Naglunsad ng kilos protesta ang mga manggagawa ng Gardenia Bakeries Phils Inc at Philfoods Fresh Baked Products Inc sa Biñan, Laguna noong Disyembre 19. Binatikos ng mga manggagawa, sa pangunguna ng kanilang unyon, ang panggigipit, pambabarat at pag-atake ng kapitalista at mga pwersa ng estado.
Unang ikinasa ng Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Phils Inc at Unyon ng mga Panadero sa Philfoods Fresh Baked Products Inc ang kanilang protesta sa pabrika bago nagtungo sa harapan ng Laguna International Industrial Park (LIIP) sa Barangay Mamplasan. Ang dalawang unyon ay bahagi ng Organized Labor Associations in Line Industries and Agriculture (Olalia), isa sa mga pederasyon ng militanteng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU).
Inirereklamo ng unyon ng manggagawa sa Gardenia ang pagkakait ng kumpanya sa nararapat na sahod at bonus ng mga manggagawa ngayong buwan. Samantala, panawagan ng unyon sa Philfoods Inc ang pagbibigay ng dagdag na sahod mula sa ipinangakong wage distortion ng kapitalista. Inaasahan ng mga manggagawa sa dalawang pabrika ng tinapay na maibibigay ito ngayong buwan laluna at ilang araw na lang ay ipagdiriwang na ang Pasko.
Nagpahayag ng suporta sa protesta ng dalawang unyon ang Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik), panrehiyong balangay ng KMU sa Southern Tagalog. Anito, ilang araw na lang bago ang Araw ng Pasko ngunit nananatiling butas ang bulsa ng mga manggagawa ng Gardenia at Philfoods.
Noong Disyembre 14, nagmartsa sa lansangan ng Cabuyao sa Laguna ang mga manggagawa at unyong bahagi ng Olalia-KMU. Ipinagdiwang nila ang ika-40 anibersaryo ng pederasyon. Inihayag ng pederasyon na patuloy nilang isusulong ang militanteng pakikibaka ng mga manggagawa para sa mga nakabubuhay na sahod, regularisasyon, katiyakan sa trabaho, at karapatan sa pag-uunyon.
The post Mga manggagawa ng Gardenia at Philfoods, nagprotesta sa Laguna appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

