Nagprotesta ang grupong Tanggol Migrante Movement noong Disyembre 14 sa Baltimore Cruise Terminal upang ipanawagan ang agarang aksyon ng Carnival Cruise Line kaugnay sa kalagayan ng mga manggagawang marino nito. Sa nagdaang buwan, sunud-sunod ang detensyon, interogasyon at hindi makatwiran deportasyon ng Customs and Border Protection (CBP) sa mga Pilipino marino na nagtatrabaho sa mga barko nito.
Sa kabila ng napakalamig na panahon, nasa 40 myembro ng TMM ang dumalo sa protesta. Lumahok din sa pagkilos at nagbigay ng pahayag si Mark Parker, konsehal ng syudad ng Baltimore.
Sa kasalukuyan, nasa 183 na Pilipinong marino ang ipinadeport ng rehimeng Trump. Karamihan sa kanila ay dinetine habang nakadaong ang barko na kanilang pinagtatrabahuan sa Norforlk, Virginia at sa Baltimore, Maryland. Nagdulot ng matinding takot at demoralisasyon sa hanay ng mga marino ang sunud-sunod na deportasyon at kawalan ng aksyon ng kumpanya at embahada at konsulado ng Pilipinas.
Mula pa Setyembre, halos lingo-lingong namamahagi ang grupo ng polyeto malapit sa Cruise Terminal upang ipaalam sa mga marino ang kanilang mga karapatan at kung paano nila maprotektahan ang isa’t isa mula sa CBP.
Ayon sa TMM, sa halip na protektahan ang mga marino nito, hinahayaan ng Carnival ang CBP na takutin at pilitin ang mga manggagawa nito na pumirma sa mga dokumento na hindi nila naiintindihan.
Hugas kamay din ang kumpanya at nagrason na sumusunod at tumutulong lamang sila sa imbestigasyon at pagpapatupad ng batas.
Giit ng TMM, dapat protektahan ng kumpanya ang kanyang mga empleyado at magbuo ng alituntunin para sa kanilang proteksyon. Kabilang dito ang pagbibigay ng kumpanya ng tagasalin, ligal na kinatawan at akses para matawagan ang konsulado ng Pilipinas tuwing humaharap sa CBP. Dapat ding wakasan ang “boluntaryo” na pagtanggal or deportasyon at maglabas ng malinaw na operation protocol ng CBP sa lahat ng barko ng Carnival. Dapat suporthan at bigyan ng kumpensasyon ang mga manggagawa na biktima ng maling akusasyon at protektahan mula sa diskriminasyon at pagganti ang mga empleyado. Dapat din magkaroon ng independyente na tagamasid upang mamonitor ang kitos at aktibidad ng CBP sa mga barko.
“Ang mga Pilipinong marino ang gulugod ng industriya ng cruise (lakbay-dagat). Kumikita ang Carnival ng bilyun-bilyon mula sa lakas paggawa ng mga marino, lalo na ngayong panahon ng bakasyon. Ang pinakamaliit na magagawa nila ay tiyakin na hindi naabuso ng CBP ang kanilang mga empleyado,” pahayag ng TMM.
The post Kapabayaan ng barko sa manggagawang marino nito, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

