Malupit ang pagsasara ng taong 2025 sa bawat mamamayang Pilipino dahil sa pabaon ng magnanakaw at pasistang si Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino na gabundok na halaga ng utang. Sasalubong ang taong 2026 nang may ₱P17.5 trilyong pambansang utang. Ang bigat ng pasaning ito ay dadalhin sa balikat ng mamamayang hilahod na sa mababang sahod, namamatay na kabuhayan, kawalan ng lupa, napakataas na presyo ng bilihin at serbisyo at iba pang kahirapan. Ayon sa IBON Foundation noong Hunyo, kapag hinati-hati ito sa bawat Pilipino (noo’y ₱17.2 trilyon pa lamang), aabot ng ₱153,175 ang utang ng indibidwal o ₱630,640 utang ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa loob lamang ng 40 buwan ng panunungkulan ni Marcos Jr., dinagdagan niya ng ₱4.71 trilyon ang utang ng bansa mula ₱12.79 trilyon utang na iniwan ng rehimeng US-Duterte o katumbas ng 40% paglaki. Hindi malayong mahigitan pa niya sa nalalabing 32 buwan ng kanyang rehimen ang laki ng inutang ng isa pang magnanakaw at mamamatay-taong rehimeng US-Duterte na ₱6.84 trilyon.

Ayon mismo sa Bureau of Treasury ng reaksyunaryong gubyerno, nasa 63.7% ang tantos ng kasalukuyang pambansang utang sa gross domestic product o kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng bansa sa isang partikular na panahon. Ibig sabihin, ang halaga ng pambansang utang ay higit kalahati ng kayang kitain ng bansa sa isang panahon, hindi pa kasama rito ang bilyones na kinukubra ng mga burukratang tulad ni Marcos Jr. Pinakamataas ito sa nagdaang 17 taon at mas mataas sa pandaigdigang pamantayan sa sustenableng pangungutang ng mga “umuunlad na bansa” na 60%.

Ikinakatwiran ng rehimen na ang bawat paglaki ng utang sa nagdaang tatlong taon ay iniresulta ng patuloy na pagtaas ng depisito sa kalakalan at balanse sa bayarin ng reaksyunaryong gubyerno, bukod pa ang lumalaking gastusing publiko. Kung babalikan, ang mga sinasabing “makatwirang” dahilang ito ay ang mga imprastrukturang pangkalusugan, ayuda sa mga naapektuhan ng COVID-19 at mga programa sa pagbangon ng ekonomya noong 2022. Proyektong imprastruktura naman at programang ayuda ang umano’y pinaglaanan ng inilaki ng utang sa taong 2023-2025. Tiyak na ang binubulatlat ngayong dambuhalang isyu ng korapsyon sa mga proyektong imprastruktura ng rehimeng US-Marcos II ay kabahagi ng napakalaking utang na ito na nakulimbat na ng mga kapural.

Napakalinaw na sa nagdaang taon, mumo at halos walang natanggap na ayuda ang mamamayan sapul nang tumama ang pandemyang COVID-19, mailap na sa ilalim ng rehimeng Duterte dahil sa lockdown, pero mas mailap sa panahon ni Marcos Jr. dahil umano nakakabawi na ang kabuhayan ng mga Pilipino. Samantala, ang iniuulat na 4.1 milyong pamilyang benepisyaryo ng 4Ps noong 2024 ay wala pang sangkatlo ng 13.4 milyong pamilyang nagtuturing sa kanilang sarili na mahirap ayon sa sarbey ng SWS nitong Hunyo. Gayundin, ang ipinagmamalaking 4.5 milyong indibidwal na benepisyaryo ng TUPAD ng DOLE ay lubhang napakaliit sa bahagi lamang ng 69.3 milyong Pilipinong nagtuturing sa kanilang mahirap ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation.

Mas malala pa, patuloy na kinakaltasan ang pondo para sa mga sektor para sa serbisyong panlipunan. Ngayong taon, nasa 16.5% lamang ang pondong inilaan sa edukasyon, 4.3% sa kalusugan, 4.5% sa segurong sosyal at trabaho, at 0.1% sa pabahay. Maliit o 4.4% lamang ang inilaan para sa agrikultura at 3.9% naman sa repormang agraryo. Sa kabilang banda, binuhusan ng pondo ang imprastruktura na 14.2% inilaan para sa paggawa ng kalsada at mga pasilidad sa komunikasyon habang 4.9% sa mga proyektong flood control at patubig. Nasa 6% naman ang inilaan para sa depensa at sa berdugo’t teroristang NTF-Elcac, di hamak na mas mataas sa mga pondo sa kalusugan, agrikultura at iba pa.

Sa pagtaas ng utang ng gubyerno, tumataas din ang inilalaang pambayad sa interes nito mula sa taunang pondo ng bansa. Ngayong 2025, 13.4% ang inilaan dito mula sa pambansang pondo. Liban dito, pinatitindi ang mga hakbanging piskal tulad ng pagbubuwis ng gubyerno sa mamamayan dikta ng International Monetary Fund (IMF). Tiyak na sa 2026, dagdag-pahirap sa mamamayan ang mga panukalang batas na dikta ng IMF na magpapataw ng excise tax sa mga single-use plastic, mga pagkain at inuming hindi masustansya. Ngayon pa nga lamang, mabigat nang iniinda ang patung-patong na buwis na ipinapataw ng estado sa mamamayan, laluna pag dinagdagan pa ito. Kabalintunaan namang nagtatamasa ng mga tax exemptions, holiday at iba pang benepisyo ang mga dambuhalang negosyo kapwa ng lokal at dayuhang mga kapitalista sa bansa.

Sadyang walang-awa ang rehimeng US-Marcos II. Sa pag-apruba sa pambansang pondo para sa 2026, inulit lamang nito ang dating padron ng pagbawas sa pondo sa mga sektor para sa kagalingan ng mamamayan habang pinalusot sa gitna ng kumukulong galit ng bayan ang mga ala-pork barrel na alokasyon, kabilang ang malaking halagang nakalaan para sa opisina ni Marcos Jr. Nasa ₱23.35 bilyon ang pondo ng opisina ni Marcos Jr., hindi pa kasama ang ₱11 bilyong pondo para sa Confidential and Intelligence Funds at ₱243 bilyong Unprogrammed Appropriations na nagpapahintulot sa presidenteng gastusin labas sa regular na mga proseso ng pag-aaloka ng pondo. Ang mga pondong ito ay maituturing na pork barrel na hawak mismo ng presidente. Bukod dito ang ₱529.6 bilyong pondo para sa DPWH na bagama’t lumiit ay magbibigay-daan pa rin sa mga tinatawag na “allocables” para sa mga korap na senador at kongresista. Lalong nakapagngangalit ang garapal na astang ito ng rehimen.

Kung tutuusin, ang papalaking pambansang utang ng bansa ay salaminan ng labis na pagkabulok ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Palaging may malaking depisito sa kalakalan, balanse sa mga bayarin dulot ng pagiging palaasa nito sa imported na mga yaring produkto at pagsalig sa pag-eeksport ng mga hilaw na materyales at mala-manupakturang produkto. Habang lumalaon, lalong nababansot at pinapatay ang lokal at natural na ekonomyang Pilipino para higit na isandig ang bansa sa dayuhang pamumuhunan at interes, sa kapinsalaan ng mamamayan at likas na yaman ng bansa. Sa laki ng dinadambong na yaman ng bansa at sa dambuhalang tubong hinuhuthot ng mga multinasyunal at transnasyunal na korporasyon ng mga monopolyo kapitalista ng US, Japan, China, UK at iba pang bansa, matagal nang bayad ang Pilipinas. Dapat pa nga sana’y singilin nito ang imperyalismo sa ginawa nitong pagyurak sa pambansang soberanya, pagdambong sa kalikasan at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino.

Hangga’t hindi nawawakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabagsak sa estado nito, patuloy na gagawing alipin ng dayuhang interes at dambuhalang utang ang bansang Pilipinas at sambayanang Pilipino. Dapat pag-ibayuhin ang pakikibaka ng bayan laban sa magnanakaw, papet, pasista at pahirap na rehimeng US-Marcos II. Sa pagpasok ng taong 2026, lalong dapat pasiglahin at palawakin ang nagkakaisang hanay ng mamamayan para ibagsak ang rehimeng US-Marcos II hanggang maibagsak ang buong naghaharing sistemang kinukubabawan ng sabwatang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Sa pagtatatag ng estado ng mamamayan, ipapawalambisa at ibabasura ng Demokratikong Gubyernong Bayan ang lahat ng pambansang utang ng ibinagsak na reaksyunaryong rehimen na nagbibigay ng labis na prebilihiyo at ganansya sa mga monopolyo kapitalista, oligarko atbp. Itataguyod ng gubyerno ng mamamayan ang planadong ekonomya para mahusay na gastusin ang bawat sentimo ng pondo at kita ng bayan sa kapakinabangan ng mayorya ng sambayanang Pilipino. Titiyakin ng demokratikong estado na ang mamamayan laluna ang masang anakpawis, hindi ang iilan ang magtatamasa ng lahat ng produkto na kanyang pinaghirapan.

The post Singilin ang rehimeng US-Marcos Jr. sa pagbaon sa bayan sa gabundok na utang appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.