May seryosong problema sa pag-iisip si 802nd Infantry Brigade commander Pompeyo Jason Almagro para ipagwalang-bahala ang reklamo ng isang residente sa Barangay Villa Corazon, Burauen, Leyte sa nakabubulabog na “firing exercises” ng mga CAFGU sa kanilang detatsment sa loob mismo ng baryo.

Tugon ni Almagro sa isang anonymous na reklamo sa Facebook page na Eastern Visayas Media Without Borders, “dry run” lang naman daw at mga blangkong bala ang ginamit ng CAFGU sa ehersisyo militar, bilang paghahanda sa mga operasyon sa panahon ng kapaskuhan. Inamin niya na rin na nilalabag nila ang internasyunal na makataong batas sa pagkakampo at pagpapaputok sa loob ng sibilyang komunidad.

Baliw si Almagro para isiping mahimbing na makakatulog ang mga sibilyang residente habang nagkakaputukan, at nag-iinuman at nagkakagulo ang mga armadong pasista sa loob ng kanilang komunidad. Kahit tropa nila ay tiyak na hindi makakatulog habang may nagpuputukan at nag-iingay sa malapit. Sa ginagawa nila, pinakaapektado ang mga matatanda, kabataan, at maysakit.

Ni hindi man lang nila mabigyan ng oras ng pahinga ang masa na maghapong nagbabanat ng buto habang ang mga sundalo nila ay pinauulanan lang ng sweldo. Kahit sa tradisyunal na selebrasyon ng masa sa Pasko at Bagong Taon, ipagpapatuloy pa rin nila ang mga pagpapaputok, operasyong saywar at kombat sa mga baryo at sakahan ng masa. Dagdag-patunay na naman ito sa layunin ng pasistang militar na pangibabawan ang mga sibilyan na upisyal at maghari-harian sa kanayunan.

Pinagbantaan pa ni Almagro ang midya na pwede silang kasuhan sa paglalantad sa terorismo at mga paglabag sa karapatang pantao ng 802nd IBde sa Leyte. Hungkag ang mga “paggunita” nila sa Internasyunal na Araw ng Karapatang Pantao noong Disyembre 10, na layong itago ang pagkamuhi nila sa karapatan ng mamamayan sa malayang pamamahayag.

Hinihikayat namin ang masa at midya na patuloy na ilantad ang mga paglabag sa karapatang pantao ng pesteng militar sa mga komunidad. Gulo at takot ang dala nila at nararapat lang silang palayasin.

The post Pesteng CAFGU sa Leyte, nagpaputok sa loob ng baryo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.