Nagresulta ang tigil-pasada ng Manibela (Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon) sa pakikipagdayalogo ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanila para reresolbahin ang hinaing ng mga drayber at operaytor. Ayon sa grupo, umabot sa 20,000 na drayber ang lumahok sa tigil pasada.
Isa sa mga iniinda ng grupo ang napakatagal na proseso ng pagpaparehistro o paglalabas ng prangkisa ng mga dyip at sobrang mahal na mga multa. Idinadaing din nila ang malawakang korapsyon sa upisina ng LTFRB, laluna sa
Region 3 kung saan talamak ang sobra-sobrang singil para sa aplikasyon sa TNVS (Transportation Network Vehicle Service, tulad ng Grab o Angkas) at seguro. Problema din ang sistemang payola o suhol sa mga ahensya. Anito, sa halip na natatarget ang mga iligal na opereytor, nagagamit pa ang “anti-kolorum” na kampanya ng estado para kikilan ang maliliit na drayber.
Planong maglunsad ng grupo ng tatlong araw na tigil pasada, mula Disyembre 9 hanggang 11 upang iparating ang kanilang panawagan. Pero dahil nakipag-dayalogo ang Department of Transportation (DOTr), Land and Transportation Office (LTO) at LTFRB sa grupo noong Disyembre 9, hindi na itinuloy ang tigil-pasada sa Disyembre 9.
Sa mga pulong, nangako ang mga upisyal na ilalabas ang nakabimbing mga dyip, plaka, at lisensya na nakumpiska dulot ng panggigipit sa mga drayber. Kasama rin sa mga pangako ang paglalabas ng memorandum circular para sa pagpapalawig ng Provisional Authority at pagpaparehistro ng mga sasakyan. Nangako din ang mga ahensya na sisiyasatin at pananagutin ang mga tauhan ng LTO at LTFRB na sangkot sa panunuhol at pagbebenta ng Provisional Authority sa mga aplikante ng TNVS.
The post Tigil-pasada ng Manibela, nagresulta sa dayalogo sa LTFRB at DOTR appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

