Mariing pinasisinungalingan ng Jose Rapsing Command-NPA Masbate ang panghahambog ng militar at pulis na may nahuli silang mataas na upisyal ng NPA sa Masbate. Sa halip, kinukundena nito ang desperadong hakbang ng kumbinadong pwersa ng CIDG, RIU, SAC at PNP Cataingan sa paghuli kay Junito “Bonoy” Bultron, 56, isang mangingisda na may deperensya sa pag-iisip noong Disyembre 9, 2025 sa barangay Teresita, sa bayan ng Catingan.
Pinalalabas ng militar at pulis na nahuli si Bultron sa barangay Malibas, Palanas at isa siyang kasapi ng New People’s Army (NPA), myembro ng larangan 1 at rank no. 2 na may kasong murder. Labis itong ipanagtataka ng mga taga-Malibas lalo na ng mga kamag-anak at kakilala ni Bultron. Ayon sa kanila, kung saan-saan ito nakakarating dahil may deperensya ito sa kanyang pag-iisip at palagi rin itong pumupunta sa kanila. Subalit, hindi ito NPA.
Nililinaw din ng pamprubinsyang kumand na kailanman hindi naging kasapi ng NPA si Bultron. Malinaw na nakasaad sa patakaran sa pagrerekluta ng NPA, na ang tanging nasa hustong edad na may malinaw at malusog na pag-iisip lang ang maaaring reklutahin nito.
Naaawa naman sa sinapit ni Bultron ang mga kamag-anak at kakilala nito habang kinukutya at nagagalit sa walang patawad na pagdamay ng militar at pulis dito para lang may maibanderang “accomplishment” laban sa NPA at rebolusyonaryong kilusan sa Masbate. Ayon sa kanila, hindi katanggap-tanggap na kahit ang wala sa insaktong pag-iisip ay idadamay rin ng militar at pulis sa kanilang mga “pakulo” at desperasyon.
Walang pinipiling biktima ang desperadong mga militar at pulis. Kaya, nananawagan ang JRC-NPA Masbate sa mamamayang Masbatenyo na maging alerto at mapagbantay sa mga ilinulunsad o posibleng nauulol na mga hakbang ng mga pasista. Anumang mga paglabag, dapat na agad na kumilos at gumawa ng mga nararapat na hakbang ang mamamayan upang ilantad ang mga ito.
Malaking tulong sa ngayon ang social media tulad ng FB ganun din ang pagpapadala ng mensahe o pagtawag sa mga istasyon ng radyo upang ipabatid, ipalaganap at ilantad sa publiko ang iwinawasiwas na karahasan, mga paglabag at desperasyon ng mga tuta ng Commander-in-Chief na si Marcos Jr.
Nakatuntong sa mando ni Marcos ang ginagawang mga pakanang ito ng militar at pulis sa layong magpalaganap ng fake news at disimpormasyon na tuluyan nang humihina o paubos na ang NPA. Kailanman, hindi ito mangyayari! Hangga’t may mga ninanakawan ng kabuhayan at lupa; may hinuhuli, ikinukulong at pinapaslang na walang kasalanan; may nagugutom at nagdurusa sa pang-aapi at pagsasamantala, manananatili at manananatili ang NPA at rebolusyonaryong kilusan saanmang dako ng ating bansa.
The post Pagdakip sa isang mangingisdang may deperensya sa pag-iisip sa bayan ng Cataingan, desperadong hakbang ng militar at pulis appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

