Kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate, Jose Rapsing Command ang pag-aresto ng 2nd IB at Philippine National Police (PNP) Palanas sa isang mangingisda na may kapansanan sa pag-iisip sa paratang na siya ay mataas na upisyal ng BHB.
Si Juanito “Bonoy” Bultron, 56 anyos, naninirahahan sa Barangay Teresita, Cataingan ay inaresto noong Disyembre 9 ng pinagsamang pwersa ng 2nd Police Mobile Provincial Force at Palanas MPS. Pinalalabas ng PNP na nahuli siya sa barangay Malibas, Palanas at na kumakaharap sa kasong murder. Binansagan din siyang “municipal most wanted rank no. 2.”
Ayon sa BHB-Masbate, malinaw na tumitindi ang desperasyon ng militar at pulis sa pagdamay ng mga ito sa may kapansanan para lamang may maibandera na ‘accomplishment’ laban sa BHB at sa rebolusyonaryong kilusan.
Nanawagan ang BHB-Masbate sa mamamayang Masbateno na maging alerto sa mga paglabag sa karapatang-tao ng mga pulis at militar. Tiyak na titindi pa ang mga operasyon ng mga ito habang papalapit ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Disyembre 26.
The post Mangingisda na may kapansanan, pinaratangan na mataas na upisyal ng BHB-Masbate appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

