Buong-kagalakan nating ipagdiwang ang ika-57 anibersaryo ng dakilang Partido Komunista ng Pilipinas! Sa makasaysayang okasyong ito, ipinararating ng Komite Sentral ang maalab nitong pagbati sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido, sa mga kasapi ng mga kaalyadong rebolusyonaryong organisasyon sa National Democratic Front, sa mga kaibigan, sa mga kapanalig na komunista, pwersang rebolusyonaryo at anti-imperyalista sa iba’t ibang dako ng mundo, at sa buong sambayanang Pilipino.
Sa araw na ito ay alalahanin at kilalanin natin ang lahat ng bayani at martir ng rebolusyong Pilipino. Tumindig tayo para taas-kamaong magbigay-pugay sa alaala ni Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng Partido, na nagsilbing gabay at liwanag sa Partido at ilang salinlahi ng mga komunista at rebolusyonaryong aktibista. Magbigay pugay din tayo sa alaala ng lahat ng bayani at martir ng sambayanang Pilipino, kabilang ang pinakamamahal na mga lider na nagsilbi sa Komite Sentral, mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, at lahat ng mga kadre at kasapi na buong-pusong inalay ang kanilang buong buhay para sa kapakanan ng paglaya ng lahat ng inaapi.
Saluduhan natin sina Kasamang Luis Jalandoni, dating punong internasyunal na kinatawan ng NDFP at pinuno ng NDFP panel sa usapang pangkapayapaan, na pumanaw noong Hunyo sa The Netherlands; at si Kasamang Maria Malaya (Myrna Sularte), na pinatay ng kaaway sa isang labanan sa kabundukan ng Butuan City noong Pebrero. Ipaabot din natin ang pagsaludo kay Kasamang Basavaraju, dating pangkalahatang kalihim ng Komite Sentral ng Communist Party of India (Maoist) at si Kasamang Madvi Hidma, kumander ng People’s Liberation Guerrilla Army sa India, at sa lahat ng iba pang rebolusyonaryo sa iba’t ibang dako ng mundo na nag-alay ng kanilang buhay para sa internasyunal na proletaryado. Humalaw tayo ng inspirasyon sa kanilang maniningning na buhay.
Batiin din natin sa araw na ito ang lahat ng bagong kasapi ng Partido, laluna ang mga kabataang kadre mula sa hanay ng masang anakapawis, mga intelektwal at iba pang saray ng lipunan. Kayo ang kinabukasan ng Partido at ng rebolusyong Pilipino. Mataman kayong mag-aral, kumuha ng gabay, patalasin ang isip at maging mapagkumbaba sa pagharap sa mga hamon sa pamumuno sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain ng Partido. Katuwang ninyo sa pagbalikat ng mabibigat na tungkulin ang mga nakatatanda at may karanasang mga kadre at kasapi ng Partido na handang magpayo at magbahagi ng kanilang karanasan.
Itanghal natin sa araw na ito ang Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang matibay na teoretikal na pundasyon kung saan nakatindig ang Partido. Ito ang unibersal na teorya para sa pagpapalaya ng uring manggagawa at lahat ng aping uri. Pagtibayin natin ang mga saligang prinsipyo ng Partido at ang programa nito para sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan, para wakasan ang mapang-aping sistemang malakolonyal at malapyudal, ibagsak ang tatlong saligang suliranin na imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo, at kamtin ang demokrasya at pambansang paglaya para likhain ang kundisyon para sa sosyalistang hinaharap.
Pumapasok tayo ngayon sa ikatlong taon ng ating kilusang pagwawasto, na sa pangunahi’y isang Marxista-Leninista-Maoistang kilusang pag-aaral. Sa diwa ng kilusang pagwawasto, nagbalik-aral tayo sa ating karanasan at kritikal-sa-sariling tinukoy ang ating mga kahinaan at mga naging pagkakamali. Ikinalulugod ng Komite Sentral na iulat na patuloy na nagbubunga ang ating kilusang pagwawasto at nagkamit ng makatuturang mga pagsulong sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Nagtitiwala tayo na sa patuloy na pagpupunyagi ng lahat ng kadre at kasapi ng Partido, sa pamumuno ng Komite Sentral, makakamit natin ang higit na malalaking tagumpay sa mga taong darating.
Sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, matalas nating suriin ang pangunahing mga kontradiksyong bumubuo ng kasalukuyang kinakaharap na sitwasyon sa bansa at buong daigdig. Gagapin natin ang pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, at ang nagtatagal nang istagnasyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Nagbubukas ito ng marami at malalaking oportunidad para isulong ang adhikain ng uring manggagawa at lahat ng api at pinagsasamantahalang uri para sa paglaya.
Sa simula ng kasalukuyang taon ay inasahan natin ang pagsiklab ng krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Subalit sadyang nahigitan ito ng bilis ng paghinog at pagputok ng sitwasyon simula kalagitnaan ng taon. Tanda ito, hindi lamang ng lalim ng krisis pang-ekonomya at panlipunan, kundi lalo’t higit, ng nag-uumapaw na galit ng sambayanang Pilipino sa pang-aapi at pagpapahirap sa kanila ng mga mapagsamantala at mandarambong na naghaharing uri.
Tiyak na magpapatuloy pa sa hinaharap ang walang kalutasang krisis sa harap ng walang sukat na korapsyon, paghahasik ng pasistang terorismo at sagadsaring pagpapakapapet ng rehimeng Marcos. Ang rehimeng US-Marcos ngayon ang pinakakonsentradong anyo ng pang-aapi at pagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Sa taong darating, tiyak na lalaki at lalawak pa ang kilusang protesta na dumaluyong sa nagdaang mga buwan para panagutin at patalsikin sa poder sina Marcos at Duterte na siyang kumakatawan ngayon sa pinakareaksyunaryong pangkatin ng mga naghaharing uri. Kasabay nito, tiyak na sisiklab din ang malawakang mga paglaban sa kanayunan sa harap ng walang habas na pang-aagaw ng lupa at pandarambong sa yaman ng bansa.
Sadyang napakainam ng sitwasyon ngayon sa Pilipinas para pamunuan ng Partido ang ibayong pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sunggaban natin ang pagkakataon para ibayong palawakin at palakasin ang Partido at ang buong rebolusyonaryong kilusan, at tanawin ang malaking pagsulong sa hinaharap.
I. Tumitinding mga sigalot sa harap ng hindi malutas na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista
Inuuga ang buong mundo ng apat na pangunahing kontradiksyon: sa pagitan ng monopolyong burgesya at uring manggagawa, sa pagitan ng imperyalismo at aping mamamayan sa buong daigdig, sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga bansang naninindigan para sa pambansang kasarinlan, at sa pagitan ng mga nagriribalang mga imperyalistang bansa. Sa kasalukuyan, ang tumitinding mga sigalot sa pulitika, pinansya, ekonomya, kalakalan, at militar sa pagitan ng pinakamalaking imperyalistang bansa ang prinsipal na kontradiksyon, laluna sa harap ng walang awat na pagpapataw ng imperyalistang US ng kanyang hegemonya sa buong mundo. Ito ang prinsipal na kontradiksyon na naghuhugis ng kasalukuyang sitwasyon sa buong daigdig.
Sumisiklab sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga armadong sigalot, pangunahin bunsod ng pang-uupat ng imperyalismong US. Mahigpit itong nakaugnay sa nagtagal nang istagnasyon ng ekonomya ng pangunahing mga kapitalistang bansa na hindi malutas-lutas ng monopolyong burgesya. Resulta ito ng nagpapatuloy na krisis ng sobrang produksyon sa halos lahat ng industriya, at lumalaking imbentaryo ng hindi mabentang mga kalakal. Sobra-sobra ang produktibong kapasidad, higit lalo ng mga pangunahing bansang industriyalisado. Bunsod ito ng paghahabol ng magkakaribal na kumpanya na daigin ang isa’t isa sa produksyon ng pinakamaraming kalakal.
May labis na produksyon sa halos lahat ng industriya dahil sa patuloy na pagpapaunlad ng mga pwersa sa produksyon, partikular na ang mga pag-abante sa teknolohiya (kabilang ang paggamit ng artificial intelligence o AI). May sobra-sobra kapasidad sa produksyon ng mga kagamitang elektroniko, semikonduktor, mga baterya, sasakyang elektrik at de-gasolina, mga solar panel, asero (bakal), langis at petrolyo, kemikal, barko, transportasyong komersyal, eroplano, at maraming iba pa. May sobra-sobrang produksyon din sa halos lahat ng produktong pang-agrikultura (bigas, mais, soya, trigo at iba pa), laluna sa mga kapitalistang bansa.
Winawasak o winawaldas ang mga pwersa sa produksyon. Dahil sa sobrang produksyon, maraming mga industriya ang pinatatakbo na mas mababa kaysa kapasidad sa produksyon. Sa US, halimbawa, 60%–70% lamang ng kapasidad nito sa produksyon ng mga sasakyan ang nagagamit. Sa Germany, nasa 70% lamang ng kapasidad sa kabuuang produksyon ang nagagamit, dahilan na hindi nagagamit ang bilyun-bilyong dolyar na mga kagamitan sa produksyon. Sa China, may kapasidad ang mga pabrika dito na magprodyus ng hanggang 45 milyong sasakyang elektrik (e-vehicle), subalit hindi ito lubos na nagagamit dahil ang bentahan sa pandaigdigang pamilihan ay nasa 16–18 milyon lamang. Paparami ang mga kumpanyang nalulugi o nilalamon sa harap ng matinding kapitalistang kumpetisyon.
Mabilis ngayong lumalaki ang bula ng AI na kinahihibangan ng malalaking monopolyong burgesya. Ilang trilyong dolyar ang ibubuhos sa larangan ng AI sa mga susunod na taon, sa wala pang kapantay na laki ng pamumuhunan sa imprastruktura at bono, lagpas-lagpas sa inaasahang demand at kikitain nito. Inihahambing ito ngayon sa bula ng “dotcom” noong dekada 1990 na malao’y pumutok at nagresulta sa isang krisis sa pinansya.
Lalong sumisidhi ang problema ng maramihang pagsisisante ng mga manggagawa, pagbawas sa araw ng trabaho o pagsasara ng mga pabrika. Sa US, halos 560,000 kumpanya ang nabangkarote sa isang taon mula Setyembre 2024, mahigit 10% pagdami kumpara sa taon, pinakamatarik mula 2010; kabilang ang 32 na may sobra sa $1 bilyong ang halaga, na nagsara sa 12 buwan mula Setyembre 2024. Sa nagdaang sampung taon, hindi bababa sa 100,000 kapitalistang sakahan sa US ang tumiklop dahil sa patuloy na pagbasak ng presyo ng kanilang kalakal. Sa Germany, inaasahang aabot sa kabuuang 22,000 ang magsasarang kumpanya sa buong taon (60 kada araw), pinakamataas sa isang dekada. Sa UK, mahigit 2,000 kumpanya ang nagsasara buwan-buwan ngayong taon, habang nasa 50,000 empresa ang nasa kritikal na sitwasyon. Sa China, inaasahang 15 kumpanya na lamang (mula 129 kumpanya) ang matitirang nakatayo sa industriya ng e-vehicle sa susunod na limang taon.
Patuloy na lumalala ang disempleyo sa buong daigdig. Sa sektor ng teknolohiya, tinatayang aabot sa mahigit 200,000 ang masisisanteng manggagawa hanggang sa katapusan ng taon (70% nito sa US), kabilang ang 24,000 sa Intel, 14,000 sa Amazon, 13,000 sa Verizon at 9,000 sa Microsoft. Sa industriya ng sasakyan sa US, aabot sa 15,000 (20% mas mataas kumpara sa taong nakalipas) ang inianunsyong masisisante ngayong taon. Tinatayang hanggang 60,000 manggagawa sa sektor ng sasakyang elektrik sa China ang tinanggal sa trabaho mula 2024. Mahigit 48,000 empleyado naman ng United Parcel Service ang sinipa sa trabaho dahil sa pagbagsak ng mga deliberi.
Nakasadlak sa istagnasyon hanggang makupad na paglago ang pandaigdigang ekonomya. Humaharap sa lumalaking banta ng resesyon ang mga ekonomya ng lahat ng sentro ng kapitalismo. Ang tunguhin ito ng mabagal na paglago ng mga ekonomya ay magdadalawang dekada na, simula nang sumambulat ang krisis pampinansya noong 2008. Rumebanse ang pandaigdigang ekonomya noong 2022 matapos bumulusok noong pandemyang 2020–2021. Ngayong taon, may mga pagtaya, kabilang ang sa World Bank at IMF, na hindi lalago ang pandaigdigang ekonomya lagpas sa 2.3%, mas mababa kumpara sa mababa ding 2.5% paglago noong 2024, sa harap ng malawakang pagsasara ng mga empresa, pagsisisante sa mga manggagawa at mababang demand dahil sa mataas na tantos ng implasyon, laluna sa mga kalakal na pangkonsumo.
Nananatiling nasa bingit ng resesyon ang ekonomya ng US na tinatayang lalago lamang ng 1.7%–2% ngayong taon. Halos kalahati (o 22) ng mga estado sa US ang nasa resesyon na. Sa ilalim ng patakarang “America First” ng gubyernong Trump, ipinatupad ang mga desperadong hakbang na diumano’y para buhaying muli ang ekonomya at industriya. Kabilang dito ang pagtataas ng taripa sa halos lahat ng inaangkat na kalakal ng US na may deklaradong layunin na proteksyunan at suportahan ang lokal na industriya at manupaktura. Gayunman, sa nagdaang 11 buwan, nanatiling tigil o humina pa ang produksyong industriyal, kabilang ang bakal at mga sasakyan, sa harap ng sobrang pandaigdigang produksyon at labis na imbentaryo.
Inaasahan namang lalago lamang nang 1.3% ang ekonomya ng mga bansa sa European Union, kabilang ang lugmok na ekonomya ng Germany na inaasahang aabot lamang sa 0.2% (mula -0.3% noong 2024). Nasa bingit naman ng resesyon ang United Kingdom mula pa nakaraang taon. Bumagsak sa -2.3% ang Japan noong ikatlong kwarto ng taon, at hindi inaasahang lalago lagpas sa 1% sa buong taon. Patuloy namang bumabagal ang paglaki ng ekonomya ng China na inaasahang aabot lamang sa 5% (mula mahigit 10% paglawak noong 2000–2010), sa harap ng pagkalugi ng mga natenggang proyektong real estate (kabilang ang sobra-sobrang mga kondominyum at gusaling pang-upisina), naipong gabundok na hindi mabayarang lokal na utang at pagbagsak ng pamumuhunan sa manupaktura at imprastruktura.
Sa kabuuan, tinatayang may 40–60 bansa ang nasa bingit ngayon ng resesyon. Liban sa mga pangunahing sentro ng kapitalismo, kabilang rin dito ang ilang abanteng ekonomya sa Europe tulad ng Austria, Germany, Italy, France at Switzerland na pawang negatibo o sero ang tantos ng paglago ng ekonomya, dagdag pa sa ilampung mga bansang atrasado.
Ang masidhing krisis ng sistemang kapitalista ay lalong nagpapalala sa pagkawasak ng kapaligiran at krisis sa klima. Tahasang tumatanggi ang malalaking kapitalistang bansa na magpapigil sa pagkamkam ng likas na yaman at mga hilaw na materyales, na dahilan ng papalalang polusyong industriyal at pagtaas ng temperatura sa buong mundo. Walang saysay ang taunang pakitang-taong “climate change conference” na pinasimunuan ng UN, kabilang ang idinaos kamakailan sa Brazil.
Sa gitna ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, lalong nalulugmok ang hindi industriyalisado, agraryo at atrasadong ekonomya ng mga bansang kolonyal, malakolonyal at malapyudal. Ang mga bansang ito ay nilumpo ng ilang dekadang mga patakarang neoliberal na nagbukas sa mga ito sa pagtatambak ng dayuhang sobrang kalakal at pandarambong ng dayuhang kapitalistang pamumuhunan. Dahil sa hindi pantay na palitan, dumaranas ang mga ito ng pamalagiang depisito sa kalakalan, krisis sa pinansya at pagsalalay sa utang. Habang umiigting ang kumpetisyon ng mga monopolyong burgesya para sa pagkukunan ng pinakamurang mga hilaw na materyales, lalong pinag-aagawan ang mga bansang ito ng mga imperyalistang kapangyarihan. Nagdurusa ang ilang bilyong mamamayan sa mga bansang ito sa harap ng malawakang disempleyo, mababang sahod, pang-aagaw ng lupa at kabuhayan, at iba pang anyo ng pagpapahirap at pang-aapi.
Patuloy na bumabaling sa pangungutang ang mga bansa sa tangkang tawirin ang krisis sa kanilang mga ekonomya, tustusan ang mga subsidyo ng estado para sa mga naluluging kumpanya, pondohan ang mga imprastruktura at papalaking gastos sa depensa. Sa loob lamang ng unang anim na buwan ng 2025, sumirit nang $21 trilyon ang pandaigdigang utang at sa halos $340 trilyon sa kalagitnaan ng taon. Kinakatawan ng kabuuang pandaigdigang utang ang halos 290% ng kabuuang pandaigdigang produksyon, na halos kapantay ng pinakamataas na inabot noong 2023. Mayorya ng pandaigdigang utang ay hawak ng US, Japan, China at ilang mayor na bansa sa Europe. Sangkatlo nito ay utang ng US. Ang pampublikong utang ay inaasahang lumaki mula $102 trilyon noong katapusan ng 2024 tungong $115 trilyon sa katapusan ng taon. Umabot sa $31 trilyon ang pampublikong utang ng mga atrasadong bansa, dobleng paglaki sa nagdaang 15 taon. Hindi bababa sa 35 bansa ang nanganganib na hindi makapagbayad ng kanilang mga utang.
Ginagatungan ng sumisidhing pandaigdigang krisis ng kapitalismo ang maigting na tunggalian ng mga imperyalista at mga sigalot sa mundo. Ipinataw ni Trump ang dagdag na mga taripa sa halos lahat ng bansa para makakuha ng mga konsesyon sa kalakalan (kabilang ang pagpapasok ng mas maraming produkto mula sa US, at pakontrata sa pagbenta ng mga sarplas na kagamitang militar). Sa ginawa niyang ito, lalo niyang pinatindi ang kumpetisyon sa ekonomya at kalakalan ng mga imperyalista at pinalalim ang mga sentimyentong anti-US sa buong mundo.
Palaki nang palaki ang banta ng pagsiklab ng mga mayor na armadong sigalot sa iba’t ibang panig ng mundo, kasabay ng papalaking pondong ibinubuhos ng mga imperyalista sa militar at depensa. Sumirit ito nang 9.4% noong 2024 tungong $2.72 trilyon, pinakamatarik na pagsirit sa nagdaang mahigit tatlong dekada. Patuloy ang pagsirit na ito ngayong 2025. Aabot sa $1 trilyon ang gastos militar ng US ngayong taon. Sa balangkas ng bagong National Security Strategy (2025) ng US (na nakatuon pangunahin sa China at Russia), idineklara nito ang layunin na paunlarin ang “pinakamakapangyarihan, pinakamatindi, at pinakaabante sa teknolohiya” na pwersang militar.
Idinidiin ng US na dapat nitong higitan ng mas malaking pwersa ang China sa karagatan at “first island chain” sa palibot ng bansa. Layunin nito diumano ang “iwasan ang kumprontasyon,” subalit lalo lamang nitong pinalalaki ang posibilidad na masindihan ang armadong sigalot at gera. Sa sariling bahagi ng mundo, ikinakasa ngayon ng US ang planong lusubin ang Venezuela (sa South America) sa tabing ng “paglaban sa drug cartel” para pabagsakin ang anti-imperyalistang gubyerno ni Maduro, at itayo ang isang papet na gubyerno. Matapos ang nagtatagal na gera sa Ukraine na sinulsulan ng US at NATO, itinutulak ngayon ng US ang isang kasunduan para paghatian ang rekurso at lupain ng bansa. Sa Middle East, tuluy-tuloy na katuwang ng US ang Zionistang estado ng Israel sa gerang henosidyo laban sa Palestine na pumatay sa hindi bababa sa 67,000 Palestino sa dalawang taong pambobomba sa Gaza mula Oktubre 2023. Sa kabila ng “tigil-putukan” na pinamagitan ng US noong Oktubre, patuloy ang mga pag-atake ng mga pwersang Zionista na nagresulta sa pagpatay sa hindi bababa sa 400 nang Palestino. Ikinakasa ng US ang plano nitong kontrolin ang ilang bahagi ng Gaza Strip, kahit pa taliwas ito sa plano ng Israel na kamkamin ang buong lupain. Pinagtulungan ng US at Israel na bombahin ang Iran, na nagtanggol ng bansa sa pamamagitan ng mga kontra-atake.
Patuloy ang pagpapalakas ng “komprehensibong estratehikong tulungan” ng Russia at China sa anyo ng pinalakas na kalakalan (laluna sa langis at enerhiya) at kooperasyong militar. Patuloy na pinalawak ang alyansang BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) na ngayon ay may sampu nang myembrong bansa matapos ang pagsapi ngayong taon ng Indonesia (kasunod ang Egypt, Ethiopia, Iran, United Arab Emirates).
Sa tulak nito, at bilang ganting tugon sa mga taripa ni Trump, patuloy ang pagsisikap ng maraming bansa na lumayo sa paggamit ng dolyar sa mga transaksyong pampinansya, kahit pa nananatili itong dominante. Kabilang dito ang bentahan ng langis ng Saudi Arabia at iba pang bansa sa Middle East (laluna sa China), kalakalang yuan-ruble ng China at Russia, at kalakan gamit ang lokal na salapi sa ASEAN. Mula sa halos wala bago 2022, aabot na ngayon sa 20% ng kabuuang kalakalan sa mundo ang hindi gumagamit ng dolyar, dahilan ng tunguhin ng pagbaba ng halaga nito, at lumalakas na bentahan ng ginto. Nagsimula noong 2022–2024 ang lagpas sa 1,000 toneladang bentahan, mula sa karaniwang taunang bentahan na 450–500 tonelada noong 2010–2021.
Ang nagpapatuloy na krisis sa mga kapitalistang bansa ay nagbubunsod ng umiigting na tunggalian ng mga uri. Patuloy na umiigting ang mga pakikibakang manggagawa sa mga sentrong kapitalista, kabilang ang welga ng mga manggagawa ng Amazon sa US at iba’t ibang bansa. Sumiklab din nitong kalagitnaan ng taon ang malawakang mga welga ng mga manggagawa sa China para sa umento sa sahod, partikular sa kumpanyang BYD (gumagawa ng sasakyang elektrik). Sumiklab naman ang malawak na mga welga at kilos protesta ng mga manggagawa sa mga pantalan sa Japan noong Marso hanggang Mayo. Sa Europe, sumiklab ngayong Disyembre ang mga pangkalahatan o sabayang welga ng mga manggagawa at mamamayan sa Belgium, The Netherlands, Portugal, Italy at France, laban sa mga patakarang austerity o paghihigpit ng sinturon, na pangunahing tatama sa pensyon, sahod at mga serbisyong panlipunan. Sumiklab din ang mga mayor na welga sa mga nagdaang buwan sa Germany, Spain, United Kingdom at iba pang bansa.
Reaksyon sa lumalakas na paglaban ng mga manggagawa at mamamayan ang kapuna-punang pagbaling ng mga estado sa garapalang pasistang mga patakaran. Sa US, sumasahol nang sumasahol ang awtoritaryanismo ni Donald Trump sa tahasang paglapastangan sa mga batas at ligal na proseso sa isinasagawang marahas na crackdown laban sa mga imigrante sa US, na bumubuo ng malaking bulto ng uring manggagawa. Sa sulsol ng monopolyong burgesya, lumalakas ang mga partido at kilusang pasista at konserbatibo, at may mga nahahalal sa gubyerno. Patuloy na lumalala ang mga atake laban sa mga Muslim at Arabo (pinakamalala sa US sa nagdaang tatlong dekada, kaakibat ang pagsupil ng gubyernong Trump sa mga protestang maka-Palestine), mga Black at Latino sa US, mga LGBT, at mga migrante sa Europe. Bahagi ng lumalakas na tunguhing pasista, ipinatutupad ang mga batas at patakaran na malawakang sumusupil sa mga karapatang sibil, katulad ng pagpapalakas ng mass surveillance, paggamit ng mga drone, AI at iba pang teknolohiya na lumalabag sa mga karapatan sa pribasiya. Matapos ang mahigit tatlong taon, walang habas pa rin ang gerang henosidyo ng Zionistang Israel sa Gaza. Sa tulak pangunahin ng US, pinahihina ang United Nations sa pamamagitan ng pagkakait dito ng pondo, laluna sa mga ahensya nito para sa karapatang-tao.
Ang papalakas na pasisasyon o tunguhing pasista ng mga estado sa US at iba pang bansa ay nagtutulak sa mga mamamayan na palakasin ang mga pakikibakang anti-pasista sa iba’t ibang panig ng mundo. Idinaos ang mayor na mga rali at protestang anti-pasista, kabilang ang 7-milyong kataong rali sa mahigit 2,700 pagtitipon sa US laban sa pag-aastang hari ni Trump. Sa Europe, idinaos ang malalaking raling anti-pasista sa Netherlands, France, Germany, UK, Norway, at iba pang mga bansa. Nagpapatuloy ang malawakang mga demonstrasyon ng milyun-milyong mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo laban sa nagpapatuloy na henosidyo ng US at Zionistang estado sa Gaza.
Sumisiklab din ang mga pakikibakang masa sa mga bansang atrasado, sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, mababang sahod, pagbagsak ng pamantayan ng buhay, pang-aagaw ng lupa at kabuhayan, korapsyon at marangyang pamumuhay ng mga upisyal na gubyerno, pabigat na mga buwis, paglulustay ng pera ng gubyerno sa mga pasiklab na proyekto, pagkabulok ng mga serbisyong panlipunan, at matinding hindi pagkakapantay-pantay; at mga protesta laban sa korapsyon sa Kenya, Nepal, Indonesia, Morocco, Madagascar, Peru, Pilipinas at iba pang mga bansa. Marami sa mga ito ay tinaguriang mga “protestang Gen-Z” dahil sa malawak na ispontanyong pakilos ng mga kabataang nagdurusa sa gitna ng malalim na krisis sosyo-ekonomiko. May ilan sa kanilang ginamit ng mga reaksyunaryo o repormistang partido, pero marami din ang kalauna’y nakonsolida bilang mga progresibo at rebolusyonaryo.
Napakainam ng kundisyon sa mundo para magpalakas ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa iba’t ibang dako ng mundo, at itayo ang mga partido komunista, upang magsilbing tanglaw sa masang manggagawa at iba pang api at pinagsasamantalahang uri. Sa iba’t ibang bayan, nagpapalakas ang mga proletaryong rebolusyonaryong grupo at partido sa ideolohiya, sa pagbabalik-aral at pagpapalalim ng gagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, at paglalapat nito sa kinakaharap nilang kongkretong kalagayan. Salamin ng pagsisikap na ito ang naidaos na lima nang kumperensyang teoretikal ng NDFP mula lamang Oktubre 2023, na dinaluhan ng maraming partido komunista at iba pang organisasyong rebolusyonaryo para talakayin ang iba’t ibang mahahalagang usaping kinakaharap ng proletaryo sa buong mundo.
Sa mga bansang nakatayo ang mga partido komunista, nasa ubod at unahan ang proletaryo sa iba’t ibang anyo ng mga demokratikong pakikibakang masa, pagbubuo ng malapad na nagkakaisang prente para sa pagtatanggol sa interes at kapakanan ng malawak na masa laban sa mga imperyalistang patakarang neoliberal, programang pahirap, korapsyon at pasismo ng reaksyunaryong estado. Sa India, Turkey, Peru, Colombia, Pilipinas at iba pang bansa, patuloy na nagpupunyagi ang mga partido komunista sa paglaban sa teroristang todo-gerang panunupil, at pamumuno sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Hinog na hinog ang sitwasyon para sa pag-usbong at paglago ng mga partido komunista at para sa pagpapaigting ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa buong mundo. Ang kundisyon ng krisis ng nilikha ng kapitalistang sistema ay matabang lupa para sa paglaganap ng mga rebolusyonaryong ideya at malawakang pagkilos ng masa. Sentral ang papel ng mga partido komunista sa pamumuno sa uring manggagawa at iba pang aping uri, sa pakikibaka para sa kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
II. Lumalalang krisis sa ekonomya at pulitika sa ilalim ng rehimeng US-Marcos
Lalong nasasadlak sa krisis ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa ilalim ng paghahari ng rehimeng US-Marcos. Lalong sumasangsang ang sistemang bulok sa kaibuturan, sa harap ng garapalang korapsyon ni Marcos at kapwa niya burukrata-kapitalistang magnanakaw, ng pagkamal ng dambuhalang yaman ng pinapaburang mga burges kumprador, ng tumitinding pandarambong ng mga dayuhang kapitalista sa yaman ng bansa, ng malawakang pang-aagaw sa lupa at kabuhayan ng masa, at ng sumisidhing pagdurusa at pang-aaping dinaranas ng sambayanang Pilipino. Sadyang mahigpit na hinihingi ng sitwasyon ang rebolusyonaryong pagbabago para iwaksi ang lumang daan at dalhin ang bansa sa landas ng kalayaan, demokrasya at kaunlaran.
Sa harap ng nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, hinihila sa mas malalim na krisis ang lokal na ekonomya ng Pilipinas. Patuloy na sinasagkaan ng imperyalismong US at mga naghaharing uri ang pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon, dahilan na nananatili itong agraryo, atrasado at hindi industriyalisado.
Wala pa ring kakayahan ang lokal na ekonomya na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan at paunlarin ang bansa. Ang lokal na produksyon ay nakaasa sa pag-aangkat ng mga kalakal na pangkonsumo at pamproduksyon, at nakatuon sa pagluluwas ng mga hilaw o bahagya lamang na naprosesong mga materyales, at mga kalakal na inasembol mula sa inangkat na mga piyesa. Ang ekonomya ng bansa ay patuloy na nakaasa sa dayuhang kapital at pangungutang, kahit pa itinutulak ng World Bank na palakihin ang bahagi lokal ng pangungutang.
Dahil sa tagibang na kalakalan, nananatiling malaki ang pamalagiang depisito o pagkalugi sa kalakalan, na umabot sa $54 bilyon noong 2024 (mula $52 bilyon noong 2023). Inaasahang mananatili ito sa ganoon ding antas sa 2025. Bumulusok nang mahigit 83% ang sarplas sa balance of payments o balanse ng dayuhang transaksyon (kalakalan, kita at remitans mula sa ibayong dagat, pasok ng dayuhang pautang, ayuda o pamumuhunan) ng Pilipinas, mula $3.7 bilyon noong 2023 tungong $609 milyon noong 2024. , sa kabila ng wala pang kasinlaking $38.34 na bilyong ipinasok na remitans ng mga migranteng manggagawang Pilipino.
Sumirit ang pangungutang ng gubyernong Marcos tungong ₱17.5 trilyon noong Oktubre 2025 (kabilang ang ₱5.5 trilyon o $93 bilyong dayuhang utang), 40% paglaki mula maupo si Marcos noong 2022, para itawid ang depisito sa kalakalan, punuan ang balance of payments, at pondohan ang malalaki ngunit di produktibong mga proyektong pang-imprastruktura.
Patuloy na tumutumal ang lokal na manupaktura dahil sa pagliit ng order o paghina ng bentahan sa pandaigdigang pamilihan. Kabilang dito ang halos 5% pagbaba ng eksport ng mga produktong elektroniko tulad ng mga semikonduktor sa unang bahagi ng taon, na bumubuo ng malaking bahagi ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas at 55%–60% ng inieeksport ng bansa.
Nananatiling mababa ang produksyon sa agrikultura, kahit pa mayroong kaunting pagbawi ngayong 2025 kumpara sa 2.2% pagkitid noong nakaraang taon. Pangunahing dahilan nito ang pananatiling atrasado ng mga kagamitan, maliitang antas ng produksyon, at bulnerabilidad sa mga bagyo at pagbaha. Lalong sumahol ang lokal na produksyon sa agrikultura dahil sa liberalisasyon sa importasyon ng bigas (na umabot sa wala pang kapantay na 4.8 milyong tonelada noong 2024) at iba pang mga produkto na nagresulta sa pagkalugi ng mga magsasaka at paghina ng produksyon. Katulad na sitwasyon ang dinaranas sa sektor ng pangisda, manukan at babuyan.
Markado ang paglaki ng bilang ng mga nawalan ng trabaho. Mula Abril 2024 hanggang Abril 2025, tinatayang aabot sa 500,000 trabaho sa manupaktura ang nawala, kabilang ang 76,000 trabaho sa sektor ng semikonduktor at elektroniks. Ngayong taon, naglaho ang mahigit 300,000 trabaho. Daan-daanlibo ring mga drayber ng dyip, mamamalakaya, manininda sa palengke at iba pang maliliit na naghahanapbuhay ang inaagawan ng pagkakakitaan sa ilalim ng mga programang pinakikinabangan ng mga kapitalistang dayuhan at lokal.
Sa kanayunan, milyun-milyon ang nawalan ng trabaho sa nagdaang mga taon dahil sa pang-aagaw ng lupa, pagpapalayas, pagpapalit-gamit ng libu-libong ektaryang lupa tungo sa real estate, mga minahan, plantasyon, mga proyektong “renewable energy” at iba pa. Napipilitan silang maging manggagawang-bukid, maghanap ng iba’t ibang pagkakakitaan sa agraryo o natural na ekonomya, o mamasukan sa mga sentrong bayan. Dagdag na pahirap sa masang magsasaka ang mga patakaran ng pasistang panggigipit, laluna ang pagtatakda ng limitadong oras sa pagtatrabaho sa bukid na ipinapataw ng mga nag-ooperasyong sundalo ng AFP.
Pilit pinagtatakpan ng gubyernong Marcos ang masidhing problema ng kawalan ng trabaho. Para palabasing mababa lamang ang tantos ng disempleyo (humigit-kumulang 95%), hindi binibilang sa “pwersa ng paggawa” ang 10–15 milyong kababaihang walang trabaho (na mayorya ay nasa kanayunan) at gumaganap ng hindi bayad na trabaho sa mga tahanan, liban pa sa ilang milyong ikinategoryang “dismayadong manggagawa” na hindi na naghahanap ng trabaho. Sa kabilang panig, binibilang na “may trabaho” maging ang mga “self-employed” at mga “unpaid family workers” (na kung tutuusin, ay mga walang mahanap na trabaho) na sa kabuuang ay bumubuo ng 13–16 milyon o hanggang 34% ng sinasabing may trabaho.
Kung isasama ang milyun-milyong kababaihang tinanggal sa “pwersa ng paggawa” na ikinategoryang “maybahay” at aalisin sa bilang ng “may trabaho” ang sa aktwal ay wala namang hanapbuhay, ang tunay na tantos ng disempleyo sa Pilipinas ay hindi bababa sa 52% o mahigit kalahati ng pwersa ng paggawa sa bansa. Hindi pa kasama dito ang malaking bilang ng “kulang ang trabaho” o underemployed, na sa malaking panahon ay wala ding trabaho, kung tutuusin, kabilang ang mas malaki na nasa kanayunan.
Sa harap ng napakasidhing problema sa disempleyo, umabot sa 2.47 milyong Pilipino ang nangibang-bayan para magtrabaho noong 2024, pinakamataas sa nagdaang limang dekada, at inaasahang singdami ang bilang ng daragdag sa mga migranteng manggagawang Pilipino. Humigit-kumulang naman 10 milyon ang mga “gig worker” na katumbas ng 22% ng kabuuang may trabaho. Kasama dito ang halos 200,000 mga “platform worker.” Nabibilang sa mga ito ang halos 90,000 mga delivery rider, na araw-araw nag-uunahan sa limitadong mga order o pasahero, at nagdurusa sa katakut-takot na trapik, habang kinakaltasan ang maliit nilang kita ng mga kapitalistang may-ari ng mga “app.”
Pabulusok nang pabulusok ang antas ng buhay ng mayorya ng sambayanan, sa harap ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, laluna ng langis at pagkain. Nananatiling mataas ang presyo ng bigas na nasa ₱40–₱50 kada kilo. Pataas nang pataas ang gastos sa edukasyon, transportasyon, kalusugan, upa sa bahay, tubig, kuryente at iba pang serbisyo, na malaking bahagi ay negosyo ng malalaking kapitalista.
Tinatayang nasa ₱1,225 kada araw na ang nakabubuhay na sahod para mabuhay nang disente ang lima-kataong pamilya. Humigit-kumulang kalahati lamang nito ang arawang minimum na sahod na ₱695 (mula Hulyo) sa National Capital Region, at lalong malayo ang mas mababang minimum na sahod sa iba’t ibang rehiyon. Sadlak sa kahirapan ang masang mga manggagawang kumikita lamang ng minimum na sahod. Nagtitiis sila sa masisikip na barungbarong sa mga syudad, at humaharap sa banta ng pagpapalayas sa kanilang mga tirahan. Milyun-milyong walang hanapbuhay ang pumipila at handang tumanggap ng barya sa mga trabahong kontraktwal o pana-panahon.
Nasa kanayunan ang masang magsasaka. Sila ang bumubuo ng mayorya ng mga produktibong uri ng bansa, subalit ang dami nila ay itinatago sa mga upisyal na estadistika ng reaksyunaryong gubyerno. Para bigyang-matwid ang pagpapabaya sa kanayunan at palabasing hindi na agraryo ang ekonomya, hindi binibilang sa upisyal na estadistika ng reaksyunaryong estado ang malaking bahagi ng produktibong populasyon sa kanayunan kabilang ang mga magsasakang kababaihan at mga bata na kalahok sa produksyon.
Mayorya sa kanila ay walang sariling lupa o may maliit na parsela lamang na sinasaka, o nakikisaka lamang bilang kasamá o tenante, o nagtatrabaho bilang mga manggagawang-bukid. Dumaranas sila ng patindi nang patinding mga anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pang-aapi, partikular na sa anyo ng mataas na upa sa lupa at napakababang sahod. Kayod-kalabaw sila sa pagtatrabaho at pasan-pasan ang mataas na gastos sa produksyon, mataas na interes at pagkalubog sa utang, pambabarat sa kanilang mga produkto, at mataas na presyo ng bilihin. Lalong lumala ang kanilang kalagayan dahil sa liberalisasyon sa pag-aangkat na nagresulta sa pagbaha ng imported na bigas, sibuyas, bawang at iba pang mga produktong pang-agrikultura, at pagbaha sa kanilang mga bukid dahil sa pagkakalbo sa mga kabundukan.
Daan-daan libo ang pinalalayas sa sariling lupa dahil sa malawakang pang-aagaw ng lupa ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at mga burukratang kapitalista, kinakasangkapan ang mga korte at iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno, at kadalasang gamit ang pwersa ng militar at pulis, para bigyang-daan ang pagpapalawak ng mga plantasyon, minahan, mga proyektong ekoturismo, real estate, “renewable energy” (tulad ng malalawak na solar farms) o proyekto para diumano sa “climate change mitigation” (tulad ng mga plantasyon ng kawayan).
Inaagawan din ng kabuhayan ang maliliit na mamamalakaya at magdaragat sa panghihimasok ng malalaking komersyal na trawler o barko sa 15-kilometrong municipal waters, taliwas sa itinakda ng reaksyunaryong batas na eksklusibong gamit ng maliliit na mangingisda. Pinagkakaitan din sila ng kabuhayan sa ginagawang reklamasyon ng lupa, at kapag nagsasagawa ang US at AFP ng ilang araw o linggong ehersisyong militar sa mga baybaying dagat. Humaharap din sila sa banta ng pagtatayo ng mga “coastal wind energy projects.” Pasan din nila ang bigat ng liberalisasyon sa importasyon ng isda, mataas na gastos sa pangingisda at interes sa pautang.
Dinaranas sa buong bansa ang matinding epekto ng pagbabago sa klima. Dahil ito sa pagkawasak ng bundok at ilog na ilang dekada nang dinadambong ng mga gahamang dayuhang kapitalista at kasabwat na lokal na naghaharing uri. Hindi masukat ang pagdurusa ng masang anakpawis kapwa sa kalunsuran at kanayunan sa harap ng malalalang pagbaha at pagguho ng lupa, na nagreresulta sa pagkawasak ng mga tanim at pinagkukunan ng kabuhayan, pagkasira ng mga bahay at maramihang pagkasawi.
Upang mapanatili ang kanilang maalwan-alwang buhay, maghapong kumakayod rin ang mga guro, mga ordinaryong kawani, maliliit na propesyunal, mga may-ari ng sasakyang pampasada, maliit na tindahan o pwesto sa palengke, mga may kasanayang freelancer o gig worker, mga call-center agent, at iba pang sektor na bumubuo ng uring petiburges. Sa gitna ng masidhing krisis panlipunan, ang mayorya sa kanila ay hindi na nakapag-iimpok para makapag-ari ng sariling bahay o makapagpalago ng kapital, at marami ay mabilis na dumadausdos sa katayuan sa buhay ng masang anakpawis. Milyun-milyong mga kabataan ang hindi na makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa taas ng singilin at mga gastusin.
Langit at lupa ang agwat ng buhay ng masa ng sambayanang Pilipino at ng iilang naghaharing uri. Habang dumadausdos o bumubumulusok ang buhay ng masang Pilipino, palaki nang palaki naman ang kinakamal na yaman ng malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Mula nang maupo si Marcos, ang pinagsamang ari-arian ng tatlong pinakamayaman sa Pilipinas—sina Enrique Razon, Manuel Villar at Ramong Ang—ay lumaki nang 56% mula ₱485.6 bilyon tungong ₱1.3 trilyon, habang ang sa 50 pinakamayaman ay lumago nang 25% mula ₱979 bilyon tungong ₱4.9 trilyon, malayo sa ibinigay na 7.5% pagtaas sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region ngayong taon.
Habang sadlak sa lusak ng kahirapan ang masang anakpawis, nabubuhay nang marangya at maluho ang mga naghaharing uri. Nilulustay nila ang yaman sa kanilang mga mansyon, mamahaling sasakyan, pribadong resort at mga yate, gintong mga relo at alahas, pagkakasino at paroo’t parito ng biyahe sa ibang bansa lulan ng kanilang sariling mga eroplano.
Kumakamkam sila ng dambuhalang yaman sa pakikisosyo sa mga dayuhang malalaking kapitalista at bangko, bilang mga ahente sa pagluluwas ng mga hilaw na materyales (mga mineral, prutas, kopra, yamang-dagat, goma), pag-aangkat ng mga yaring kalakal at kagamitan, at bilang mga manedyer ng mga dayuhang namumuhunan sa mga kumpanyang nagsasamantala sa murang lakas-paggawa para sa asembliya para sa pag-eeksport. Sila ang nasa likod ng pang-aagaw ng lupa at pagsasapribado at pagnenegosyo sa mga serbisyong publiko tulad ng kuryente, tubig, telekomunikasyon at transportasyon. Hawak nila ang pinakamalalaking bangko, mga kumpanya at konglomereyt kabilang ang International Container Terminal Services (ICTS), SM Investments, BDO, SM Prime, Meralco, BPI, San Miguel Corporation, Ayala Land, PLDT, China Bank at iba pang malalaking korporasyon. Sila ang nagpopondo at sumusuporta sa pinakamalaking partidong pampulitika, at nakikinabang sa pabor ng gubyerno sa mga kontrata, batas, proyektong pang-imprastruktura at mga desisyon ng korte.
Katuwang ang naghaharing uri ng imperyalismong US sa pagpapanatiling atrasado ng bansa. Wala silang interes na ipundar ang saligang mga industriya at paunlarin ang agrikultura, o itaguyod ang ekonomyang nakapagsasarili. Nagkakamal sila ng yaman mula sa pagkaatrasado ng bansa.
Ang naghaharing uri ay pangunahing kinakatawan ngayon ng sagadsaring papet na rehimeng Marcos. Pinamamahalaanan niya ang estadong neokolonyal, na ang pangunahing haligi ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinokontrol ng imperyalismong US. Sa harap ng tumitinding ribalan sa China sa nagdaang dekada, ibayong pinahihigpit ng imperyalismong US ang kontrol sa Pilipinas. Tumindi ang panghihimasok ng militar ng US sa pamamagitan ng palaki nang palaking Balikatan exercises, na isinasagawa sa ilalim ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at iba pang tagibang na kasunduang militar ng US at Pilipinas.
Sa ilalim ni Marcos, palaki nang palaki ang presensya ng mga tropa, mga sasakyan at kagamitang pandigma ng US sa Pilipinas. Binuksan ng US ang dagdag na sikretong mga EDCA site para magsilbing himpilan ng mga tropa at tagapayong militar ng US, at lagakan ng mga misayl at iba pang sandata ng US. Karugtong ito ng papalaking presensyang militar ng US sa rehiyong Asia kasabwat ang mga papet na gubyerno sa Japan at South Korea. Suson-suson ang mga ehersisyong pandigma at pagmamaniobra ng mga pwersang militar ng US. Sinasamantala ng imperyalismong US ang hidwaan ng Pilipinas at China sa South China Sea para mag-udyok ng armadong sigalot. Ginagamit nito ang sagadsaring maka-US na grupong Akbayan bilang sibilyang tagasulsol ng gera, at tagapaypay ng Sinophobia o sentimyentong anti-China para ilarawan ang US na “kakampi” o “tagapagtanggol” ng soberanya ng Pilipinas.
Inilalarawan ng mga upisyal ng gubyernong US na nasa “hyperdrive” o napakataas na antas ng “kooperasyon” ng US at Pilipinas, sa harap ng walang kasimpantay na panghihimasok militar nito sa bansa. Itinayo kamakailan ng US ang Task Force Philippines para lalong pahigpitin ang kontrol sa AFP, at mas epektibong gamitin ito sa mga operasyong militar ng US sa Pilipinas. Kasunod nito, pinagtibay ng Kongreso ng US ang Philippine Enhanced Resilience Act o PERA na maglalaan sa Pilipinas ng aabot sa $500 milyong taunang Foreign Military Financing o kabuuang $2.5 bilyon sa 2026–2030, mahigit sampung ulit ng karaniwang inilalaan ng ayudang militar sa bansa.
Sadlak sa krisis pampulitika ang neokolonyal na estado sa harap ng matinding sigalot ng magkakaribal na pangkatin ng naghaharing uri, at pagkahiwalay sa mamamayan ng pasista at bantog sa korapsyon na rehimeng Marcos. Naging tampok sa nagdaang taon ang pagpayag ni Marcos sa paghuli at pakulong sa dating tiranikong presidente na si Rodrigo Duterte sa mga pasilidad ng International Criminal Court sa The Netherlands dahil sa mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng maramihang mga pagpatay sa huwad na “war on drugs.” Naging maigting rin ang bangayan sa naunsyaming impeachment kay Sara Duterte na itinulak ng malawak na hanay ng mga pwersang progresibo, katuwang ang mga karibal ng mga Duterte sa kongreso. Subalit sa takot na siya ang isusunod, ipinatigil mismo ni Marcos ang paglilitis sa Senado, kasabwat ang mga kaalyado ni Duterte.
Naganap ang isa sa pinakabulok na reaksyunaryong eleksyon noong Mayo, kung saan naging garapalan ang pandaraya, pagbaha ng kinurakot na salapi upang ipambili ng boto, karahasan, at pampulitikang akomodasyon na inareglo ng mga opereytor ng US. Salamin ito ng bulok na naghaharing sistemang pampulitika. Sa kabilang panig, naging makatuturan ang paglahok ng mga progresibo at patriyotikong partido sa eleksyon, kahit pa pinuntirya sila ng panggigipit ng mga armadong pwersa ng estado. Katangi-tangi ang kanilang mga kandidato sa mahigpit na pagdadala ng mga hinaing ng masa, paglalantad sa bulok na eleksyon at pagtataguyod sa pambansa at demokratikong hangarin ng sambayanan.
Sa gitna ng masidhing krisis sa ekonomya at pagbulusok ng kabuhayan ng malawak na masa ng sambayanan, sumiklab ang malawak na galit sa korapsyon at pandarambong sa pondo ng bayan. Tumambad sa mga publikong imbestigasyon ang dambuhalang pondo ng bayan na kinulimbat ng mga burukratang kapitalista sa maaanomalya at palpak ng proyektong flood-control, at pagbulsa ng daan-daang bilyong pisong kikbak ng mga upisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga kongresman, senador, at matataas na upisyal ng Malacañang.
Simula Setyembre, ilang buwan na dumaluyong ang kilusang protestang anti-korapsyon, sa pangunguna ng mga kabataang estudyante, ang karaniwang tinaguriang Generation Z o Gen-Z, katulad ng mga protesta sa ibang bansa. Subalit hindi katulad ng sandaling ningas ng protesta sa ibang bansa, nagtuluy-tuloy ang protesta ng mga kabataang estudyante sa Pilipinas, sa payong ng pambansa-demokratikong mga pwersa. Sumanib ito at humugot ng lakas sa pagkilos ng iba’t ibang demokratikong sektor.
Sa harap ng mga protesta, nilantad ng dati kasapakat na kongresman ni Marcos na mismong siya ay tumanggap ng ₱25 bilyong “SOP,” at na siya mismo ang utak sa likod ng pagpasok ng maaanomalyang proyekto sa badyet ng kanyang gubyerno. Para iligtas ang kanyang sarili, napwersa si Marcos na isakripisyo ang malalapit niyang upisyal na pinangalanang sangkot sa pangungulimbat, bagay na lumikha ng mga lamat at nagpasidhi ng hidwaan sa pagitan ng magkakatunggaling pangkatin sa loob ng Malacañang. Sa pamamagitan ng kunwaring imbestigasyong ipinag-utos ni Marcos, pilit pinagtatakpan ang kanyang tuwirang pananagutan sa korapsyong sa mga proyektong flood-control na pinondohan sa kanyang tuwirang utos sa ilalim ng “unprogrammed appropriations.”
Sa pagdaloy ng kilusang protesta nabuo ang malawak na mga alyansang anti-korapsyon sa buong bansa. Lumakas ang sigaw ng mga progresibo at demokratikong grupo, laluna ng mga kabataan, para sa pagpapabitiw o pagpapatalsik kay Marcos at Duterte, kahit pa tinangka ng pseudo-progresibong grupong Akbayan para ilihis ang galit ng taumbayan kay Marcos. . Iniaabante ang panukala para itayo ang isang “national transition council” na hahalili sa gubyernong Marcos-Duterte, itulak ang pagtitiyak ng mga hakbangin para panagutin ang mga nasangkot sa korapsyon, at isakatuparan ang mga pagbabago sa sistema ng eleksyon at pamahalaan. Bagaman nasa balangkas pa rin ito ng kasalukuyang sistema, at hindi maghahatid ng pundamental na pagbabago sa sistema, ang ganitong panawagan ay sadyang salamin ng malalim na pagkadismaya at kawalang tiwala ng taumbayan sa reaksyunaryong sistema at sa mga naghaharing uri, sa harap ng pabalik-balik na kaso ng korapsyon sa nagdaang mga dekada.
Upang pigilan ang paglaki ng mga kilos protesta sa lansangan, ginamit ni Marcos ang mga pwersa ng pulis at militar sa pagsupil sa mga demokratikong karapatan. Noong Setyembre 21, sa ika-53 anibersaryo ng batas militar, mahigit 270 ang inaresto sa Mendiola nang sumiklab ang kumprontasyon sa pagitan ng mga pulis at ng mga kabataang matapang na lumaban. Sa rali noong Nobyembre 30, ginawang mistulang garison ang Malacañang na pinalibutan ng libu-libong pulis para hindi makalapit sa Malacañang at hindi madinig ni Marcos ang mga sigaw ng taumbayan.
Ang naging pagsupil sa mga rali ay isang bahagi lamang ng papatinding pasistang panunupil ng rehimeng Marcos. Inilabas ni Marcos ngayong taon ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) na ngayo’y nagsisilbing plano sa malawakang pagsupil sa mga demokratikong karapatan sa balangkas ng counter-insurgency. Ginagamit nito ang Anti-Terror Law at Anti-Financing Terrorism Law upang ipitin ang mga samahang masa at mga organisasyong civil society, idawit ang mga ito sa rebolusyonaryong kilusan, at supilin ang kanilang mga aktibidad.
Sa kalunsuran, isinasagawa ng mga ahente ng estado ang sarbeylans, panggigipit at paninindak para pigilan ang pag-uunyon ng mga manggagawa at pag-oorganisa ng mga kabataan at iba pang sektor. Ang mga kilalang lider o kalahok sa mga kilos protesta ay target ng “pagbisita sa bahay” ng mga pulis upang “kumbinsehin” silang tumiwalag sa kanilang mga organisasyon at huwag lumahok sa mga pagkilos. Kaliwa’t kanan ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso, kabilang ang bantang pagkakaso ng pulis sa mahigit 90 lider-kabataan at mga kalahok sa rali noong Setyembre 21 sa Mendiola.
Sa balangkas rin ng NAP-UPD, patuloy na ipinapataw ng AFP, kasabwat ang NTF-Elcac, ang de facto na batas militar sa daan-daang barangay sa buong bansa. Ipinatutupad ang mga hakbanging mapaniil at mapang-api sa masang magsasaka, kabilang ang pagtatakda ng limitadong oras sa pagtatrabaho ng mga magsasaka sa kanyang bukid, pagpapapirma sa logbook sa paglabas o pagpasok sa baryo, pagtakda ng limitadong dami ng bigas na pwedeng bilhin, pagpapataw ng karpyu, at iba pang patakaran ng pagkontrol sa kilos ng taumbaryo. Ipinapakat ang mga pangkat ng mga sundalo sa mga barangay o kulumpon ng mga baryo ng mga magsasaka, laluna ang mga pinaghihinalaan ng AFP na sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan, sa ngalan ng pagpigil sa pagsuporta sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ang imperyalismong US ang pangunahing tagapayo at tagabigay ng suporta sa pinansya at materyal sa operasyong kontra-insurhensya ni Marcos at ng AFP. Walang-lubay ang panggagalugad ng AFP sa mga baryo at mga operasyong laban sa BHB. Patuloy ang mga triad o tatluhang operasyong saywar, intelidyens at kombat, sa desperadong tangkang gapiin ang hukbong bayan o pigilan ang mga pwersang gerilya na maggawaing masa sa mga baryo. Sa mga lugar na nasa ilalim ng focused military operation ng mga dibisyon at area command ng AFP, isinasagawa ang malawak na mga operasyon sa magkakanugnog sa pinaniniwalaan nitong mga sonang gerilya ng BHB. Bata-batalyon ang ginagamit ng AFP para habulin ang mga gerilyang platun o iskwad ng hukbong bayan. Kasabay ito na ginagamit ang pakanang amnestiya para sa saywar. Mula 2023, ginamit ni Marcos at kanyang mga sugo ang sikretong pakikipag-usap sa NDFP sa tangkang siluin ito sa usapang pagsurender ng rebolusyonaryong kilusan.
Nagpapakalat rin ito ng mga iskwad o pangkat ng mga pasistang sundalo, minsa’y nagpapanggap na mga pwersang gerilya sa tangkang linlangin ang masa. Gumagamit rin ang AFP ng masasamang elemento sa baryo para ipuslit ang mga kagamitang elektroniko (GPS tracker) sa pwesto ng mga yunit gerilya, upang asintahin ang mga Pulang mandirigma ng pangananyon, istraping at pambobomba mula sa ere gamit ang mga FA-50 jet fighter o Super Tucano na pang-atakeng eroplano.
Saanman at kailanman isinasagawa ng AFP ang mga operasyong kontra-gerilya, kasama sa target nito ang masang magsasaka sa baryo. Tuwing magkaroon ng armadong engkwentro, pwersahang pinalilikas ang masa sa kanilang mga baryo bilang pagparusa sa taumbaryo na paniniwalaan ng mga pasistang upisyal ng AFP na sumusuporta sa BHB. Sa nakaraang taon, mahigit 7,600 mga magsasaka ang biktima ng sapilitang pagbakwit.
Bahagi sila ng kabuuang halos 240,000 naging biktima ng pasistang panunupil at pandarahas ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 2024. Kabilang dito a

