Kahit kailan, hindi matutugunan ng panukalang batas nina Dy at Marcos ang problema sa dinastiyang kontrol sa pambansa’t lokal na pamamahala. Magpapatuloy ang dominasyon ng iilang pamilya sa ehekutibo’t lehislatura. Magpapatuloy ang pagpapahirap sa mamamayan.

Basahin ang House Bill No. (HBN) 6771. Ito ang panukalang Anti-Political Dynasty Act na siguradong ikatutuwa ng mga politikal na angkan.

Palibhasa, pro-dynasty ang ‘di umanong anti-dynasty bill nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos. Kailangan pa bang banggitin na ang Dy at Marcos ay mga pamilyar sa apelyido sa gobyerno?

Ano pa ba ang aasahan sa isang anti-political dynasty bill na mula sa mga mismong dinastiyang may direktang koneksiyon sa Malakanyang? Hindi ba’t binanggit ng pangulo (na tatay ni Sandro) na mayroon siyang apat na priyoridad na panukalang batas, kabilang na ang anti-political dynasty bill?

Ang tanong sa puntong ito, anong klaseng batas ba ang gusto nilang tutugon sa nakasulat sa Art. II, Sek. 26 ng Saligang Batas na “ipagbawal ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.”

Ipagbawal sa wikang Filipino, prohibit sa wikang Ingles. Sa madaling salita, hindi dapat maging kontrolado ng iilang pamilya ang gobyerno.

Pero ano ba ang nakasaad sa HBN 6771, partikular sa Seksyon 5 (Persons Covered; Prohibited Candidates)? Simple lang: Bawal ang sabay-sabay sa pagtakbo ng magkakamag-anak sa iisang lugar, pero posible pa rin silang tumakbo kung iba’t ibang lugar.

Sa madaling salita, posible pa ring iisa ang apelyido ng mga opisyal ng iba’t ibang siyudad, munisipyo o distrito sa isang probinsya, na siyang nangyayari sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Kung magiging pangulo, pangalawang pangulo o senador ang tatay o nanay, puwede pa ring maging miyembro ng Kamara de Representantes ang mga kamag-anak niya, bukod pa sa puwesto sa pamahalaang lokal tulad ng gobernador o alkalde.

Madali para sa mga mayaman at makapangyarihang tumakbo sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas sa sobrang dami ng kanilang pag-aari, kasama na ang mga mansiyon. Mahaba ang kasaysayan ng mga politikong natalo sa isang lugar pero nanalo nang lumipat sa isa pa. At sa panukalang batas nina Dy at Marcos, mas lalo pang magiging regular ang pabago-bago ng rehistro ng pagboto ng mga nagnanais kumandidato.

Kung magiging batas ang HBN 6771, posible pa rin ang dynasty succession. Kung matapos ang termino ng opisyal, puwedeng pumalit sa kanya ang kamag-anak. Wala kasing nakasulat sa Seksyon 5 na ipinagbabawal ito. At kahit sa Seksyon 3 (Definition of Terms), hindi komprehensibo ang depenisyon ng political dynasty kaya walang malalim na paliwanag sa konsepto ng fat dynasty (sabay-sabay na may iba’t ibang puwesto) at thin dynasty (magkasunod sa isang puwesto).

Sa pagbabasa ng pitong pahinang panukalang batas, malinaw na kabaligtaran ng nilalaman ang titulo nitong Anti-Political Dynasty Act. Nagkukunwari lang ang mga nasa kapangyarihang tinutugunan ang panawagan ng malawak na mamamayan. Nais nilang pahupain ang galit ng mamamayan sa korupsiyong kinasasangkutan ng maraming miyembro ng mga politikal na angkan, kabilang na mga nakaupo ngayon sa Palasyo.

Kahit kailan, hindi matutugunan ng panukalang batas nina Dy at Marcos ang problema sa dinastiyang kontrol sa pambansa’t lokal na pamamahala. Magpapatuloy ang dominasyon ng iilang pamilya sa ehekutibo’t lehislatura. Magpapatuloy ang pagpapahirap sa mamamayan.

Walang lugar ang pagsisinungaling at panlilinlang. Tanging basurahan ang paglalagyan ng HBN 6771.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sahttps://risingsun.dannyarao.com/

The post Konteksto | Dinastiya appeared first on Bulatlat.


From Bulatlat via This RSS Feed.