Ilang araw bago ang pagdiriwang sa Pasko, dinumog at naglunsad ng walang tigil na atake ang 62nd IB sa mga komunidad sa Central Negros. Sa loob ng 10 araw mula Disyembre 13, nagsagawa ang mga elemento nito ng iligal na pagpasok at pagransak sa mga bahay, pananakot at panggigipit, at pgabaril sa isang kalabaw.
Noong Disyembre 13 ng gabi, nilusob ng mga sundalo ng 62nd IB at mga traydor sa rebolusyon ang bahay ng pamilyang Turno sa Sityo Laos, Barangay Binubuhan, Guihulngan City. Pinilit ng mga sundalo ang pamilya umamin na mga tagasuporta ng BHB at “sumuko.”
Noong Disyembre 15 ng hapon, binaril ng mga sundalo ang isang kalabaw na pag-aari ng pamilyang Blasco sa Sityo Tibobong, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla. Lubos na ikinagalit ng pamilya ang pagpatay sa kalabaw na krusyal sa kanilang kabuhayan.
Noong Disyembre 20 ng gabi, limang sundalo ng 62nd IB ang sumugod at nanggulo sa mga bahay ng mga residente sa Sityo Tiyos, Barangay Quintin Remo. Isa sa mga pamilyang dinahas at tinakot ng militar ang pamilyang Quiñanola na pilit pinapaamin na mga tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.
Matapos nito, nagpatuloy ang operasyong kombat ng 62nd IB sa mga komunidad sa Central Negros kahit panahon ng Pasko.
The post Mga komunidad sa Central Negros, dinumog ng 62nd IB; kalabaw, pinatay appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

