Mula maupo ang rehimeng Marcos noong Hunyo 2022, lumaki ang utang ng Pilipinas nang 37.3% tungong ₱17.6 trillion noong Oktubre, lampas na sa unang taya ng mga upisyal na aabot lamang ito sa ₱17.36 trilyon sa pagtatapos ng taon.
Sa kalkulasyon ng Ibon Foundation, umuutang ang rehimen nang abereyds na ₱208.3 bilyon kada buwan, mas mabilis sa pinagsamang buwanang abereyds ng nagdaang rehimeng Duterte (₱130.6 bilyon) at Aquino (₱61.5 bilyon).
Ayon sa Ibon, ang malaking dagdag ng utang ay kasabay ng paglobo ng pondo para sa maanomalyang pork barrel sa pambansang badyet sa ilalim ng rehimen. Isang halimbawa nito ang paglaki ng pondo para sa unprogrammed appropriations (UA) mula ₱251 bilyon noong 2022 patungong ₱807 bilyon noong 2023, ₱731.5 bilyon noong 2024, at ₱531.7 bilyon ngayong 2025. Malaking bahagi ng pondong UA ay ginamit sa palpak at ghost na mga proyektong flood control.
Lampas sa UA, lumobo ang badyet ni Marcos para sa flood control, mula ₱283.2 billion noong 2023, ₱352.8 bilyon noong 2024 at ₱350.5 bilyon ngayong 2025.
“Kinukumpirma ng nagpapatuloy na pagkabunyag ng korapsyon na daan-daang bilyong pisong pondo ng gubyerno, kabilang ang inuutang nito, ay hindi napunta sa kagalingan ng mamamayan o sa tunay na pag-unlad,” ayon sa Ibon. Sa halip, napunta ito sa mga bulsa ng makapangyarihan at mayayaman sa pamamagitan ng pagsisingit ng pork barrel insertion sa badyet.
Sa taya ng Makabayan bloc sa Kongreso, aabot sa ₱695.8 bilyon sa panukalang badyet para sa 2026 ay pork barrel para sa presidente at kongreso.
The post Utang ng Pilipinas, lumaki nang 37% sa ilalim ni Marcos appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

