Nagpapatuloy ang panawagan para sa hustisya ng masang Indian sa sadyang pagpatay ng rehimeng Modi ng India sa isang myembro ng Komite Sentral ng ng Communist Party of India (Maoist) at 12 iba pa, isang buwam matapos sila paslangin noong Nobyembre 18-19. Ang 13 ay nadakip ng armadong pwersa ng India, ipinailalim sa tortyur, at sadyang pinatay sa pekeng mga engkwentro.

Noong Nobyembre 15, nadakip ng militar at pulis si Kasamang Madvi Hidma, isang Adivasi (katutubo), pinakabatang myembro ng Komite Sentral ng CPI (Maoist) at Kalihim ng Dandakaranya Special Zonal Committee sa syudad ng Vijayawada sa estado ng Andhra Pradesh. Nasa syudad si Hidma para magpagamot ng kanyang iniindang mga sakit. Kasama niya noon ang asawang si Kasamang Rajakka at apat na iba pang myembro ng CPI (Maoist).

Sa loob ng tatlong araw, ipinailalim ang anim sa matinding torytur at interogasyon para kumuha ng impormasyon o piliting sumuko sa rehimeng Modi. Nang hindi sumuko, dinala sila sa kagubatan ng Maredumilli sa distrito ng Alluri Seetharamaraju sa Andhra Pradesh at doon minasaker noong Nobyembre 18.

Pinarangalan ng Komite Sentral ng Partido si Kasamang Hidma para sa pag-aalay niya ng buhay sa rebolusyong Indian at pamumuno sa maraming taktikal na opensiba at labanan. Ipinanganak siya noong 1974 sa isang pamilyang Adivasi sa distrito ng Sukma ng Chhattisgarh. Naging pultaym siyang kasapi ng Partido noong Disyembre 1997 at umangat ang katungkulan sa sunod na mga dekada. Noong Agosto 2024 ay nahirang siyang Kalihim ng Dandakaranya Special Zonal Committee at myembro ng Komite Sentral.

Samantala noong Nobyembre 19, nadakip ng armadong pwersa ng India sina Kasamang Shankar, myembro ng Komite sa Estado ng Andhra-Odisha Border (AOB), at anim na iba. Sa halip na ituring bilang mga bihag at igalang ang kanilang mga karapatan, tinortyur at minasaker ang pito at pinalabas na napatay sa engkwentro sa Rampachodavaram sa Alluri Seetharamaraju sa Andhra Pradesh.

Sa imbestigasyon ng Dandakaranya Special Zonal Committee, napag-alaman nito na nasa likod ng pagkakatunton sa mga pinatay na mga kasama ang tumakas at sumukong myembro ng Partido na si Kosal, at iba pang indibidwal. Tumalilis si Kosal noong Nobyembre 9 mula sa kanyang kinabibilangang yunit ng PLGA at aktibong nagpagamit sa mga pwersa ng estado.

Binatikos din ng komite ang ilang mga sumuko at aktibong nagpapagamit sa rehimeng Modi na nagpapalabas ng malisyosyong pahayag na ipinag-utos ng ilang myembro ng pamunuan ng CPI (Maoist) ang pagpatay kina Kasamang Hidma. Ayon sa kanilang kasinungalingan, ipinapatay ng Partido ang mga ito dahil sa umano’y plano nilang sumuko sa rehimeng Modi. Anang komite, wala itong katotohanan.

Para kamtin ang hustisya sa pagmasaker sa 13, nanawagan ang komite sa mamamayan na maglunsad ng pambansang kilusang masa para itulak ang imbestigasyon sa masaker sa Maredumilli at Rampachodavaram. “Para maparusahan ang mga responsable at ipatigil ang nagpapatuloy na Operation Kagar sa ngalan ng korporasyon,” ayon kay Vikalp, tagapagsalita ng Dandakaranya Special Zonal Committee.

Ayon kay Vikalp, magpapatuloy ang partido sa pagsisikap nitong biguin ang Operation Kagar na pumipinsala at pumapatay ng mga indibidwal mula sa Komite Sentral ng Partido hanggang sa karaniwang mamamayan. “Sa kalagayang ito, tungkulin nating lahat na labanan ang Operation Kagar sa ilalim ng pamumuno ng ating Partido at mahigpit na manindigan sa rebolusyonaryong kilusan para kamtin ang mga adhikain ng ating mga martir,” pahayag niya.

The post Panawagan para sa hustisya sa pagpatay sa myembro ng Komite Sentral ng CPI (Maoist), nagpapatuloy appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.