Naglunsad ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP)-International Office ng online broadcast kung saan binasa nang buo ang pahayag ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26. Sa temang “Harapin ang hamon ng pagwawasto: Magbunyi, magwasto, magkaisa, makibaka, sumulong!,” bahagi ang aktibidad sa mga selebrasyon para sa pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng partido.
Halos 300 ang dumalo sa pulong sa Zoom at Discord na inorganisa ng NDFP. Matapos ang livestream, ipinaskil sa Youtube ang presentasyon ng Pilipino at English na bersyon ng binasang pahayag. Dahil sa mapanupil na sensura, agad na binura ng Youtube ang ipinaskil na bidyo. Umabot sa halos dalawang oras ang pagbabasa ng buong pahayag.
Sa pagsisimula ng aktibidad, tinalakay ni Marian Espinosa, kinatawan ng NDFP, ang nararanasang pagdurusa ng sambayanang Pilipino at paborableng sitwasyon na kailangang sagpangin ng rebolusyonaryong kilusan sa pagsusulong ng digmang bayan. Tinalakay din ang tungkulin ng NDF sa pagkakaisa ng lahat uri at sektor laban sa tatlong salot sa malakolonyal at malapyudal na lipunan at sa pagsusulong ng rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay.
Samantala, naglunsad din ng mga pagdiriwang ng anibersaryo ng partido ang ibang balangay ng NDFP sa ibayong dagat. Sa Australia, naglunsad ng pagtitipon ang Compatriots-NDFP Australia kasama ang Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) at mga kapatid na partido. Naglunsad ng operation dikit ang mga myembro ng Compatriots-Kabataang Makabayan Narrm-Melbourne.
Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP, ang mga aktibidad na ito ng mga Pilipino hanggang sa labas ng Pilipinas ay direktang sampal sa mukha ni Ferdinand Marcos Jr, sa AFP at NTF-Elcac na desperadong maliitin ang unti-unting paglakas ng rebolusyonaryong kilusan. Pinapakita rin ng mga aktibidad ang determinasyon ng Partido at mga alyadong grupo na isulong ang nagpapatuloy na kilusang pagwawasto na patungo na sa ikatlong taon nito.
The post NDFP, naglunsad ng talakayan hinggil sa ika-57 anibersaryong pahayag ng PKP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

