Upisyal na inanunsyo Tanggol Migrante Movement (TMM) sa pamamagitan ng isang online press conference ang pagtatatag ng Families of Filipinos in Detention (FFIND) noong Disyembre 18. Ang FFIND ay organisasyon ng mga kaanak, kaibigan at Pilipinong migrante na biktima ng iligal na detensyon sa US. Humarap sa press conference ang mga kaanak ng mga Pilipinong migrante at imigrante na kasalukuyan at dating nakadetine sa mga pasilidad ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Nabuo ang FFIND mula sa walang tigil na paglaban ng mga mga biktima ng iligal na detensyon ng ICE, at ng kanilang kaanak katuwang ang komunidad ng mga Pilipino at mga organisasyon sa ilalim ng TMM. Sa proseso ng paglulunsad ng mga kampanya, naging magkatuwang ang mga kaanak at malapit na kaibigan ng mga nakadetine sa pagbibagay ng moral na suporta sa isa’t isa.

Ilulunsad at pangungunahan ng FFIND ang mga kampanya sa pagpapalaya ng kanilang kapamilya mula sa detensyon, paglilikom ng rekurso at pondo para sa mga kaso at pangangailangan ng pamilya at pagbibigay moral na suporta sa isa’t isa. Pangungunahan din nito ang paglulunsad ng mga adbokasiya sa lokal, nasyunal at internasyunal na antas para sa pagpapanagot sa mga upisyal ng gubyerno ng US at ng Pilipinas.

Ang FFIND ay magiging bahagi ng Tanggol Migrante Movement at Defend Migrants Alliance.

Sa press conference, nagpahayag ang mga kaanak ni Tita Rebecca, Yakub, at Zenar Dela Cruz at sina Maximo Londonio at Ligaya Jensen, mga dating detenido, sa kahalagahan ng pagkabuo ng grupo.

“FFIND ay pamilya, paglaban para sa ating pamilya, suportahan sila, ikampanya ang kanilang paglaya… Pagtindig laban sa pasistang rehimen at pagpapanagot sa gobyerno (US). Kasama ang gubyerno ng Pilipinas sa dapat panagutin, sila din ang dahilan kung bakit nagdurusa ang ating mga kapamilya ngayon. Ang FFIND ay dagdag natin na kampanilya, at ngayon ay lumawak nang lumawak tayo hanggang sa mga lugar na hindi natin akalain na maabot natin,” paliwanag ni April Lowe, anak ni Tita Rebecca.

Nagpahayag din sila pagkadismaya at galit sa kawalan ng interes at pakialam ng mga upisyal sa konsulado at embahada ng US sa kalagayan ng kanilang mga kaanak na nakadetine. Ang malala, hayagan pa silang sinabihan na lumayo sa mga myembro TMM.

“Para kay Ambasador Romualdez, nakahihiyang tingnan ka bilang ambasador ng Pilipinas, bilang kinatawan ng mga Pilipino. Isa kang kahihiyan, …Pinabayaan nyo lang kami, wala kayong awa o pakialam sa aming kalagayan. Samantalang responsibilidad nyo na protektahan kami. Dapat ka ng umalis sa pwesto kasama ni Bernice Santayana at sa lahat ng mga korap na upisal. Kailangan namin ng gubyerno na naglilingkod sa mamamayan,” pahayag ni Maximo Londonio.

Sa kasalukuyan ay kinakampanya ng TMM at FFIND ang pagpapalaya kina Kuya G, Kuya R, Kuya Darren, Tita Rebecca, Ya’akub Ira, at Kuya Sonny.

Nagpahayag din ng pakikiisa sa pagkatatag ng FFIND ang Migrante USA, Crossroads Justice Ministry, International Migrants Alliance, at International Association of Machinist.

The post Organisasyon ng mga kaanak, kaibigan at Pilipinong migrante na biktima ng iligal na detensyon, itinatag sa US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.