Nagkaisa ang 33 lider ng Simbahang Katolika sa pagtutol sa planong pagtatayo ng power plant sa Labrador, Pangasinan. Nakiiisa sa isang pastoral letter na unang inilabas ni Arsobispo Socrates Villegas ng Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan noong Disyembre 6. Noong Disyembre 8, naglabas ng liham ang mga obispo at arsobispo kung saan hinimok ng arsobisyo ang gubyerno at ang mamamayang Pilipino na gawing prayoridad ang ligtas at sustenable na renewable energy sa halip na nuclear power.
Sa liham na ito, nagpahayag ang mga lider Katoliko ng malubhang pagkabahala at pagtutol sa planong pagtatayo ng plantang nukleyar. Anila, delikado ang panukalang pagtatayuan ng planta dahil malapit ito sa East Zambales Fault Line at madalas na tinatamaan ng lindol at bagyo. Wala ring ligtas at pangmatagalan na solusyon ang gubyerno para sa pagtapon ng basurang radioactive ng isang nuclear power plant.
Ayon sa Department of Energy, plano ng ahensya na magtayo ng 1,200 megawatt na plantang nukleyar sa Pangasinan na may halagang P255 bilyon at may lawak na 120 ektarya.
Noong Nobyembre 3, inanunsyo ni Sharon Garin, kalihim ng Department of Energy, na tumatanggap ang gubyerno ng Pilipinas ng aplikasyon para sa pagtatayo ng nuclear power plant sa ilalim ng bagong tatag na Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM). Ang ahensya ang magiging responsable sa pagbibigay ng lisensya, pangangasiwa at pagsunod sa mga tuntunin ng paggamit ng enerhiyang nucleyar.
“Dapat mas mamaksimisa ang sagana na rekurso para sa renewable energy sa halip na mamahunan sa isang delikadong teknolohiya mula sa nakaraan. Mas makikinabang lamang ang mga pribadong kumpanya mula sa proyektong nukleyar habang nalalagay ang mamamayan sa kapahamakan. Dapat din mas prayoridad ang pag protekta sa buhay at kapaligiran. Milyun-milyong mamamayan, sakahan, ekosistema at ekonomiya ang mapapahamak pag magkaroon ng nukleyar na aksidente,” pahayag ng mga lider Katolika sa liham.
“Nananawagan kami sa mga upisyal ng gubyerno at mamamayang Pilipino na piliin ang landas ng pang-iingat at pananatili. Hindi natin pag-aari ang Pangasinan, utang natin sa susunod na henerasyon na panatilihing ligtas ang prubinsya mula sa sakuna dulot ng nuklear na kalamidad,” ayon sa grupo.
The post 33 arsobispo at obispo, tutol sa pagtatayo ng nuclear power plant sa Pangasinan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

