Maligayang pagbati at manigong Bagong Taon sa ating mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan dito sa Timog Katagalugan at buong bansa!
Tinapos ng rehimeng US-Marcos II ang taong 2025 na lalong naghihikahos ang bayan sa kahirapan. Palabasin man ng gubyernong Marcos na napanatili nito ang “mababang” implasyon, hindi nito maikakaila ang katotohanang napakataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang nananatiling nakapako ang sahod ng mga manggagawa sa pambansang abereyds na ₱475 at binabarat ang produktong bukid ng mga magsasaka. Malaon na ring dumadaing ang mga propesyunal at lokal na negosyante sa tumataas na singil sa buwis na ipinapataw ng estado.
Bagsak na nga ang kabuhayan, napakailap pa ng serbisyong panlipunan para sa kapwa nating Pilipino. Masahol pa, ang mga pondo rito ay kinukurakot ng gubyerno. Kalakhan sa mga proyektong pagdaragdag ng mga pasilidad tulad ng paaralan, ospital at iba pang mahahalagang imprastruktura ay hindi tapos o hungkag. May pondong para sa kalusugan, edukasyon, pabahay at ayuda ngunit hindi napakikinabangan ng bayan sa halip ay binubulsa pa ng mga burukratang kurakot. Pinakatampok noong 2025 ang pagkakalantad sa korapsyon ng flood control projects na trilyones ang inilaang pondo mula nang umupo si Marcos Jr habang nagtitiis at lubhang nagdurusa ang mamamayan sa malalaking pinsala na dinaranas sa tuwing dumadaan ang mga bagyo.
Habang pinapasan ng mayorya ng mamamayan ang kahirapang ito, nagtatampisaw sa yaman ang mga lokal na naghaharing uring panginoong maylupa, burgesya komprador, at mga kinatawan nitong burukrata kapitalista sa estado poder, kasabwat ang imperyalismong US. Sila lamang ang pangunahing nakikinabang sa pawis at dugo na pinaghirapan ng masang anakpawis at iba pang sektor sa buong taon. Nananatili sila sa pwesto dahil sunud-sunuran sila sa imperyalismong US na nakakubabaw at naghahari sa ating bansa.
Sa kumpas ng imperyalismong US, ipinatupad ng mga burukrata kapitalista ang mga di pantay na kasunduan sa ekonomiya, pulitika, militar at ugnayang panlabas. Kabilang dito ang ipinatupad noong 2025 na batas sa 99 taong pagpapahintulot ng pag-angkin at paggamit sa lupa ng Pilipinas at mga kasunduang miltar. Lahat nang ito ay ginagawa ng US para isalba ang naghihikahos nitong ekonomya na ibinunga ng krisis ng labis na produksyon ng monopolyo kapitalismo. Samantala, pilit hinihila ng US at ni Marcos ang bansa sa pakana nitong gera kontra-China sa rehiyong Asia Pacific upang panatilihin ang hegemonya sa rehiyon at upang kumita ang kanyang military industrial complex.
Bukod sa paghahanda sa gera ayon sa sulsol ng US, itinututok ng estado ang mga armas pandigma sa mamamayan para supilin ang anumang makatarungang paglaban. Sa TK, naiulat ang 119 kaso ng mga paglabag sa karapatang tao mula Disyembre 1, 2024-Disyembre 1, 2025 o katumbas na halos isang (1) kaso kada tatlong (3) araw. Patunay ito ng pagiging berdugo ng mga yunit ng AFP sa ilalim ng 2nd IDPA, SOLCOM at WESCOM, ganundin ang mga yunit ng PNP sa ilalim ng PNP-MIMAROPA at CALABARZON. Patuloy na naghasik ng teror ang mga operasyong militar sa kanayunan at walang pakundangang pagkakampo sa mga baryo na nagdudulot ng takot sa masa. Malubha ang paggamit ng iba’t ibang porma ng panunupil sa mga sentrong bayan upang pipilan ang makatarungang paglaban ng hayag na kilusang masang manggagawa, magsasaka, kabataan at iba pang sektor.
Nagpapatuloy ang pakikibaka ng bayan sa kabila ng mararahas at tusong atake ng rehimeng US-Marcos II. Dumadaluyong ang mga kilos protesta sa rehiyon at buong bansa para sa kalayaan, kabuhayan, lupa at karapatan. Nasa unahan sila ng paglaban kontra sa korapsyon upang papanagutin at patalsikin si Marcos Jr. at Sara Duterte. Kasabay nito, patuloy na nagpapanibagong lakas ang armadong pakikibaka ng BHB. Buong giting na nilalabanan ng sambayanan ang pasismo ng estado habang kinokonsolida ang hanay sa patuloy na pagwawasto. Muli silang nakakapagpalawak at nakakabalik sa mga dating erya sa mahigpit na pagtangan sa mga batayang prinsipyo ng Partido at rebolusyonaryong kilusan na pagsalig sa walang-hanggang lakas ng masang anakpawis.
Dapat nating salubungin ang Bagong Taon na puno ng militansya upang patuloy at ibayong yanigin ang rehimeng US-Marcos II at buong naghaharing sistema. Ang kronikong krisis na dinaranas ng bansa ang higit na nagtutulak sa mamamayan na maghanap ng tunay na pagbabagong panlipunan. Dapat itong magbunga ng higit na papalaking bilang ng mga organisadong mamamayan na pumapaloob sa lihim na rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng CPP at sumasampa sa NPA.
Tungkulin nating mga rebolusyonaryong pwersa na ihatid sa mamamayan ang tanging solusyon—ang pambansa demokratikong rebolusyon—para ganap na ibagsak ang bulok na estadong kinakatawan ng rehimeng US-Marcos II. Kailangang ibayong magsikhay sa malawak na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng buong bayan laban sa mapang-api at mapagsamantalang sistema. Pasiglahin ang kampanyang edukasyon at propaganda na naglalantad sa bulok na kaayusan ng lipunan. Puspusang makibaka sa landas ng rebolusyon hanggang sa kamtin ang ganap na tagumpay. Sa tanglaw ng Partido, itatayo natin ang bagong lipunang malaya, masagana at makatarungan.###
The post Yanigin ang rehimeng US-Marcos II sa daluyong ng mga pakikibakang bayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

