Nagmartsa sa Vigan City sa Ilocos Sur ang mga mangingisda at tanggol-kalikasan noong Disyembre 13 para manawagan ng pananagutan sa pagwasak sa kalikasan ng operasyong dredging ng Isla Verde Mining and Development Corp. (IVMDC), kumpanyang nakabase sa Taiwan. Habang kinikilala nila ang pansamantalang pagtigil ng operasyong dredging, kinakailangang panagutin ang korporasyon at bigyang hustisya ang napinsalang mamamayan at kalikasan.
Pansamantalang napatigil operasyon ng kumpanya noong Nobyembre kasunod ng malakas at walang tigil na pagtutol ng mga residente sa mga bayan ng Santa at Caoayan. Gayunpaman, hindi na maipanunumbalik ang pinsala na dinulot nito sa yamang dagat at sa baybayin na nagwasak sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Naperwisyo ng dredging ang 9,536 na mga residente mula sa siyam na barangay ng Santa at Caoayan. Dala ng operasyon ang matinding ingay sa gabi at walang-tigil na pagyanig ng mga istruktura.
Binulabog nito ang mga isda, nilason ang tubig at pininsala ang iba pang lamang-dagat. Dahil dito, bumaba ang huli ng mga mangingisda. Kung dati ay nakapagbebenta sila ng ₱1,000 halaga ng isda, ngayo’y hindi sapat ang kanilang nakahuhuli kahit pangkonsumo lamang.
Sa pangunguna ng Defend Ilocos Sur Network, muling inirehistro ng mga grupo ang kanilang panawagan sa lokal na gubyerno. Nakiisa rin sa pagkilos nila ang mga myembro ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).
“Ang panawagan namin ay hustisya sa porma ng makatwirang kompensasyon at rehabilitasyon ng mga nasirang pook-pangisdaan. Gayundin ang pananagutan sa mga opisyal ng pamahalaan at ahensya na nagpahintulot sa mapanirang aktibidad,” pahayag ni Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya.
Bago ang protesta, inilunsad ng Defend Ilocos Sur Network, sa pakikipagtulungan sa iba pang mga organisasyon at mga eskwelahan, ang Ilocos Sur People’s Environmental Summit sa araw na iyon. Nagtipon ang mga kalahok sa summit sa Caritas Nueva Segovia, Vigan City.
Tinalakay dito ang magkakaugnay na isyu ng karapatang-tao, korapsyon at pagkasira ng kalikasan. Isang eksibit rin ng mga larawan ng pagkasira sa kalikasan at pakikibaka ng mamamayan ang ipinakita sa pagtitipon. Anang grupo, ang aktibidad ay paraan rin ng pagdiriwang sa Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao na ginunita noong Disyembre 10.
Noong Disyembre 9, nagpunta sa House of Representatives sa Quezon City ang ilang residente ng prubinsya na napinsala ng dredging. Nagsumite sila, kasama ang Pamalakaya at ang Makabayan Bloc, ng resolusyon sa House of Representatives para imbestigahan ang negatibong epekto sa kabuhayan at kalikasan ng pagkukwari ng IVMDC.
The post Mga mangingisda at tanggol-kalikasan sa Ilocos Sur, muling nagprotesta kontra mapangwasak na dredging appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

