Pinatay ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang babaeng lider-magsasaka sa Sityo Makilo, Barangay Camansi, Kabankalan City sa Negros Occidental noong Disyembre 23. Ang biktima ay kinilala bilang si Warlita Jimenez, 55 taong gulang na lider ng grupo ng mga magsasaka sa barangay.

Si Jimenez ay asawa ng isa ring lider-magsasaka na pinatay ng 15th IB noong Nobyembre 30, 2022. Ang asawa niyang si Joseph Jimenez ay sadyang pinatay ng militar matapos madakip, kasama si Ericson Acosta, konsultant ng National Democratic Front (NDF) para sa Negros.

Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement (S21M)-South Negros at Human Rights Advocates in Negros (HRAN) ang pagpatay kay Warlita. Nanawagan ng hustisya ang mga grupo at pamilya ng biktima.

Sa salaysay ng apo ni Warlita, bigla na lamang giniba ng dalawang nakabonet na armadong tao ang pintuan ng bahay ng kanyang lola noong alas-11 ng gabi ng Disyembre 23. Pinasok ng mga ito ang kwarto ni Warlita at narinig na lamang nila ang apat na putok ng baril. Nang puntahan ng kanyang apo, wala nang buhay si Warlita.

Ayon sa S21M-South Negros, mula nang pinatay ng militar si Joseph ay walang tigil na ang panliligalig ng mga ito kay Warlita. Palagi umano siyang pinapupunta sa barangay para pasukuin bilang myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Liban dito, naging target ng karahasang militar si Warlita dahil sa kanyang masigasig na paglaban para makamtan ng kanilang asosasyon ang lupang sinasaka sa Barangay Camansi.

Ganting salakay ng AFP

Ang pagpaslang ng mga tauhan ng AFP kay Warlita ay ilang linggo lamang makalipas ang mga armadong aksyong inilunsad ng BHB-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) sa Barangay Camansi. Tinarget ng BHB sa mga armadong aksyon nito ang mga aset paniktik ng AFP.

Noong Disyembre 13, napatay ng mga Pulang mandirigma sa armadong aksyon sa Barangay Camansi si Amay Jimenez na aktibong aset paniktik ng militar. Si Amay ay kapatid ni Joseph. Noong Disyembre 20, napatay naman ng BHB-Southwest Negros si Virginia Salmorenante sa Sityo Fabrica.

Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, ang dalaway ay kabilang sa mga nagdisenyo sa plano ng pagreyd ng mga pulis sa bahay na tinutuluyan ni Joseph at Acosta sa Barangay Camansi noong Nobyembre 2022.

Anang yunit ng BHB, ang hakbang pamamarusa kina Amay at Salmorenante ay pagkakamit ng hustisya para sa mga biktima nila at ng AFP.

The post Babaeng lider-magsasaka sa Negros Occidental, pinatay ng militar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.