Ikinagagalak ng mga pamilya ng mga biktima ng gera kontra-droga ng rehimeng Duterte ang pagpapatibay ng Korte Suprema sa hatol laban sa tatlong pulis na pumatay kay Kian de los Santos. Nagbibigay ito ng pagsasara at hustisya sa pamilyang de los Santos, ayon sa Rise Up for Life, grupo ng mga biktima at kanilang mga pamilya.
“Masaya po ako para sa pamilya ni Kian, dahil sa kapasyahan ng Korte Suprema na ikulong ang mga police na sangkot,” ayon kay Nanay Dahlia, isa sa mga inang nawalan ng anak dahil sa gera kontra-droga.
Gayunpaman, pinatitingkad din ng desisyon ang kawalang hustisya para sa libu-libo pang mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay sa huwad na drug war ni Rodrido Duterte, ayon sa Rise Up. Patuloy ang panawagan ng mga pamilyang ito sa Department of Justice para magsagawa ng tamang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso. Sa kabila nito, kulang na kulang ang ginagawa ng DoJ at mga lokal na korte. Sa gayon, mataas ang pagpapahalaga ng Rise Up sa nagpapatuloy na proseso sa International Criminal Court kung saan nahaharap si Duterte sa tatlong kaso ng mga krimen laban sa sangkatauhan.
Ayon kay Nanay Dahlia, kailangan pa ring mapanagot si dating Presidente Rodrigo Duterte. “Siya ang nagdeklara ng War on Drugs, kaya kahit pa may mga pulis na makulong, kailangan pa rin hindi makalimutan ang pananagutan ni Duterte,” aniya.
Hangad niyang makamtam din niya at ng iba pang pamilya na biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ang hustisya.
Ikinagalak din ng Karapatan ang desisyon ng Korte Suprema. Gayunpaman, dapat ring mapatawan ng hustisya si Duterte at kanyang mga kasapakat bilang mga utak o mastermind ng gera kontra droga.
Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan, ang mga patakaran at pahayag ni Duterte ang nagbigay ng lakas ng loob sa mga pulis na pumatay.
“Magkakaroon lamang ng tunay na hustisya para kay Kian at sa iba pang biktima kung mapananagot sina Duterte at kanyang mga pinakamalapit na kasabwat sa kanilang nangungunang papel sa brutalidad ng war on drugs, at hindi lamang ang mga ordinaryong pulis tulad ng tatlong nahatulan,” aniya.
The post Pagpapatibay sa hatol laban sa 3 pulis na pumatay kay Kian de los Santos, nagpapatingkad sa kawalang hustisya sa ibang kaso appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

