Sinugod ng mga tauhan ng Woggle Corporation ang barikada ng mga residente ng Upper Tacbao, barangay Bitnong noong Disyembre 12 ng hapon. Katuwang ang PNP Dupax del Norte, tinakot, ginipit, at binastos ng mga ito ang mga nagbarikada at sinira ang kanilang mga gamit. Ganti ito ng kumpanya matapos matagpuang sunog ang excavator nito sa araw na iyon.
Kinuha ng mga gwardya ang mga selpon at ID ng mga residente na nagdodokumento ng karahasan. Tinangka ding nakawin ang kanilang generator, dalawang gasul, kalan, solar panel, mga trapal at gamit kusina. Nailabas din ng mga tauhan ang mga sasakyan ng kumpanya na iligal na pinasok sa sityo.
Dalawang babaeng residente ang hinarang ng mga tauhan at pinilit na pinaghubad. Tinutukan din ng baril ng mga pulis ang mga residente nang igiit nila ang kanilang mga karapatan. Dahil walang signal sa lugar ay hindi nakapag live-stream sa social media hinggil sa pangyayari at hindi rin nakahingi ng tulong ang mga residente.
Noong Nobyembre 15, ginamit na dahilan ng Woggle Corporation ang bagyong Uwan upang ipuslit ang mga sasakyan at makinarya sa exploration site. Gagamitin diumano ang excavator para sa paglinis ng daan matapos magkaroon ng landslide sa barangay. Ngunit ayon sa mga residente, ang tunay na pakay ng kumpanya ay makakuha ng water sample sa ilog na kailangan nito para sa kanilang pagsisiyasat hinggil sa klase ng mga mineral ang matatagpuan sa lugar. Dahil sa barikada, napigilan ang mga opereytor na mailabas ang wheel excavator at maging ang tatlong pick-up at isang light truck ng kumpanya.
Nagpahayag ng pagkabahala ang grupong Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan (ANVIK) sa nangyaring pandarahas sa mga residente ng barangay Bitnong.
“Nawa’y di gamiting dahilan ang naratibong ito ng pagsunog para kasuhan at gamitan ng dahas ang mamamayang nagdedepensa ng kanilang karapatan sa lugar laban sa dayuhang minahan,” pahayag ng grupo.
Mariing kinundena ng mga residente at ng mga indibidwal na kontra-mina ang nangyaring pandarahas ng kumpanya.
“Nakalulungkot at nakagagalit ang ginagawa nila sa atin, sa mga taga upper Tagbao, ‘wag tayong pumayag na harasin, takutin o patahimikin lang tayo. Gamitin natin ang ating galit para singilin sila [Woggle Corporation] sa lahat ng kasalanan nila sa Nueva Viscayano. Wag tayong papayag na hindi sila mananagot. Suportahan natin ang barikada,” pahayag ni Atty. Ellice Balgos, isa sa mga abugado ng grupong kontra-mina sa Dupax del Norte.
The post Mga residente ng Dupax del Norte, binastos at pinagbantaan ng mga tauhan ng Woggle Corporation appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

