Nakalabas sa kulungan noong Disyembre 18 ang isang bilanggong pulitikal na manggagawang pangkultura ng Bohol matapos ang anim na taong pagkakakulong. Pansamantalang nakalaya si Alvin “Chai” Fortaliza matapos magpyansa sa kinahaharap na kasong tangkang pagpatay. Bago nito, ibinasura ng korte ang dalawang kaso ng pagpatay dahil sa kawalan ng ebidensya.
Inaresto siya ng mga pulis noong Marso 4, 2019 habang nangangampanya para sa Anakpawis Party-list sa palengke sa Guindulman, Bohol. Tagapagtatag rin siya ng Bol-anong Artista nga may Diwang Dagohoy (Bansiwag) Bohol Cultural Network noong 2010. Nagsilbi siyang ikalawang tagapangulo para sa Visayas ng grupong pangkultura na Sinagbayan.
Ikinalugod ng Karapatan-Central Visayas ang paglaya ni Fortaliza. Muling inihayag ng grupo ang matagal na nitong tindig na hindi siya dapat inaresto at ikinulong nang mahabang panahon. Anito, ang isinampang mga kaso kay Fortaliza ay pawang gawa-gawa lamang at layuning gipitin siya dahil sa pagtataguyod sa karapatan ng mga magbubukid ng Bohol.
Samantala, binatikos ng grupo ang sadyang pag-antala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa paglaya ni Fortaliza mula sa Bohol District Jail noong Disyembre 17. Anito, kumpleto na ang mga papeles at atas ng korte na palayain si Fortaliza sa bisa ng pyansa sa araw na iyon ngunit inantala pa ito ng mga pulis.
Anang Karapatan-Central Visayas, dapat panagutin ang mga upisyal ng BJMP at magpaliwanag sa pag-antala sa ligal na proseso.
The post Manggagawang pangkultura ng Bohol, nakalaya sa anim na taong pagkakakulong appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

