Naglunsad ng martsa ang mga grupong rebolusyonaryo sa Baclaran sa Pasay City noong Disyembre 22 sa pangunguna ng National Democratic Front (NDF)-Metro Manila. Bahagi ito ng kanilang pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26.

Dumalo sa pagkilos ang mga myembro ng Kabataang Makabayan-Lucille Gypsy Zabala Brigade (KM-LGZ) at Artista at Manunulat ng Sambayanan-Marlon Caacbay Brigade (Armass-MC). Mayroon silang bitbit na mga bandila at plakard na nagpupugay sa PKP at nananawagan sa mamamayan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Namahagi rin sila ng mga kopya ng editoryal ng isyu ng Ang Bayan noong Disyembre 21. Tampok sa editoryal ng isyu ang pagbaybay sa dinanas na krisis ng sambayanang Pilipino at kanilang maigting na mga pakikibaka sa nagdaang taon.

“Sa mga susunod na buwan, ilunsad natin ang masigla at malawak na kampanya para ipagdiwang ang natamong mga tagumpay ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa deka-dekadang pagsusulong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa gabay ng Partido,” ayon sa pahayag ni Ka Karso Mapagpalaya, tagapagsalita ng NDF-Metro Manila.

Sa programa, pinarangalan ng mga rebolusyonaryong grupo ang mga martir na nagbuwis ng buhay sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Kabilang sa kanila ang mga kadre at kasapi ng Partido, mga kumander at mandirigma ng BHB, mga lider at kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at masang nag-alay ng panahon at buhay sa rebolusyon.

Nagpahayag rin ang NDF-Metro Manila ng kahandaan ng mga pwersang rebolusyonaryo sa rehiyon na iwasto ang mga pagkakamali at pangibabawan ang lahat ng mga kahinaan at pag-aalangan. “Hugutin at buklurin ang galit sa dibdib ng masa, at pamunuan ang kanilang mga paglaban laluna sa harap ng malubhang pang-aapi at pagsasamantala,” ayon kay Ka Karso.

Aniya, para ipatupad ang mga bagong tungkulin na ito ay kinakailangang makarekrut ng bagong mga pwersa na puspos ng sigasig, sigla at militansya. “Taluntunin natin ang nagdaang 57 taong rebolusyonaryong pakikibaka, mula sa pag-usbong hanggang sa pagsulong, sa mga pag-atras at muling pag-abante, at sa mga tagumpay, kabiguan at mas malalaking tagumpay,” pahayag ni Ka Karso.

Samantala, ilang araw matapos ang martsa ay inilunsad ng isang balangay ng KM-LGZ ang operasyon dikit at operasyon pinta (OPOD) sa Pasay City. Ayon sa balangay, iyon ang unang beses na makakapagsagawa ng OPOD sa syudad na patunay ng paglawak at paglakas ng KM sa Metro Manila.

The post Martsa para sa ika-57 anibersaryo ng PKP, pinangunahan ng NDF-Metro Manila appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.