Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) at Malaya Movement ang pag-apruba ni Donald Trump, presidente ng US at ng mga senador nito, sa Philippine Enhanced Resilience Act (PERA) noong Disyembre 17. Ang batas ay isang amyenda sa National Defense Authorization Act for 2026. Alisunod dito, awtorisadong maglaan ang gubyerno ng US ng $500 milyon kada taon mula 2026 hanggang 2030, o kabuuang $2.5 bilyon ng Foreign Military Financing (FMF) sa Pilipinas. Bahagi ito ng kabuuang $900 bilyong pondo na inilaan ng US para sa inilulunsad at pinasisiklab nitong mga imperyalistang gera sa buong mundo.

Ayon sa mga grupo, ang PERA ay lalong magpapasidhi ng militarisasyon sa Pilipinas. Lalo rin nitong patitindihin ang tensyon sa pagitan ng China habang sinusupil ang paglaban ng mamamayan para sa pambansang soberanya. Higit ding dadami ang mga Balikatan war games na maglulunsad ng simulasyon ng gera, habang ang mga magsasaka ay hindi makapaghanapbuhay o malayang makakilos dahil sa mga maniobrang kombat at okupasyon ng militar sa kanilang lugar

Ang ‘hyper-militarization’ na ito ay lalong magdudulot ng matinding pagdurusa sa sambayanang Pilipino. Pinagtitibay nito ang Pilipinas bilang “hindi mapalulubog na aircraft carrier” para sa intenteres ng US.

Habang nagdurusa ang mamamayang napinsala ng bagyong Uwan at Tino para sa ayuda at kumpensasyon mula sa gubyerno, masayang nag-aabang ang korap na reaksyunaryong estado sa panukalang batas, laluna na may bago silang pagkukunan ng kita para sa kanila at kanilang kroni. Noong Setyembre, tinanggap ni Tess Lazaro, kalihim ng Department of Foreign Affairs ang $55 milyon para sa “maritime security,” na nagbibigay daan para sa Pilipinas at sa mamamayan na magsilbing lunsaran ng gerang proxy ng US at China, ayon sa mga grupo.

Mula nang maupo sa kapangyarihan si Ferdinand Marcos Jr noong 2022 at binentahan ng US ng mga helikopter ang kanyang rehimen, umaabot na sa 57,156 ang biktima ng pangbobomba. Malinaw din na ginagamit ng AFP ang ‘ayudang militar’ ng US sa sapilitang pagwawala at pagpaslang sa mga aktibista at mga nagtatanggol sa kanilang lupa, kabuhayan at karapatan.

“Nanawagan kami sa lahat ng mga Pilipinong nakatira sa ibayong dagat at mga alyado sa U.S. na kundenahin ang korap na ugnayan sa pagitan ng U.S. at ng rehimen Marcos Jr. sa pagtulak sa sambayanang Pilipino bilang pambala sa kanyon para sa gyera,” ayon sa pahayag ng mga grupo.

The post Bilyun-bilyong ayudang militar ng US sa AFP, tinutulan ng mga Pilipino sa US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.