Matagumpay, militante at puno ng rebolusyunaryong diwa na ipinagdiwang ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26, 2025 sa isang lugar sa Central Luzon. Naging makasaysayan ang pagtitipon ng mga kadre at masang anakpawis na nagpahayag ng matibay na paninindigan na ipagpatuloy at isulong ang digmang bayan sa gitna ng tumitinding pasismo at pang-aapi.

Sa pagdiriwang, sama-samang binalikan at pinanday ang mga dakilang tagumpay ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan, gayundin ang mahahalagang aral mula sa mga tagumpay at pagkakamali sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka. Mariing pinagtibay ang kahalagahan ng pagtataguyod at pagpapalalim ng kilusang pagwawasto bilang sandata laban sa empirisismo, oportunismo, repormismo at mga linyang lihis sa rebolusyunaryong landas ― upang higit na patatagin ang Partido at ang pamumuno nito sa rebolusyon.

Mariin ding kinundena sa pagtitipon ang papet, pasista at kontra-mamamayang rehimeng US-Marcos, na patuloy na naglulunsad ng brutal na panunupil, pandarambong, at panlilinlang laban sa sambayanang Pilipino. Pinagtibay ang paninindigang ibagsak ang pasistang estado at ipagwagi ang pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng armadong pakikibaka ng mamamayan.

Sa gitna ng pagdiriwang, ginawaran ng pinakamataas na pagpupugay ang mahigit 90 magigiting na martir at bayani ng Central Luzon-mga anak ng bayan na nagbuwis ng buhay sa pagsusulong ng rebolusyon. Ang kanilang dugo at sakripisyo ay patuloy na nagpapapalala ng pangangailangan na magpunyagi na isulong ang rebolusyon hanggang sa tagumpay.

Bilang pangwakas, isinagawa ang sama-samang panunumpa ng rebolusyunaryong katapatan, muling pinagtibay ang walang pasubaling pagtalima sa Partido at ang determinasyong mag-ambag ng buong lakas, talino, at buhay para sa pagsulong ng digmang bayan at sa tagumpay ng rebolusyon.

Sabay-sabay nilang isinigaw:

Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!

Mabuhay ang rebolusyunaryong mamamayan ng Gitnang Luzon!

Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Marcos!

The post Pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng PKP, idinaos sa Central Luzon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.