Dinakip ng Philippine National Police ang tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Cordillera na si Mike Cabangon noong Disyembre 27 sa Baguio City. Kumakaharap siya sa kasong paglabag sa Terrorist Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (TFPSA).
Kinundena ng KMU-Cordillera, Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) at Cordillera People’s Alliance (CPA) ang pag-aresto kay Cabangon. Anila, walang pahinga ang mga pwersa ng estado sa panggigipit sa mga lider-masa at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa kahit pa kasagsagan ng mga pagdiriwang.
“Ang pagsisilbi ng mandamyento de aresto [kay Cabangon] nang katatapos lamang ng Pasko ay nagpapakita ng desperasyon ng estado para abutin ang kanilang kota,” ayon sa KMU-Cordillera. Anang grupo, nakakagalit ang pagsasampa ng tinawag nitong gawa-gawang kaso sa kanilang tagapagsalita.
Si Cabangon, ayon sa grupo, ay isang masigasig na tagapagtanggol ng karapatan ng mga manggagawa at lider-unyonista sa mahabang panahon. Naging katuwang rin umano siya ng mga drayber at tsuper sa rehiyon para labanan ang jeepney phaseout at ipagtanggol ang kanilang kabuhayan.
“Kahit ngayong matanda na siya, patuloy niyang inilalaan ang kanyang oras, lakas at talento para sa mamamayan at mga komunidad na kanyang pinaglilingkuran,” pahayag ng KMU-Cordillera. “Hindi siya isang kriminal!” anito.
Ayon sa grupo, umaasa silang may mga aarestuhin sa pagtatapos ng taon pero hindi mga aktibista at tanggol-karapatan kundi mga sindikato sa gubyerno, kurakot na pulitiko at kontraktor at kanilang mga protektor.
Nanawagan ang KMU-Cordillera na ibasura ang kasong kinahaharap ni Cabangon at lahat ng mga aktibista at tanggol-karapatang ginigipit ng estado. Muli rin nilang iginiit, kasama ang CHRA at CPA, na ibasura ang mga mapanupil na batas ng Terrorist Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at Anti-Terrorism Act of 2020.
The post Tagapagsalita ng KMU-Cordillera, inaresto sa kasong “terrorist financing” sa Baguio City appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

