Harap-harapang inilusot ng mga kongresista at senador ang buong bungkos ng pondong pork barrel na nakapaloob sa badyet para sa 2026. Sa gitna ito ng pagkukunwari ng mga mambabatas na kontra sila sa mga pondong ito.
Kabilang sa inilusot ang ₱400 bilyong allocable at ₱100 bilyong non-allocable na nakapaloob sa bersyon ng badyet na ipinasa ng Mababang Kapulungan. Ang pondong ito ay nakapaloob sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at nakalaan para sa iba’t ibang proyektong imprastruktura.
Pakitang-tao na tinapyasan ito ng Senado nang ₱54 bilyon dahil umano sa “overpricing.” Nagaganap ngayon sa bicam ang malaking panloloko sa taumbayan kung saan kunwa’y nagkakaroon ng debate kung ibabalik sa badyet ang pondo. Ang bicam ay isang pinagsamang komite ng Senado at Mababang Kapulungan na binubuo ng mga senador at kongresista para pagsalubungin o plantsahin ang magkakaibang bersyon ng isang panukalang batas na naipasa ng dalawang kapulungan, katulad na ang General Appropriations Bill o pambansang badyet.
“Ang pagpupumilit…na ibalik ang ₱54-bilyong pagbabawas na iminungkahi ng Senado na…budget sa DPWH ay (nangangahulugan) ng mas maraming kikbak o tinatawag na SOP para sa mga mambabatas at upisyal ng ehekutibo,” ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa isang pahayag noong Disyembre 15.
Sa pondo ng DPWH kumukuha ang mga kongresista, senador at presidente ng kikbak na 20% hanggang 25% kada proyektong pang-imprastruktura. Ayon sa Bayan, ang ₱54 bilyon ay katumbas ng 25% ng mga allocable.
Kunwari ding pinagdebatehan, pero sa huli ay dinagdagan pa ang alokasyon para Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), pondong pork barrel na nasa anyo naman ng serbisyong pangkalusugan. Sa bersyon ng Kongreso, nilaanan ito ng ₱49.2-bilyon, tinapyasan ng Senado at ginawang ₱29-bilyon. Ang huling halaga na itinutulak ng mga mambabatas sa bicam ay ₱51.645 bilyon. Mas mataas ito kumpara sa ₱42 bilyon na inilaan sa programa sa 2025. Dumadaan ang MAIFIP sa mga kongresista, imbes na diretso sa mga ospital, sa anyo ng mga “guarantee letters” na ibinibigay nila sa kanilang mga constituent. Pansuhay ito sa sistemang padrino dahil kontrolado ng kongresista kung sinu-sino lamang ang makatatanggap ng ayuda.
Sa huling ulat, ipinagtanggol ng presidente ng Senado na si Tito Sotto ang MAIFIP, at sinabing hindi naman daw ito “pork.”
“Sa halip na bawasan ang pondo para sa matagal nang inaabuso na sistema ng pangangailangan ng guarantee letters mula sa mga pulitiko upang makakuha ng tulong medikal, itinaas pa ng bicam ang alokasyon sa ₱51 bilyon… (L)along (itong) magpapatibay sa sistema ng patronage sa healthcare,” ayon sa BAYAN.
Anito, inilalantad ng “dedlak” sa bicam ang malalim na pagkaugat ng sistema ng pork barrel sa badyet.
“Pinatutunayan din nito na ang korapsyon ay hindi aksidente o pagkakamali, kundi isang pangunahing bahagi ng istruktura ng kasalukuyang proseso ng pagbuo ng budget,” ayon sa Bayan.
Samantala, kinundena ng Makabayan bloc ang pagpapalobo ng Senado ng tinagurian nitong “LGU pork” o Allocations to Local Government Units (ALGU), partikular ang Local Government Support Fund (LGSF) na halos dinoble ng Senado mula sa ₱20.2 bilyong alokasyon tungong ₱38.1 biiyon. Ang LGSF, na dating isang malaking aytem sa pondong unprogrammed appropriations ng pangulo, ay nilaanan ng ₱16.7 bilyon sa anyo ng dagdag na ayuda.
“Sa kabila ng pagpapanggap ng Senado na kontra ito sa ‘pork,’ ang mga dagdag na ito ay nagpapanatili sa malawak na listahan ng mga proyekto sa imprastraktura at ayuda na nagsisilbi sa mga interes sa pulitika kaysa pambansang pagpaplano ng pag-unlad,” ayon kay Rep. Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Partylist.
Noong Disyembre 13, nagprotesta ang mga myembro ng Bayan sa harap ng Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kung saan ginaganap ang pagdinig ng bicam.
The post Pork barrel, pinalulusot sa bicam appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

