Nagtipon ang mahigit sa 20 myembro ng balangay ng Makabayang Samahang Pangkalusugan-National Capital Region (MSP-NCR) sa isang sikretong lugar noong Disyembre 6 para ilunsad ang kanilang rehiyunal na asembliya. Dumalo dito ang mga manggagawang pangkalusugan sa ospital, nars, duktor, medical technologist, dentista, at mga estudyante sa medisina at pagka-nars.
Ang MSP ay ang rebolusyonaryong organisasyon ng sektor pangkalusugan na alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Itinatag ang grupo noong Disyembre 6, 1978. Idinaos nito ang unang pambansang kumperensya at nagbuo ng programa noong Disyembre 30, 1978.
Pinagtibay ng MSP-NCR ang paninindigan para sa demokratikong rebolusyong bayan sa harap ng labis-labis na pagdurusa ng mamamayang Pilipino. Anito, mahalagang isanib ang lakas ng sektor pangkalusugan sa pakikibaka ng mamamayan para sa pagsusulong ng rebolusyon.
Nabuo rin sa asembliya ang 5-puntong resolusyon para sa pagpapalakas sa pakikibaka nito. Nakasaad sa espesyal na isyu ng pahayagang Ang Rebolusyonaryong Lunas ang sumusunod na mga resolusyon:
- Abutin at organisahin ang pinakamaraming myembro ng sektor pangkalusugan para sa rebolusyon.
- Ialay ang kasanayan at kaalaman sa rebolusyon, lumahok sa digmang bayan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.
- Aktibong lumahok sa demokratikong pakikibaka ng sektor at sambayanan at tuluy-tuloy na ilantad, ihiwalay hanggang maibagsak ang rehimeng US-Marcos-Duterte.
- Maglunsad ng masiglang propaganda-edukasyon at pakilusin sa mga isyu at usaping hinaharap ng sektor at ng buong mamamayan.
- Isulong ang pakikiisa at suporta sa mga mamamayang nakikibaka at nagrerebolusyon sa ibang bansa.
Ayon sa MSP-NCR, sadyang itinaon nila ang asembliya sa araw ng anibersaryo ng MSP bilang paraan na rin ng pagdiriwang. Anito, halos isang taon ang naging paghahanda para sa inilunsad na asembliya. Kabilang sa mga hakbang na ipinatupad nito ang pagbubuo ng komite sa paghahanda at pag-oorganisa.
Bahagi ng mga inilatag na rekisito ang paghahanda ng mga balangay o mga pre-pormasyon ng balangay sa mga sub-sektor ng sektor pangkalusugan. Noong Agosto, binuo ang balangay ng MSP sa hanay ng mga estudyanteng pangkalusugan. Ang ibang sub-sektor naman ay nagdaos ng mga pulong paghahanda.
Nagrebyu at nag-aral din ang mga myembro ng MSP sa mga saligang dokumento ng kanilang organisasyon. Tiniyak nila na ligtas ang lugar na pagdarausan ng asembliya at sininop ang ligtas na pagpunta ng mga dadalo.
Ayon sa balangay, mahalagang okasyon ang pagtitipon para sa konsolidasyon ng kasapian ng MSP. Nagbigay-daan ito para makapagbahagi ang mga myembro ng rebolusyonaryong karanasan sa pag-oorganisa at karanasan sa pagbibigay-serbisyo ng MSP na tumugon sa panawagang mag-integrasyon sa kanayunan. Anito, mahalagang hakbang rin ito sa paghahanda sa higit pang konsolidasyon ng MSP sa pambansang saklaw.
Ibinahagi ng ilang mga dumalo sa asembilya, laluna ang mga bagong myembro ng MSP, na tumaas ang kanilang moral nang makakita ng mga kapwa rebolusyonaryo sa sektor. Ayon pa sa isang estudyanteng pangkalusugan, laking tuwa niya nang makita ang mga myembro ng MSP mula sa ibang propesyon laluna ang mga doktor at nars.
The post Asembilya ng rebolusyonaryong grupo ng sektor pangkalusugan sa NCR, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

