Nakikiisa ang Melito Glor Command-NPA ST sa selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng People’s Liberation Guerrilla Army (PLGA), ang Pulang hukbo ng Communist Party of India (Maoist). Sinasaluduhan namin ang magigiting na Pulang kumander at mandirigma ng PLGA na patuloy na nagpupunyagi sa kanilang rebolusyon para ibagsak ang rehimeng US-Modi at hawanin ang landas para sa maaliwalas na sosyalistang kinabukasan ng India.
Sa okasyong ito, pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng proletaryong kilusan sa kamakailan lamang na namartir na Kasamang Madvi Hidma, kasapi ng Komite Sentral ng CPI (Maoist) at kumander ng PLGA. Dinakip siya at sadyang pinaslang ng pasistang rehimeng Modi noong Nobyembre 18. Kilala si Ka Madvi sa pangunguna sa matatagumpay na mga taktikal na opensiba ng PLGA.
Sa halip na manlumo, ipinamalas ng PLGA ang kanilang katapatan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan ng India na kamtin ang ganap na paglaya mula sa kuko ng imperyalismo. Kapuri-puri ang kapangahasan at katapangan ng PLGA na nagsusulong ng armadong pakikibaka sa isang napakalaking bansang India kung saan lubhang superyor sa pwersa at rekurso ang reaksyunaryong gubyernong Modi.
Binibigo nila ang mga atake ng Operation Kagaar mula Enero 2024. Katulad ito ng gerang inilulunsad ng rehimeng US-Marcos II sa Pilipinas na pilit “hinihibas ang tubig na languyan ng isda.”
Tulad ng kilusan sa bansa, malaki at malalim ang pinsalang tinamo ng CPI-Maoist at PLGA sa nakaraang taon hanggang Nobyembre ngunit hindi nahihibas ang balon ng mga Pulang kumander at mandirigma ng PLGA, nananatili silang nakatayo kasama ang mamamayang api at pinagsasamantalahan ng India. Sa pamamagitan ng kanilang pagtukoy at pagwawasto sa mga pagkakamali sa nakaraang 22 buwan, sumusulong ang PLGA sa absolutong pamumuno ng Partido. Inilulunsad nila ang pagbabalik-aral at pagsusuri sa obhetibong kalagayan upang mapigilan ang dagdag na pinsala at paghina.
Inspirasyon sa mga Pulang mandirigma ng MGC ang buhay at pakikibaka ng mga kapwa natin hukbo ng mamamayan sa India. Kasabay nila’y, buong lakas, talino at pusong nagsusumikap ang mga Pulang hukbo na umigpaw sa mga kahinaan at pagkakamali. Katulad ng kilusang pagwawastong inilulunsad sa bansa, tapat ang mga Pulang kadre, kumander at mandirigma ng rebolusyonaryong kilusan sa India sa panatang muling pasiglahin ang Partido, konsolidahin ang PLGA at ang mga organisasyong masa.
Sa katindihan ng pagharap sa mga atake ng imperyalismo at mga reaksyunaryong gubyerno, pinakawastong pamamaraan ang puspusang balik-aralan ang mga batayang prinsipyo sa digma, sa gabay ng MLM at paglalapat nito sa kongkretong kalagayan. Ang tungkulin ng PLGA at NPA na magkontra-opensiba ay nararapat na ipwesto upang bigyang katarungan ang mga pagmamalabis at paglabag sa karapatan ng mga berdugong estado. Nararapat na ihatid nila ang digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungo sa premovedkapatas hanggang sa tagumpay.
Sumusulong ang iba’t ibang anyo ng pakikibaka laban sa imperyalismo at reaksyon sa buong daigdig sa gitna ng salpukan sa pagitan ng mga imperyalistang bayan dulot ng di maampat na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Sa huli, higit na tumitining ang kawastuhan ng pagtahak sa landas ng armadong pakikibaka upang itayo ng mga bansang kolonya at malakolonya ang tunay na demokratikong gubyernong maglilingkod para sa interes ng mga mamamayan ng daigdig at magtatatag ng sosyalismo.
The post Suportahan ang rebolusyon sa India! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

