Sa India, nagtipon ang humigit-kumulang 10,000 katao upang parangalan ang rebolusyonaryong lider at kasapi ng Central Committee ng Communist Party of India (Maoist) na si Paka Hanumanthu, kilala bilang si Kasamang Ganesh Uike sa rebolusyonaryong kilusan. Inilibing siya sa kanyang sinilangang bayan ng Pullemla, sa distrito ng Nalgonda, estado ng Telangana, noong Disyembre 28.

Ayon sa ulat, napatay si Uike noong Disyembre 25 sa isang opensiba ng mga pwersa ng estado ng India sa kagubatan ng Odisha, sa pagitan ng Kandhamal at Ganjam. Kasama niyang namartir ang lima pang rebolusyonaryo, kabilang ang dalawang babae.

Si Kasama Ganesh, 69, ay sumali sa armadong kilusan noong 1982. Bilang kasapi ng Central Committee, siya ay kinilala bilang isang matatag na kadre at simbolo ng determinasyon sa paglaban sa mapang-aping estado.

Sa mga talumpating ibinigay sa libing, kinundena ng mga demokratikong organisasyon at progresibong partido ang brutal na atake ng estado sa mamamayang Indian. Itinampok din nila ang mahabang pagsisilbi ni Uike sa kilusang Maoista at ang kanyang “walang humpay na paninindigan” laban sa pang-aapi at para sa karapatan ng mga maralita sa kanayunan.

Ang libing ni Kasamang Ganesh Uike ay nagsilbing malawakang demonstrasyon ng suporta ng masa para sa rebolusyonaryong kilusan sa India at isang protesta laban sa kampanyang militar ng rehimeng Modi—ang operasyong Kagar na nagsimula noong 2024. Iwinawagayway ng mga dumalo sa martsa ang mga pulang bandila habang pasan-pasan ang kabaong ng komunistang lider, kasabay ng pagsigaw ng “Ganesh Amar Rahe!” (Si Ganesh ay walang kamatayan!) at “Lal Salaam!” (Pulang saludo!).

The post Libu-libong mamamayang Indian, nagbigay-pugay sa rebolusyonaryong lider na si Kasamang Ganesh Uike appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.