Nagreklamo ang mga residente ng Barangay Villa Corazon, Burauen sa Leyte sa paulit-ulit na walang patumanggang pamamaril ng mga tauhan ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) sa komunidad. Ang reklamo ay ibinahagi ng mga residente sa Facebook page na Eastern Visayas Media Without Borders (EMWB) na inilabas nito noong Disyembre 18.

Ayon sa reklamo, ilang beses nang bigla-biglang nagpaputok ang mga elemento ng CAFGU sa kanilang kampo na nasa barangay. Isinasagawa pa umano ito sa kalagitnaan ng gabi o madaling araw, mga oras ng pagpapahinga ng mga residente. Ikinababahala rin ang mga residente ang pag-iinom ng CAFGU sa mismong kampo militar.

Dismayado sila sa kawalang aksyon ng mga upisyal ng barangay at ng bayan sa mga aktibidad ng CAFGU. Ayon sa nagreklamo, hindi dapat pinalalampas at pinababayaan lamang ng mga upisyal ng gubyerno ang ganitong mga insidente laluna at posibleng magdulot ng kapahamakan sa mga sibilyan.

Isang araw matapos malantad ang pagpapaputok ng CAFGU, kaagad naglabas ng pahayag ang 802nd Infantry Brigade (IBde) ng Philippine Army na nakasasakop sa erya. Ipinalusot ng brigada na “dry run” ang sinasabing pagpapaputok ng baril sa kalagitnaan ng komunidad.

Nagbanta rin ang brigada laban sa mga mamamahayag ng EMWB. Ayon kay BGen. Pompeyo Jason Almagro, dapat huwag maglabas ng “hindi beripikadong impormasyon” ang midya at dapat makipag-ugnayan muna sa militar para hindi “magpakalat ng takot at maling impormasyon.”

Hindi sumang-ayon ang EMWB sa pahayag ng heneral laluna sa pagtawag sa impormasyon bilang “pekeng balita.” Giit ng grupo, hindi nila inilabas ang reklamo bilang balita kundi isang apela na may layuning manawagan sa mga kinauukulan na imbestigahan at tugunan ang panawagan ng mga residente. Nanindigan ang EMWB na walang mali sa kanilang inilabas na impormasyon laluna at para ito sa interes ng publiko.

Samantala, binatikos ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang pagpapaputok ng CAFGU ng sa komunidad at ang tahasang pagbalewala dito ni BGen. Almagro. Anang grupo, wala sa wastong pag-iisip ang heneral para isiping mahimbing na makakatulog ang mga sibilyang residente habang nagkakaputukan, at nag-iinuman at nagkakagulo ang mga armadong pasista sa loob ng kanilang komunidad.

“Sa ginagawa nila, pinakaapektado ang matatanda, kabataan, at mga maysakit,” ayon kay Ka Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng NDF-EV. Dagdag niya, sa pagkumpirma ni BGen. Almagro na naglunsad ng “dry run” sa kampo ng CAFGU, na nasa sibilyang komunidad, ay inamin ng heneral na lumalabag ito sa internasyunal na makataong batas.

“Ni hindi man lamang nila mabigyan ng oras ng pahinga ang masa na maghapong nagbabanat ng buto. Kahit sa tradisyunal na selebrasyon ng masa sa Pasko at Bagong Taon, ipagpapatuloy pa rin nila ang mga pagpapaputok, operasyong saywar at kombat sa mga baryo at sakahan ng masa,” aniya.

The post Walang patumanggang pamamaril ng CAFGU sa Leyte, inireklamo ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.