Ipinagbunyi ng mga rebolusyonaryo at progresibong siyentista, inhinyero, teknolohista, mga propesyunal at kabataang estudyante sa sektor ng agham at teknolohiya ang ika-50 anibersaryo ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB). Ang LAB ay itinatag noong Disyembre 26, 1975 para buklurin ang sektor ng agham at teknolohiya para kumilos at sumuporta sa demokratikong rebolusyong bayan.
Maiksing kasaysayan ng LAB
Itinatag ang LAB ng mga myembro ng Progresibong Samahan sa Inhinyerya at Agham at Samahan ng Makabayang Syentipiko. Naging bahagi ito ng paglaban sa diktadurang US-Marcos. Lumawak ang LAB sa hanay ng mga propesyunal sa agham at teknolohiya at tumugon sa mga pangangailangan ng rebolusyon. Kabilang dito ang mabilisang reproduksyon ng mga lathalain, mga encryption protocol para sa ligtas na komunikasyon, hanggang sa kagamitang militar kagaya ng mga bomba.
Humina ito sa dulong bahagi ng dekada 1980, matapos maapektuhan ng rebisyunismo at sektaryanismo na nangibabaw noon sa buong rebolusyonaryong kilusan. Kabilang sa mayor na kamalian nito ang sektoralismo at ligalismo. Nabitawan din ang pagpapalawak at konsolidasyon.
Kasabay ng buong rebolusyonaryong kilusan, muling pinagtibay ng LAB ang batayang mga prinsipyo ng demokratikong rebolusyong bayan noong maagang bahagi ng dekada 1990. Noong 1996, inilunsad nito ang Unang Kongreso para ibangon at muling palawakin ang organisasyon.
Sa panibagong bugso ng muling pagpapalakas, inilunsad ng LAB ang Ikalawang Kongreso noong Disyembre 12, 2020 sa kabila ng mga restriksyong dulot ng pandemyang Covid-19. Muli din nitong inilathala ang pahayagang Agham Bayan simula Disyembre 2021 at nagtutuluy-tuloy sa kasalukuyan.
Ayon sa LAB, sa limang dekadang pag-iral ay nakamit nito ang iba’t ibang tagumpay sa organisasyon, pakikilahok sa armadong pakikibaka, at paglilinaw sa mga isyu ng agham, teknolohiya at praktikal na silbi ng mga ito sa rebolusyon. Anito, sa kasalukuyan ay patuloy ang muling pag-aaral sa kasaysayan ng pakikibaka nito upang patuloy ng pagtibayin ang mga kalakasan at iwasto ang mga pagkukulang sa mga nakaraang taon.
Iniulat ng grupo na napasigla nito ang pagtataguyod sa BHB–mula sa pangangalap ng pinansyal at materyal na suporta para sa mga ilang yunit. Nakatugon ang LAB sa mga teknikal na rekwes ng ilang larangang gerilya at napalawak ang kasapian nitong nakakapag-exposure, tour of duty, at sumasampa sa hukbong bayan.
“Sa kabila ng mga tagumpay na ito, nananatili ang konserbatismo sa hanay ng LAB,” ayon kay Ka Trinidad Ramirez, tagapagsalita ng LAB, sa pahayag nito para sa anibersaryo. Aniya, naipakita ng nagdaang mga taon na susi sa paglutas ng problemang ito ang napapanahon at malalim na panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa mga isyung kinakaharap ng masang siyentista, inhinyero, at propesyunal.
Mga kagyat na tungkulin
Inilatag ng LAB ang walong kagyat na mga tungkulin para sa tuluy-tuloy nitong pagpapalakas. “Sa diwa ng kasalukuyang kilusang pagwawasto, dapat nating balikan ang mga sentral na tungkulin ng ating rebolusyonaryong organisasyon,” ayon kay Ka Trinidad.
Ang mga sumusunod ang mga tungkuling inilatag nito:
-
Pagpukaw, pag-organisa, at pagpapakilos sa sektor ng agham at teknolohiya para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
-
Magkondukta ng rebolusyonaryong propaganda: iugnay ang mga suliranin ng masa at ng sektor sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
-
Pagpapalawak ng kasapian ng mga balangay ng LAB.
-
Itaguyod, makilahok at magbigay ng teknikal na serbisyong suporta sa pagsulong ng rebolusyong agraryo, armadong pakikibaka at pagtatag ng baseng masa.
-
Tumulong sa pagbubuo at pagpapalaganap ng isang siyentipikong at pangmasang kultura. Makibaka para sa pagtataguyod ng demokratiko at makamasang agham at teknolohiya.
-
Isulong ang karapatan at kagalingan ng sektor ng agham at teknolohiya, habang ikinakawing ang sektoral na mga isyu at usapin sa mga suliranin at isyu ng kalakhang masa.
-
Makipag-ugnayan sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa sa ibang bansa at makiisa sa kanilang demokratiko’t anti-imperyalistang pakikibaka. Kamtin ang pinakamalawak na suporta para sa rebolusyong Pilipino.
-
Tiyakin ang tuluy-tuloy na pagpapanibagong-hubog ng mga kasapi ng LAB tungo sa malalim na pagsapol sa mga prinsipyo ng rebolusyon at aktwal na paglahok sa praktika ng demoratikong rebolusyong bayan. Tiyaking sa lahat ng panahon ay mahigpit ang ugnayan ng mga siyentista’t teknolohista sa uring anakpawis.
“Humugot tayo ng aral mula sa limang dekadang pag-iral at pakikibaka ng rebolusyonaryong siyentista’t teknolohista sa LAB,” panawagan ni Ka Trindiad. Hinimok rin niya ang mga myembro ng grupo na maging mapangas sa pagrerekrut ng mga miyembro, pagpapakilos sa gawaing ligal at iligal, at imaksimisa ang mga kalakasan at kasanayan ng mga myembro.
Nagpaabot ng pagbati at pagpupugay ang National Democratic Front of the Philippines at Partido Komunista ng Pilipinas sa ginintuang anibersaryo ng LAB.
Ayon sa Partido, sa pakikikiisa nito sa anibersaryo ng LAB, muli nitong pinagtitibay ang pinakamataas na pagkilala at pagpapahalaga sa syensya at sa siyentipikong pag-iisip bilang susi sa lahat ng pagpupunyagi nito. “Itinataguyod ng Partido ang ideolohiya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, isang buong sistema ng pag-iisip, para pag-aralan ang kasaysayan at lipunan na may siyentipikong katumpakan,” ayon kay Marco L. Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido.
“Katulad ninyong mga alagad ng agham, ginagamit ng Partido ang syensya sa pagsusuri, laging nagsisimula sa pagsisinop ng datos, upang mailarawan ang kongkretong kalagayan ng maka-uring lipunan, tuklasin ang mga batas ng tunggalian, at gawin ang kailangan para matamo ang rebolusyonaryong pagbabago,” dagdag ni Valbuena.
Ang buong pahayag ni Ka Trindiad, ng pangkalahatang kalihim ng NDFP na si Eliass Dipasupil at ni Marco Valbuena sa ika-50 anibersaryo ng LAB ay mababasa sa espsyal na isyu ng Agham Bayan ngayong Disyembre. Bilang bahagi ng paggunita ng LAB sa anibersaryo nito, inilathala ng organisasyon ang dokumentong Ang Kalagayan ng Agham at Teknolohiya sa Pilipinas na nagsusuri sa kalagayan ng agham at teknolohiya sa konteksto ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
The post Ginintuang anibersaryo ng Liga ng Agham para sa Bayan, ipinagdiwang appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

