Matagumpay na nagiit ng 17 Pilipinong mekaniko mula sa Winnipeg, Manitoba, Canada ang kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho. Tinanggal sila sa trabaho ng 4Tracks Ltd nang walang ligal o lehitimong dahilan matapos lamang ng tatlong linggo sa kumpanya. Ang 4Tracks Ltd ay kumpanyang trucking na nakabase sa Manitoba. May mahaba itong kasaysayan ng paglabag sa batas sa paggawa.

Noong Disyembre 18, naglunsad ng press conference ng Migrante Manitoba upang ilantad ang pang-aabuso ng kumpanya sa mga Pilipinong manggagawa. Dahil dito, napilitan ang kumpanya na ibalik sa trabaho ang mga manggagawa.

Habang ipinaglalaban ang kaso, marami ang nag-ambag ng pinansyal na tulong, pagkain, damit, esensyal na gamit at pansamantalang tirahan sa mga manggagawa. Marami din ang nagboluntir mula sa mga kabataang estudyante, manggagawa at myembro ng komunidad para ikampanya ang laban ng mga Pilipinong manggagawa sa kabila ng panahon ng Kapaskuhan.

Ang mga Pilipinong manggagawa ay narekrut sa Pilipinas ng Venture Management bilang mekaniko ng mga trak. Pero pagdating sa Canada, pinaggampan sila ng lagpas sa itinakda sa kanila na trabaho at sa di ligtas na mga kundisyon.

Kabilang dito ang pagpapatrabaho sa kanila sa panahon ng taglamig nang walang sapat na proteksyon tulad ng dyaket, bota at gwantes. Pinagagamit sila ng mabibigat na ekipahe at gamit pang-welding nang walang sapat na training o gamit tulad ng mask. Napako ang pangako sa kanila na bibigya sila ng matutuluyan at gamit tulad ng higaan at lutuan. Pinagsiksikan sila sa maliliit na kwarto, habang napilitan ang iba sa kanila na humiga sa sahig na tanging karton lamang ang sapin. Biktima din sila ng berbal na pang-aabuso at pananakot upang pigilan sila na lumaban.

Ayon sa Migrante Manitoba, ang paglabag sa kontrata, pang-aabuso at pananakot ng employer ang karaniwang nararanasan ng mga migranteng manggagawa sa ilalim ng temporary Foreign Worker Program ng Canada. Ayon sa UN Special Rapporteur on contemporary forms of slavery, tinawag nito ang programa na “breeding ground” para sa makabagong anyo ng pang-aalipin.

Nananawagan ang Migrante Manitoba sa komunidad na patuloy na protektahan lahat ng migranteng manggagawa na nahaharap sa bulnerableng sitwasyon sa ilalim ng mapagsamantalang sistema na nagtuturing sa mga manggagawa bilang mura at madaling palitan na lakas paggagawa, sa Canada sa pamamagitan ng Temporary Foreign Worker Program, at sa Pilipinas sa pamamagitan ng Labor Export Program.

Nananawagan din ang grupo Philippine Consulate General OFFice (PCG-Toronto), sa Migrant Workers Office (MWO) sa Toronto na magbigay ng kagyat pinasyal at ligal na tulong at ayuda mula sa pondo ng AKSYON para sa lahat ng Pilipinong migrante na biktima ng pang-aabuso.

The post Mga Pilipinong mekaniko sa Canada, tagumpay sa kanilang laban para sa seguridad sa trabaho at ligtas na paggawa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.