Pinagpupugayan ng Eduardo Dagli Command (EDC)-NPA Batangas ang kabayanihan ng anim na mga kasamang kadre ng Partido at pulang mandirigma ng NPA Batangas na sina Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Leonardo “Ka Mendel” Manahan, Maria Jetruth “Ka Orya” Jolongbayan, Joy “Ka Kyrie” Manahan, Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, at Allyssa “Ka Ilaya” Lemoncito. Kasama ding pinagpupugayan ng EDC ang dalawang babaeng sibilyan na sina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda. Ang walo ay walang awang pinaslang ng berdugong AFP sa pangunguna ng Joint Special Forces Operation Command noong Disyembre 17, 2023 sa Malalay, Balayan, Batangas. Ang dalawang sibilyan ay mga kaanak na dumalaw, inunawa at tinanggap ang pagiging rebolusyonaryo ng kanilang kaanak na si Ka Komi. Kahit alam ng AFP na hindi sila kasapi ng NPA, sinadya pa rin silang paslangin.

Ang kanilang mga bangkay ay binilad sa init ng araw sa tubuhan. Pinahirapan ang kanilang mga pamilya na makuha ang labi ng kanilang mahal sa buhay sa pamamagitan ng paghihigpit sa mga rekisitos at pagtatago kung saang punerarya sila dinala. Dagdag pahirap ang panghaharas ng militar sa mga kaanak at mga kaibigan na nag-aasikaso sa pagkuha ng labi, malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law.

Hindi matatawaran ang anim na kasamang NPA na nagbuwis ng buhay para ipagtanggol ang buhay, kabuhayan at tirahan ng mamamayang Batangueño at sa kabuuang tungkulin ng mga rebolusyonaryo na palayain ang sambayanan mula sa sistemang malakonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Katunayan, maraming mga magsasaka, maggagapak, maggugulay at masang anakpawis na nakasalamuha at nakadaupang palad ng mga bayaning martir ang lumuha, nalungkot at nagalit sa nangyaring pagpaslang sa kanila.

Ang pagbubuwis ng kanilang buhay ay simbigat ng Bundok ng Batulao habang ang mga buhong na berdugong militar ay magaan pa sa balahibo ang kanilang katumbas dahil sa pagpapagamit sa mga panginoong may lupa at malaking burgesya-kumprador na pangunahing nagpapalayas at umaagaw sa lupa at kabuhayan ng mga masasaka sa kanayunan.

Ang lupang dinilig ng dugo ng Malalay 8 ay bahagi ng mga hasyenda ng tubuhan sa Kanlurang Batangas na siya ding pangunahing kabuhayan ng mamamayan doon. Matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang hindi makatwirang hatian sa kita sa pagitan nila at ng panginoong may lupa na kung tawagin ay 50-50. Ayon sa mga magsasaka, talbos lang ng tubo ang napupunta sa kanila samantalang ang tamis ng tubo na bahagi ng pinagpaguran nila at hinintay ng halos isang taon bago maani ay sa panginoong may lupa at sa asukarera lahat napupunta. Bukod sa sila lahat ang pumapasan ng gastusin sa pagsasaka, dinadaya pa sila sa kwentahan at timbang ng inaaning tubo.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang mga magsasakang magtutubo sa pagkawala ng kabuhayan sa Batangas simula nang isara ang CADPI, isa sa pinakamalaking asukarera sa bansa at simbolo ng industriya ng asukal sa Kanlurang Batangas. Ang pagsasara ng CADPI noong Disyembre 15, 2022 ay nakaayon sa plano ng reaksyunaryong estado, malaking burgesyang kumprador at panginoong may lupa na pagpapalit ng gamit sa malalawak na agrikultural na lupain sa Kanlurang Batangas.

Ang mga proyektong Eko-turismo, Clean Energy kuno na solar power farm at wind power farm, Nasugbu-Bauan Expressway, at iba pang proyektong pang-imprastraktura ay magreresulta sa pagkawala ng kabuhayan ng libu-libong magsasaka at manggagawang bukid.

Dahil sa pagkaganid ng sabwatan ng gobyerno, mga burukrata-kapitalista at mga panginoong may lupa, ang mga magsasakang may hawak na CLOA ay sapilitang binawian ng kanilang lupang sinasaka at pwersahang binayaran sa mas murang halaga. Ganito ang kalagayan ng mamamayan sa Kanlurang Batangas, na buong pusong pinagtatanggol ng NPA, kaya naman mahigpit na inakap at inaring kanila ng masang anakpawis ang mga hukbong nagtatanggol at handang magbuwis ng buhay para sa mamamayang nawawalan ng lupa at kabuhayan.

Hindi makakalimutan ng mamamayan ang kabayanihan nina Ka Binhi, Ka Mendel, Ka Orya, Ka Kyrie, Ka Komi at Ka Ilaya dahil sa dami ng kanilang tinulungan at tinuruang ipaglaban ang karapatan sa lupa at kabuhayan. Ang nawala lamang sa mga kasamang martir ay ang kanilang katawang lupa ngunit ang prinsipyong dala nila ay mananatiling buhay sa ating mga isip dahil habang bulok ang sistemang malakolonyal at malapyudal ay maghahangad ang mamamayan ng paghulagpos at paglaya.

Sa patuloy nating pagsusulong at pagpapalakas ng armadong pakikibaka hanggang sa pagtatayo ng isang lipunang malaya at pantay-pantay,
mabibigyan natin ng katarungan ang Malalay 8 at iba pang mga martir, at mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Nananawagan ang Eduardo Dagli Command-NPA Batangas sa lahat ng uring pinagsasamantalahan at inaapi na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang proletaryong rebolusyon sa pamamagitan ng armadong pakikibaka na pinamumunuan ng uring manggagawa at ng mahigpit nitong kaalyado, ang uring magsasaka, kasama ang iba pang demokratikong uri at sektor.

Itaas natin ang digmang bayan tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba. Ating paigtingin ang digmang bayan, kuhain ang inisyatiba sa pulitiko-militar hanggang maibagsak ang naghaharing bulok na sistema at maabot ang tagumpay ng sosyalismo!

Katarungan para sa Malalay 8 at sa lahat ng martir ng sambayanan! Dakilain ang kanilang buhay at pakikibaka!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanang nakikibaka!

Mamamayan ng Batangas, lumahok sa rebolusyon! Sampa na sa NPA!

The post Katarungan sa Malalay 8! Dakilain ang kabayanihan ng mga kasamang nagbuwis ng buhay para sa mamamayang Batangueño! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.