Nanawagan ang Alliance for Health Workers (AHW) at Alliance for Concerned Teachers (ACT) para sa makatarungang dagdag sahod at benepisyo para sa mga manggagawang pangkalusugan, empleyado sa ospital, guro at kawani. Ito ay matapos itaas ng rehimeng US-Marcos ang sweldo ng militar at uniformed personnel (Philppine National Police, Coast Guard, Bureau of Correction, at Bureau of Fire Protection) nang 15%. Itinaas din ng rehimen ang kanilang subsistence allowance mula ₱150 tungo sa ₱350.

“Malinaw ang dahilan ng pag-aanunsyo ng Pangulo. Dahil sa mga usapin ng destabilisasyon na umiikot, nagkukumahog ang administrasyon na tiyakin ang katapatan ng kapulisan, habang isinasantabi ang matagal nang panawagang disente at nakabubuhay na sweldo ng mga guro at kawani,” paliwanag ni Ruby Bernardo, tagapangulo ng ACT.

Ayon sa ACT, patuloy na nagtitiis at naghihirap ang mga guro sa kakulangan ng mga klasrum, gamit sa pag-aaral, laging nahuhuli na benepisyo at workload o trabaho na lagpas sa itinakda nilang gawin. Nagtitiis ang mga kawani ng gubyerno sa mababa, mabagal na adjustment sa sweldo at kawalang tulong sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at tumataas na mga bayarin.

“Mahiya ka naman sa mga guro at kawani na patuloy ding nagbibigay ng serbisyo sa gitna ng krisis at sakunang dulot ng kapabayaan ninyo. Panawagan nating itaas ang sweldo ng mg guro, ₱50,000 sa Teacher I, ₱36,000 sa Salary Grade I. At kung itinaas ang subsistence allowance ng pulis at sundalo, dapat itaas na rin ang Personnel Economic Allowance (PERA) ng mga guro at kawani tungong ₱5,000”, giit ni Bernardo.

Ganito din ang panawagan at daing ng mga manggagawang pangkalusugan. Ayon sa AHW, ilang dekada nang nagdudusa at nagtitiis ang mga manggagawang pangkalusugan sa mababang sahod, nahuhuli o hindi naibibigay na mga benepisyo, kontraktwalisasyon, kakulangan ng mga tauhan o istap, at hindi ligtas na kondisyon sa paggawa.

Samantala, tuwing panahon ng pandemya, sakuna at emergency sa pampublikong kalusugan, nasa unahan ang mga manggagawang pangkalusugan na gumagampan ng kanilang tungkulin sa gitna ng delikadong kondisyon, mahabang oras ng pagtatrabaho dahil sa kakulangan ng istap, pagkalantad sa nakamamatay na sakit nang walang nakukuhan bayad sa overtime, benipisyo at proteksyon.

Ayon sa AHW, bagamat tinaasan ng rehimeng Marcos ang sahod ng mga empleyado ng gubyerno noong Agosto 2024, hindi sapat ang pagtaas at mababa ito kumpara sa ginigiit na family living wage na ₱1,200 kada araw o ₱36,000 kada buwan. Ang mga panggagawang pangkalusugan at mga empleyado sa ilalim ng Salary Grade 1 ay tumaas lamang ang sahod sa P530 kada buwan o ₱24 kada araw (mula ₱13,000 tungo sa ₱13,530). Habang ang mga Nurse 1, na may Salary Grade 15 ay nakatanggap lamang ng dagdag na ₱81.55 kada araw. Dagdag dito, ilang dekada nang napako sa ₱50 ang subsistence allowance ng mga pampublikong manggagawang pangkalusugan.

Anito, dapat gampanan ng gubyerno ang kanyang obligasyon sa mga mamamayan, at tiyakin na nasusuportahan ang mga guro, manggagawang pangkalusugan at kawani ng gubyerno. Kabilang dito ang pagtataas ng kanilag sahod at i-adjust ang subsistence allowance ayon sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Giit ng mga grupo ang paglipat ng confidential funds at pork barrel ng militar para sa edukasyon, kalusugan at lahat ng mahahalagang pampublikong serbisyo.

The post Makatarungang sahod para sa mga mangggagawang pangkalusugan, guro at kawani, ipinanawagan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.