Pinasok ng pinagsamang pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine National Police (PNP) at 76th Infantry Battalion ang bahay ni Ramon ‘Monet’ Alcantara sa Barangay San Vicente, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Disyembre 23, alas-3 ng madaling araw. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi natutunton ng kanyang mga kapamilya at kaibigan ang kanyang kinaroroonan.

Pilit na iniuugnay ng AFP si Alcantara sa naganap na engkwentro sa pagitan ng 76th IB at rebolusyonaryong kilusan sa barangay Lumangbayan noong Nobyembre 26.

Kilala si Alcantara sa Abra de Ilog bilang progresibo na naninindigan laban sa pagpasok ng minahan sa isla ng Mindoro. Aktibo din siya sa pagsusulong ng karapatan ng mga katutubong Mangyan sa kanilang lupang ninuno. Dati siyang tumakbo sa pagka-meyor ng Abra de Ilog noong 2022. Nagtapos siya ng BA Sociology sa University of The Philippines-Los Banos.

Ayon sa Karapatan Southern Tagalog, kahit papalapit na ang Kapaskuhan ay nagpapatuloy pa rin ang pananakot at panunupil ng rehimeng US-Marcos laban sa mga tagapagtanggol ng karapatan-tao at kalikasan.

Si Alcantara ang pangalawang biktima ng paglabag sa karapatang tao-ngayon buwang ng Disyembre sa Abra de Ilog. Unang naiulat si Dolores Mariano Solangon, isang katutubong Mangyan-Iraya at magsasaka, na dinukot at tinortyur ng mga elemento ng 76th IB.

Ayon sa Defend Mindoro, sa nagdaang limang taon, walang kapantay na terorismo at pandarahas ang naranasan ng mga katutubo at magsasaka sa Oriental at Occidental Mindoro dulot ng walang patid na operasyong militar sa isla.

Nagpahayag ng pagkundena ang League of Filipino Students-UPLB, UPLB Sociology Society, UPLB College of Engineering and Agro-Industrial Technology Student Council, UPLB College of Arts and Sciences Student Council at Anakbayan.

The post Dating kandidato sa pagka-meyor sa Mindoro, naiulat na nawawala appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.