Mariing kinundena ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog-Katagalugan (KASAMA-TK) ang walang habas na pambobomba at pag-istraping ng 203rd IB sa komunidad ng Sitio Mamara, barangay Caracao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1.

Nagsimula ang pambobomba at istraping bandang alas- 9 ng umaga, habang maaga at payapang nagtatrabaho sa kanilang gawaing bukid ang mga magsasaka at katutubo pagkatapos salubungin ang bagong taon.

Kumalat sa Facebook ang mga bidyo at post ng pambobomba at pang-iistraping ng mga helikopter. Bakas sa boses ng mga residente na nakatira malapit sa pinangyarihan ang takot at pangamba. Ayon sa mga residente, apat na attack helicopter ang namataan na naghuhulog ng mga bomba malapit sa mga komunidad.

Ayon sa KASAMA-TK, ginawa ng militar ang paghahasik ng terorismo pagkatapos ng isang engkwentro sa pagitan ng AFP at rebolusyonaryong grupo. Anito, “overkill” ang ginawa ng 203rd IBde na paglalaglag ng bomba at walang habas na pang-iistraping dahil labis-labis na pwersa ito laban sa kalabang hukbo. Maari ding makadamay ng mga sibilyan, alagang hayop at makasira ng mga pananim, at kabahayan.

“Ang nangyayaring ito sa Abra de Ilog ay hindi hiwalay sa kalagayan ng buong isla ng Mindoro at buong kanayunan ng Timog Katagalugan. Sa kabila ng deklarasyon ng rehimeng US-Marcos Jr. at berdugong AFP na wala ng guerilla fronts sa buong bansa, tuloy pa rin ang kanilang overkill operations sa mga kanayunan ng rehiyon,” paliwanag ng grupo.

Bago ang naturang insidente, tampok ang komunidad ng Abra de Ilog dahil sa kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang-tao AFP sa mga residente at katutubo sa lugar. Unang naiulat ang pagdukot at pagtortyur ng ng mga elemento ng 76th IB kay Dolores Marinao Solangon noong Disyembre 2. Hinuli naman at sinampahan ng gawa-gawang kaso ang dating tumakbo sa pagka-meyor at tagapagtanggol sa karapatan ng mga katutubo na si Ramon Alcantara noong Disyembre 23.

Noong Oktubre, hinaras, pinailalim sa surbeylans at paniniktik ng mga elemento ng 80th IB ang mga delegado at kalahok sa international solidarity at fact-finding mission sa Abra de Ilog.

Nananawagan ang KASAMA-TK para sa isang komprehensibo at independyente na humanitarian mission sa komunidad ng Abra de Ilog at agarang pagpapalayas sa lahat ng pwersa ng AFP, PNP at CAFGU sa isla ng Mindoro.

The post Komunidad sa Occidental Mindoro, walang habas na binomba at inistraping ng AFP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.