroristang armadong galamay nitong AFP-PNP-CAFGU sa isla. Mabibigo sila sapagkat nananatiling sumasalig at sumusuporta sa rebolusyon ang masang Mindoreño. Ngayon higit kailanman, habang mabilis na dumadausdos ang buhay at kabuhayan ng mamamayan at habang tuloy-tuloy na nalalantad ang kabulukan ng rehimeng US-Marcos II at buong naghaharing sistema, galit at napupukaw ang mamamayan. Hindi lang mga namulat na kabataan gaya nila Jerlyn ang naghahanap ng tunay at makatarungang alternatibo sa kasalukuyang sistema. Libo-libong magsasaka, manggagawa, katutubo, kabataan, kababaihan at iba pang aping uri at sektor ang naoorganisa at kumikilos ngayon ayon sa panawagan at programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Asahan na habang tumatalim ang krisis at ligalig sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, ibayong susulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan.

Habang itinatakda ng pagiging di makatarungan ng kontra-rebolusyonaryong digma ang kalaunang pagkabigo nito, dapat seryosong maghanda ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa isla upang harapin ang nagbabagong sitwasyong militar at tiyak na sasahol na terorismo ng estado. Dapat tuloy-tuloy na magpunyaging imulat, iorganisa at pakilusin ang higit na marami at malawak na hanay ng mga Mindoreño para sa iba’t ibang pakikibaka kabilang ang anti-passitang pakikibaka laban sa terorismo ng estado sa isla at di deklaradong batas militar dito. Dapat ilantad at kundenahin ang walang humpy na paglabag ng AFP-PNP-CAFGU sa karapatang pantao ng mamamayan ng isla kung saan panibagong kaso at pinakauna ngayong taon ang pambobomba sa Cabacao.

Higit sa lahat, dapat paigtingin ang digmang bayan sa isla bilang siya nang pinakaepektibong porma ng anti-pasistang paglaban at pagtatanggol sa karapatang tao. Sa pagsulong ng digmang bayan, patuloy na mapupukaw at mabibigyang inspirasyon ang masang api na labanan ang terorismo ng rehimeng US-Marcos II at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa mas mataas na antas.

Mamamayang Mindoreño, kundenahin, labanan at biguin ang di deklaradong batas militar at terorismo ng estado sa isla ng Mindoro!
Kundenahin ang pambobomba ng teroristang 203rd Brigade sa mamamayan ng Abra de Ilog!
Itigil ang operasyong militar ng AFP-PNP at bigyang daan ang pagkuha sa bangkay ng kabataang si Jerlyn Rose Doydora
Buong tapang na biguin ang sumasahol na terorismo ng rehimeng
US-Marcos II sa isla ng Mindoro!
Isulong ang digmang bayan para sa tunay na kapayapaan, katarungan at pagbabago!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

The post Pambobomba ng 203rd Brigade sa Abra de Ilog, ikinasawi ni Jerlyn Rose Doydora appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.