Muling nagtungo sa Luneta Park sa Maynila ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), isang malapad na alyansang kontra korapsyon, para bigyan-pugay si Dr. Jose Rizal sa anibersaryo ng araw ng kanyang kamatayan noong Disyembre 30. Ang Luneta Park ay naging saksi sa protestang kontra korapsyon ng 100,000 katao noong Setyembre 21 at higit 20,000 katao noong Nobyembre 30 sa pangunguna ng KBKK at mga grupo sa ilalim nito.

Nag-alay ng bulaklak ang KBKK sa monumento ni Rizal sa Luneta Park bilang pagkilala sa kanyang pagkamartir noong panahon ng kolonyalistang pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Si Rizal ay pinatay ng mga Espanyol noong Disyembre 30, 1896 sa edad na 35.

Ang paghahatid ng bulaklak ay pinangunahan nina Dr. David Michael San Juan ng KBKK, Raymond Palatino ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), beteranong aktibista na si Judy Taguiwalo, Teresita Ang-See, at iba pang mga lider-masa. Nagdala rin sila ng isang banner na may panawagang “Korapsyon, kanser ng lipunan, wakasan! Ikulong ang mga kurakot!”

Ayon sa grupo, ang korapsyon sa bansa ay isang “kanser ng lipunan” na dapat nang wakasan. Ang “kanser ng lipunan” ay paglalarawan rin ni Rizal sa sistemikong sakit sa Pilipinas, kabilang ang korapsyon, noong panahon ng mga Espanyol na aniya ay patuloy na kakalat kung hindi malulunasan. Inilahad ito ni Rizal sa kanyang nobelang Noli Me Tangere na inilimbag noong 1887.

“Yung corruption sa pork barrel, sa flood control, tuluy-tuloy. Kaya nandito tayo para tuluy-tuloy na kalampagin at singilin din ang gobyerno. Wala pa rin kasing nakukulong,” pahayag ni San Juan. Dismayado umano ang KBKK dahil puro maliliit na tao na imbwelto sa korapsyon ang nakukulong habang malayang-malaya pa rin ang mga malalaki at punong kurakot sa bansa.

Ipinahayag ng KBKK ang kahandaan nitong ipagpatuloy sa susunod na taon ang paglaban sa korapsyon at paniningil sa gubyerno, kabilang sina presidente Ferdinand Marcos Jr at bise presidente Sara Duterte, at lahat ng sangkot sa pagnanakaw sa bayan.

The post Alyansang kontra korapsyon, ngabalik-Luneta para magpugay kay Dr. Jose Rizal appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.